Ang Hinala ni Aling Susan

Nagtataka si Aling Susan kung bakit halos gabing-gabi na kung umuwi ang asawang si Mang Castor mula sa trabaho. Nagtatrabaho ito bilang mensahero sa isang pribadong kumpanya. Alas singko ng hapon ang labas nito sa trabaho, at umuuwi kaagad.

Alas siyete ng gabi ay nasa bahay na kaagad ito. Subalit ngayong linggong ito, tatlong araw nang umuuwi ng halos alas nuwebe ng gabi ang asawa. Napansin din niyang masaya itong umuuwi sa bahay. Nakangiti. Tipong nakakain ng isang masarap na putahe.

“Ginagabi ka yata?” kaswal na tanong ni Aling Susan sa kaniyang asawa isang gabing pagdating nito.

“Medyo marami lang ginagawa sa opisina mahal,” tugon ni Mang Castor. Nakangiti ito sa kaniya.

Nahihiwagahan si Aling Susan sa pag ngiti ng asawa. Mukhang may itinatago itong kakaiba.

Dalawampung taon ng kasal sina Aling Susan at Mang Castor. Sa loob ng napakahabang panahong iyon ay hindi sila pinalad na magkaroon ng supling dahil baog si Aling Susan. Gayunman, hindi ito naging isyu para kay Mang Castor. Minahal pa rin niya ang asawa sa kabila ng kakulangan nito. Hindi rin nila naisipang mag-ampon dahil ayaw ni Aling Susan. Nangarap pa rin siyang balang-araw ay mabibigyan niya ng anak ang mabait na asawa. Sinubukan na nilang sumayaw sa Obando subalit hindi pa rin talaga nangyari ang himalang inaasam nila.

Sa kabila nito, hindi rin nagbigay ng kahit na anong dahilan si Mang Castor upang pagselosin ang asawa. Subalit nitong mga nakaraang araw nga’y kakaiba ang mga ikinikilos nito.

Tinawagan ni Aling Susan ang kumareng si Aling Ninay upang ibahagi rito ang kaniyang nararamdaman.

Advertisement

“Ano bang gagawin ko mare? Pakiramdam ko’y may itinatago sa akin si Castor. Palagay mo ba may babae siya?”

“Ano bang sinasabi ng kutob mo? Alam mo tayong mga babae may mga kutob tayo na hindi nababali. Kung ako sa iyo, hinuhuli mo na iyang asawa mo! Baka kung sino na ang inuuwian niyan bago sa iyo,” payo naman ni Aling Ninay sa kumare.

Nakaramdam ng selos si Aling Susan. Ayaw man niyang bigyan ng malisya ang mga kakaibang kilos ng asawa, hindi niya magawang ipagkait sa sarili ang malaking katanungan kung bakit gabing-gabi na kung ito ay umuwi na dati ay hindi naman.

Hanggang sa oras ng pagtulog ay balisa si Aling Susan. Paano kung hindi naman pala totoo ang kanyang bintang sa asawa? Paano kung nagpapakasaya lamang ito kasama ng mga kaibigan sa labas? O kung totoo ang sinasabi nitong maraming ginagawa sa opisina kaya kailangang mag-overtime? Pero paano kung tama naman ang kaniyang hinalang may ibang babae ang asawa? Nasa ganitong isipin si Aling Susan bago siya makatulog.

Kinabukasan, mas lalong minanmanan ni Aling Susan ang kilos ni Mang Castor. At sumidhi ang kaniyang hinalang may ibang pinagkakaabalahan ang asawa dahil nag-ayos pa ito nang todo at nagtagal ang pagsipat ng sarili sa salamin.

“May lakad ka ba? Mukhang nagpapagwapo ka nang husto ah,” kunwa’y puri ni Aling Susan sa asawa. Bahagyang natawa si Mang Castor sa asawa, sumulyap sa kaniya, at ipinagpatuloy ang pagsusuklay.

“Medyo gagabihin ulit ako ng uwi mahal. Hindi na ako kakain dito,” sagot ni Mang Castor. Matapos humalik sa kaniya sa pisngi, nanaog na ito ng bahay at pumasok na sa trabaho.

Isang plano ang nabuo sa isipan ni Aling Susan. Susundan niya ang asawa. Mas mabuti nang magkaalaman na.

Advertisement

Bandang alas kuwatro ng hapon, nagtungo si Aling Susan sa opisinang pinagtatrabahuhan ni Mang Castor. Matiyaga niyang hinintay ang paglabas nito. Alas singko ng hapon, nakita niya ang paglabas ni Mang Castor. Nakangiti ito at may bitbit pang dalawang kahon ng doughnut. Naglakad lamang ito kaya naging madali para kay Aling Susan ang palihim na pagsunod dito. Matapos ang ilang minuto, pumasok ito sa isang malaki-laking bahay na may makukulay na bakod. Kinausap muna nito ang guwardiya bago siya pinapasok sa loob.

Naglatang ang kalooban ni Aling Susan. Sinasabi na nga ba niya! Mukhang tama ang hinala niyang may ibang inuuwian ang kaniyang asawa. Sinugod niya ito bago pa man makapasok sa loob ng bahay.

“Castor! Saan ka pupunta at kaninong bahay ito?” panggugulat ni Aling Susan sa asawa. Napalingon si Mang Castor sa asawa, at pagkaraa’y ngumiti.

“Anong ginagawa mo rito mahal?” nakangiting tanong ni Mang Castor. Hindi ito ang inaasahang reaksyong makikita ni Aling Susan mula sa asawa. Hindi ba kapag nahuhuli ng iba ang kanilang asawang may ginagawang kalokohan, namumutla ang mga ito?

“Ikaw ang kailangan kong tanungin. Anong ginagawa mo rito sa ganitong klaseng lugar? Sino ang inuuwian mo rito? May babae ka?”

Natawa lamang si Mang Castor at inaya siyang sumama sa kanila. Itinuro nito ang maliit na paskil sa tarangkahan ng bahay. Binasa ito ni Aling Susan: HOME FOR THE ANGELS.

Pagkapasok sa loob, namangha at napatda si Aling Susan sa kaniyang nakita. Isa pala itong bahay-ampunan. Halos 30 mga batang inabandona ng kanilang mga magulang ang naroon, edad mula tatlo hanggang pitong taong gulang. Sila pala ang laging dinadalaw ng asawa.

Pagkauwi sa bahay, humingi ng dispensa si Aling Susan sa asawa dahil sa kaniyang malisyosang isipan. Gabi gabi palang pumupunta si Mang Castor sa ampunan upang mapawi ang kaniyang kalungkutan.

Advertisement

“Akala ko kasi may babae ka na. Lagi kang umuuwing masayang-masaya at late na,” naiiyak na pag-amin ni Aling Susan kay Mang Castor.

“Mahal natutuwa lamang ako sa mga bata sa ampunan. Hindi ko magagawa sa iyo ang pagtataksil. Mahal kita. Gusto kong tulungan ang mga batang iyon.” paniniguro ni Mang Castor. At nagyakap silang dalawa.

Dahil dito, pumayag na rin si Aling Susan na mag-ampon upang magsilbing tanglaw sa kanilang pagsasama ni Mang Castor. Noong una’y ayaw ni Mang Castor dahil baka raw napipilitan lamang si Aling Susan, subalit natuwa na rin si Aling Susan sa mababait na batang inaalagaan sa ampunan. Napagtanto rin niyang hindi siya dapat nagbibigay ng malisya sa asawa hangga’t hindi pa niya ito napatutunayan.