Inday TrendingInday Trending
Ang Sekyung May Mabuting Puso

Ang Sekyung May Mabuting Puso

“Ma’am excuse lang po, pa-check lang po ng bag.”

Tiningnan mula ulo hanggang paa ng ginang ang security guard na si Ramir. Pagkatapos, humarap ito sa kaniya.

“Antipatiko ka ah. Anong akala mo sa akin magnanakaw? Baka gusto mong patanggal kita sa trabaho?” asik ng ginang kay Ramir.

Magalang pa ring tumugon si Ramir.

“Ma’am mas mawawalan po ako ng trabaho kung hindi ko ito gagawin.”

Umismid ang ginang at wala itong nagawa kundi ibigay ang kaniyang shoulder bag kay Ramir. Matapos suriin ang bag at wala naman itong dalang ipinagbabawal, umalis na ang ginang.

Dalawang taon nang security guard sa isang convenience store si Ramir. Hindi niya talaga gusto ang trabahong ito. Sa umaga isa siyang security guard. Sa gabi naman, isa siyang mag-aaral sa kolehiyo. Criminology ang kursong kinukuha niya. Gusto niyang maging pulis. Kailangan niyang kumayod upang matustusan ang kaniyang mga pangangailangan sa buhay gayundin sa pag-aaral. Siya lamang kasing mag-isa. Ang mga magulang niya ay nasa lalawigan sa Camiguin.

Mahirap ang trabaho ni Ramir. Halos maghapon siyang nakatayo. Bawal ang matagal na pag-upo. Bilang security guard, responsibilidad niyang matiyak na nasa maayos na kalagayan ang kaniyang mga kasamahan gayundin ang mga customer na namimili sa kanila.

Hindi rin maiiwasan ang ilang mga customer na masusungit gaya ng ginang kanina. Hindi nila naiisip na para din sa kanila ang kanilang ginagawa.

Maya-maya, napansin ni Ramir ang isang lalaking pagala-gala sa loob ng convenience store. Kanina pa ito pumasok subalit tila hindi naman bibili. Patingin-tingin ito sa bandang kaha. Nakatunog naman ang kahera na napasulyap kay Ramir. Tila may masamang binabalak ang lalaki.

Hindi nga sila nagkamali dahil bigla nitong hinaltak ang masungit na ginang kanina na nagsungit kay Ramir at tinutukan ng patalim. Nagkagulo ang mga tao sa loob at isa-isang naglabasan.

“Ilabas mo ang lahat ng pera sa kaha at ibigay sa akin kundi p*patayin ko ang babaeng ito!” galit na sabi ng lalaki.

Nataranta naman ang kahera at napatingin kay Ramir. Tinantya ni Ramir ang mga pangyayari. Sa tingin niya, hindi sanay gumawa ng krimen ang lalaking hostage taker. Mukhang may pinagdaraanan sa buhay.

“Relax ka lang kuya. Ano bang problema? Baka pwede nating pag-usapan ito?” tanong ni Ramir sa lalaki. Nakahanda naman siya sa mga ganoong pagkakataon. Ayaw niya munang ilabas ang baril. Hangga’t maaari ay ayaw niyang dumanak ang dugo. Isa pa, baka tuluyang mapahamak ang ginang na hostage nito.

“Ibigay ninyo sa akin ang benta ninyo kundi itatarak ko ang kutsilyo sa babaeng ito!” galit na galit na sabi ng lalaki. Subalit sa mga mata nito, nabanaag ni Ramir ang takot.

“Gawin ninyo na ang hinihingi niya para matapos na! Maawa kayo sa akin. Kailangan pa ako ng mga anak ko…” takot na takot na sabi ng ginang. Sa panahon ng panganib ay matabil pa rin ang bibig nito.

“Brod, kung anuman ang pinagdadaanan mo, malalampasan mo rin iyan. May asawa ka ba? Anak? Isipin mo sila. Paano kung mapahamak ka ngayon? Paano na sila?” sinisikap ni Ramir na i-aplay ang reverse psychology na napag-aralan niya upang mapaamo ang hostage taker.

“Humingi ako ng tulong sa kanila. Wala akong asawa. Wala akong anak. Pero may nanay akong may sakit ngayon na mamamatay na sa sakit. Walang tumutulong sa akin. Anong silbi ng buhay ko kung mawawala ang nanay ko?” napaiyak na sabi ng lalaki.

“Brod, alam mo bang lahat naman tayo ay may pinagdaraanan? Katulad ko. Mahirap ang aking buhay pero patuloy akong lumalaban. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Sigurado akong hindi magugustuhan ng nanay mo kung makukulong ka. Hindi niya magugustuhang magkakaganyan ka,” sabi ni Ramir.

Sukat nito’y napahagulhol ang hostage taker at tuluyang binitiwan ang hawak na patalim. Takot na takot naman ang ginang na pinagsasampal at pinaghahampas ng kaniyang hawak na bag. Dumating naman ang mga pulis na tinawag ng mga umalis na customer at nakasaksi sa mga pangyayari.

Hinuli nila ang lalaki at tinanong kung ano ang nangyari dito. Humingi ito ng paumanhin kay Ramir, sa kahera, at sa babaeng hinostage nito dahil sa gulong ginawa niya. Magulo raw kasi ang isip niya dahil sa patong-patong na problemang kinakaharap niya. Naging mabuti naman ang kalooban ng ginang at hindi na itinuloy ang demanda sa lalaki. Tinulungan pa niya ito sa pagpapagamot sa kaniyang may sakit na ina.

“Maraming salamat Ramir, kung hindi dahil sa iyo, baka nakagawa na ako ng pagkakamaling pagsisisihan ko sa huli,” naluluhang sabi ng lalaki na nagngangalang Billy.

“Huwag mo na lang ulitin brod. Kaya natin ang buhay. Laban lang,” nakangiting paalala ni Ramir sa lalaki.

Pinagkalooban naman ng gantimpala ng convenience store at ng lokal na pamahalaan si Ramir dahil sa kabayanihang ginawa niya.

Advertisement