
Pangarap, Kaibigan, Katuparan.
Masayang nagkukuwentuhan si Melia at Totoy nang magtanong ito tungkol sa pangarap ni Totoy.
“Pangarap ko pong maging doktor,” wala pa man ay nakikinikinita na ni Totoy na maging isa siyang doktor balang araw. Nakangiti niyang pinagmasdan ang pigura sa kaniyang isip, suot ang puting damit.
“Bakit naman?” muling tanong ni Melia sa anak.
“Gusto kong gamutin ang sakit mo, Mama.” Napatigil si Melia sa paghagod ng buhok ni Totoy. Tila naestatwa siya sa narinig, hindi makapaniwala.
“Narinig ko pong nag-uusap kayo ni Ate at parehas kayong umiiyak dahil may sakit ka raw po.” Pinunasan ni Totoy ang luha ng kaniyang ina gamit ang maliit na hinlalaki.
“Huwag kang umiyak, Mama. Pagagalingin naman po kita balang araw,” matatag na sabi ni Totoy sa harapan ng kaniyang ina. Tuluyang napahagulhol si Melia at iniwan muna ang anak na mag-isa sa pinto.
Hindi naging madali ang pagtahak ni Totoy ng landas bilang estudyante. Naranasan niyang ma-bully ng kaklaseng nagngangalang Darren. Araw-araw ay may masasakit itong nasasabi sa kaniya at minsan pa’y nagiging marahas ito at pisikal na sinasaktan siya.
Naging tikom ang bibig ni Totoy. Hindi siya nagsusumbong at inunawa lamang ang kaklaseng alam niyang may problema rin. Isang araw ay nakita niyang may dalawang lalaki na sinasaktan si Darren. May hinihingi ang mga ito pero hindi maibigay ng kaklase.
Isang suntok ang pinakawalan ng lalaking kasing laki lang ni Darren. Tumama ito sa pisngi ng kaniyang kaklase kaya naman napasinghap siya at napasigaw.
“Darren!” may kalakasang sigaw ni Totoy, sapat upang marinig ng mga lalaking nangbubugbog.
Lumapit siya sa mga ito.
“Bakit ba ang hilig niyo mang-away?” kinakabahan man ay naitanong pa rin iyon ni Totoy.
“Wala ka na roon! Sino ka ba, ha?” maangas na tanong nito, sabay ngisi.
Hindi nalalayo ang kanilang katawan ni Darren sa mga lalaking kanilang kaharap. Inilalayan ni Totoy makatayo si Darren matapos itong masuntok.
“Hindi ba kayo nahihiya na dalawa kayo tapos isa lang siya? Hindi ba kayo naaawa sa sarili niyong pinipilit maging malakas sa pagpapakita ng karahasan? Masaya ba kayong makasakit, ha?” sunod-sunod nitong tanong sa mga katulad niyang bata.
Napailing ang mga kaharap niyang lalaki at walang salita na umalis ang mga ito, nag-iisip sa mga sinabi ni Totoy.
“O-okay ka lang ba?” bumalik ang kaba ni Totoy nang dalawa nalang sila ni Darren.
“S-salamat,” may hiyang ani Darren. Alam niyang tinamaan din siya sa mga salitang binitiwan ni Totoy at nahihiya siyang ito pa ang nagtanggol sa kaniya.
“Okay lang iyon,” masayang wika ni Totoy dahil sa unang pagkakataon ay nagpasalamat sa kaniya ang kaklase.
“Bakit mag-isa ka? Hindi ka ba pagagalitan ng daddy mo?”
Mayor ang daddy ni Darren kaya malaki ang takot nila kay Darren.
“Naglibot kasi ako dahil ang tagal ng sasakyan namin hanggang may nakita akong kuting na tumakbo rito kaso sila ang nadatnan ko. Pilit nilang hinihingi ang pera ko pero hindi naman sa kanila kaya hindi ko ibinigay.” Marami silang napagkuwentuhan ni Darren. Masaya si Totoy na makita ang Darren na hindi lang pananakit ang alam.
Nagkahiwalay sila ni Darren matapos dumating ang kotse ng mga ito. Samantala, magkasabay sila ng kaniyang ate Carmela naglakad pauwi. Nasa siyam na baitang ito.
Kinabukasan, si Darren at Totoy na ang laging magkasama. Lumipas ang araw at naging matalik silang magkaibigan at isa iyong biyaya para kay Totoy.
Marami silang nalaman sa isa’t Isa. Nalaman ni Totoy na ulila si Darren sa ina habang siya naman ay kinuwento na may sakit ang kaniyang nanay at kailangan niyang makapagtapos upang maging isang doktor.
Hindi inakala ni Totoy na may mga biyaya siyang matatanggap nang araw na iyon. Nagpumilit si Darren na sumama sa maliit nilang tirahan.
Maya-maya pa’y natanaw na niya ang iginagalang na mayor sa kanilang lugar, si Mayor Darryl Escote. Sinusundo nito ang anak.
Nahihiyang bumati si Totoy sa mayor at yumakap naman si Darren sa ama.
“Daddy, siya ang kaibigan kong si Totoy.” Lumapit si Darren sa kaibigan at inakbayan ito. “Napakabait po niya,” may pagmamayabang sa boses ng batang si Darren.
“Magtigil ka nga! Nakakahiya kay Mayor,” saway ni Totoy sa kaibigang si Darren.
Napatawa naman si Mayor Darryl. Natutuwa siyang nakatagpo ang kaniyang anak na mabait at may malakasakit sa kapwa tulad ni Totoy. Naikuwento kasi ng anak na si Darren sa kaniya ang tunay na nangyari kung paano naging magkaibigan ang dalawa.
“Pasensiya ka na sa anak ko, Totoy. Naparito Lang ako para sabihing ako na ang bahalang nagpagamot sa nanay mong may sakit, ayos ba?” Nanlaki ang mata ni totoy. Hindi siya makapaniwalang may tutulong sa kanila at makakapagpagot na ang nanay niyang si Melia.
“Talaga po?” kumikibot ang mga labing tanong ni Totoy, nagbabadya sa pag-iyak.
“Oo, ako na rin ang bahala sa pag-aaral mo at ng ate mo.” Napayakap si Totoy sa ama ni Darren at tuluyang humagulhol.
“S-salamat po, Mayor,” paulit-ulit nitong bigkas sa lalaking yakap niya.
Napayakap naman si Darren sa dalawa at masaya siyang nakatulong sa kaibigang dati ay kaniya lang binu-bully.
“Lipad lang ng mataas, Totoy at Darren, lipad lang.” Isang mahigpit na yakap pa ang ibinagay ni Mayor Darryl bago sila naghiwa-hiwalay.
Walang imik, lumuluhang tumango si Totoy at lihim na nagpasalamat sa Diyos.