Inday TrendingInday Trending
Kung Anong Itinanim, Siyang Aanihin

Kung Anong Itinanim, Siyang Aanihin

Malakas na malakas talaga ang ulan nung araw na iyon kaya naman ganoon na lang ang pangiginig ni Lester at ng kaniyang pamilya sa loob ng kanilang bahay na gawa lang sa pinagtagpi-tagping mga yero, trapal at putul-putol na plywood. Tanging ang kalan de uling kung saan sila nagsasaing ang nagbibigay ng kakarampot na init sa kanilang bahay upang ibsan ang kanilang panginginig sa lamig.

“Bibili na lang muna ako ng noodles diyan sa tapat. Kailangan natin ng mainit na sabaw na mahihigop para mainitan tayo kahit papaano, mahal,” paalam ni Lester sa kaniyang asawa. Hinalikan niya ito sa noo bago siya lumabas ng kanilang bahay.

Naglakad si Lester sa labas suot ang kaniyang plastik na kapote upang bumili ng instant noodles sa malapit na tindahan nang makasalubong niya ang isang uugod-ugod na matandang pilit na sumisilong noon sa isang likod bahay na may bubungan. Nanginginig ito sa lamig. Basang-basa ang suot nitong damit na nababalutan na rin ng putik. Ganoon din ang suot nitong tsinelas.

“Naku, tay, ano ho ang ginagawa niyo riyan?” Agad na dinaluhan ni Lester ang matanda. “Ay, ako’y nagpapatila lang. Inabutan kasi ako ng ulan dito, hijo,” sagot naman ng matanda.

“Aba’y sumama na lang ho muna kayo sa amin. Doon na lang po muna kayo tumuloy. Kaya lang, eh, napakaliit lang ho ng bahay ko’t gawa lang sa pinagtagpi-tagping scrap ng plywood pero mayroon ho doong sindidong kalan de uling kung saan kayo pupuwedeng makapagpainit,” buong puso’t may pag-aalala pang pag-aalok ni Lester sa kaawa-awang matanda. Para kasing nakikinikinita niya ang yumaong mga magulang dito kaya’t ganoon na lang ang naramdaman niya nang makita itong nilalamig.

“Aba, eh, napakabuti mo naman, hijo. Sana’y pagpalain ka ng Diyos. Maraming salamat.” Natutuwang tinapik ng matanda ang balikat ni Lester.

Noon din ay inihatid muna ni Lester ang matanda sa kanilang tahanan bago siya muling lumabas upang ipagpatuloy ang pagbili ng instant noodles sa tindahan.

Dinagdagan na ni Lester ang bilang ng instant noodles na binili niya kaysa sa karaniwan upang may maipahigop man lang na sabaw sa kanilang bisita. Isa pa’y mukhang gutom na rin kasi ang matandang tinulungan niya. Agad niyang ipinaluto sa kaniyang misis ang pagkain.

Mayamaya pa ay sinandukan na sila ng misis ni Lester. Agad na hinainan din nito ang kanilang matandang bisita na noon ay inabutan din ni Lester ng malinis na tuwalya na may kasama pang damit pamalit.

“Pasensiya na ho kayo. Eh, ganito lang ho ang kaya naming ihain sa inyo, tay,” saad Lester sa matanda.

“Ay naku, walang problema iyon, hijo! Ako nga ay labis na nagpapasalamat sa iyo. Alam mo hulog ka ng langit para sa lahat ng taong nakatira sa lupang ito. Sana minsan makadalaw ulit ako rito kung sakali,” saad naman ng matanda.

Biglang nalungkot ang mukha ni Lester nang mabanggit nito ang salitang “lupa” dahil na rin sa kinahaharap na problema ngayon ng kanilang pamilya. Sila kasi at ang mga taong kasama nilang nakatirik ang bahay sa lupang iyon ay mga iskwater lamang. Ngayon nga ay may bali-balitang balak na raw bawiin ng may-ari ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan.

“Naku, ‘tay, maraming salamat naman ho sa inyong papuri. Kaya lang baka ho hindi na ninyo kami ulit mapuntahan sa lugar na ito, eh. Kami ho kasi’y mga iskwater lang. Sa katunayan ay pinaaalis na ho kami rito.”

“Ay naku, huwag mong intindihin iyon. Malaki ang awa ng Diyos sa mga taong may mabubuting kalooban. Magtiwala ka lang,” ang huling mga salitang sinabi ng matanda bago ito nagpaalam noon dahil tutal ay tumila na rin naman ang ulan.

Naiwan sina Lester na bumalik naman sa normal nilang gawain sa kabila ng kanilang kinahaharap na problema.

Samantala, nagpasya si Don Valencia na bumalik sa lokasyon ng lupang kaniyang pagmamay-ari dala ang kaniyang titulo upang tuluyan nang ipagiba ang mga bahay na nakatirik doon. Sakay siya ng kaniyang mamahaling sasakyan nang utusan niyang ipagiba ang bahay nina Lester na siya namang ikinahagulgol ng buong pamilya.

Ang hindi alam ni Lester ay isa pa lang malaking sorpresa ang siyang bubulaga sa kaniya nang bumaba mula sa sasakyan si Don Valencia, ang matandang tinulungan noon ni Lester habang kasagsagan ng ulan.

“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na babalik ako rito? Ngayon ay heto ako’t ibinibigay ko sa’yo ito.” Ipinakita ni Don Valencia ang titulo ng lupang kinatitirikan ng bahay nina Lester maging ng mga kapitbahay nila upang iabot iyon mismo kay Lester na siyang taong labis niyang hinangaan.

“Natutuwa kasi ako sa iyo, hijo. Alam mo bang bukod tanging ikaw lang ang nagmagandang loob sa akin nung araw na iyon na patuluyin ako sa iyong tahanan upang pasilungin? Ngayon ay ako naman ang magbibigay sa iyo ng tulong. Ipinagiba ko ang bahay ninyo dahil gusto kong magpatayo ng mas matibay at mas malaking tahanan para sa iyong pamilya kung saan maaari ka pang tumanggap ng mga bisitang tutulungan mo pa sa hinaharap. Hanga ako sa iyo. Sa ngayon ay titira muna kayo sa bahay ko kung kayo ay papayag habang ipinagagawa ko pa ang inyong magiging tahanan,” masayang wika ng matanda.

Laking tuwa nina Lester sa biyayang ibinalik ni Don Valencia para sa simpleng tulong na ibinigay niya rito noon. Talaga nga namang tinamaan siya ng good karma dahil sa kabutihang ginawa niya noon na walang hinihinging kapalit.

Advertisement