Inday TrendingInday Trending
Sino Ang Iyong Idolo?

Sino Ang Iyong Idolo?

Isang masayahing bata si Luna. Napagkaitan man siya ng kasaganahan ay hindi iyon naging hadlang para mangarap siya ng mataas.

Sa edad na sampu ay nagtatrabaho siya upang makakain ng tatlong beses sa isang araw. Mahirap, nakakapagod ang pumapasok at nag-aaral nang sabay. Gayunpaman, hindi kailanman sumuko si Luna sa mga pangarap niya.

Hindi kailanman naranasan ni Luna ang mabigyan kahit piso ng kaniyang mga magulang dahil sa gatas pa lang ng bunso niyang kapatid ay kulang pa. Kung tutuusin ay tila ulila siyang lubos dahil wala namang pakialam ang mga taong nagluwal sa kaniya. Halos manlimos pa nga siya ng pagmamahal sa mga ito na kakarampot na nga lang ay hindi pa mabigay.

Maagang nagising si Luna. Inihanda niya ang gamit para sa pagpasok sa eskwelahan. Ang unipormeng susuotin na may kaunting gusot ay kaniya ng kinuha pati ang itim na paldang hanggang tuhod. Alas sais na nang matapos siyang asikasuhin ang sarili. Kinuha niya ang may butas na tsinelas at kaniyang binitbit. Sinusuot niya lang ito kapag malapit na siya sa paaralan.

Nagsimula siyang maglakad papunta sa eskwelahan. Mahigit isang oras ang nilakad ni Luna upang marating ang mababang paaralan ng San Jose. Isinuot na niya ang tsinelas at nagtungo sa silid aralan.

Napangiti si Luna sapagkat tama lang ang dating niya sa paaralan. Naupo siya sa tabi ni Kath na siyang kaibigan niya.

“Gusto mo?” Inalok siya nito ng cookies na siyang inilingan ng kaibigan. Gutom man ay nahihiya kasi si Luna kay Katherine.

“Magandang umaga mga bata,” nakangiting bati ni Mrs. Cecille Vien. Ang kanilang guro.

“Magandang umaga, Madam Cecille,” sabay sabay na bati ng mga estudyante bago sila pinaupo ni Mrs. Vien.

“Dala niyo ba ang larawan ng idolo ninyo?” Naging hudyat ang sinabing iyon ni Mrs. Vien para kaniya-kaniyang ilabas ng mga bata ang kanilang takdang aralin.

“Opo!” sagot naman ng mga bata.

Isa-isa silang pinapunta sa unahan upang ipaliwanag kung sino at bakit nila naging idolo ang mga taong nasa litratong hawak nila.

“Siya si Papa James, idolo ko siya dahil ginagawa niya lahat upang mapag-aral ako. Nagtatrabaho siya, kaya paglaki ko magiging isang mahusay akong doktor!” may pagmamayabang sa boses ni Kath bilang paghanga sa ama.

Nang si Luna na ang magpapakilala sa kaniyang idolo ay napakagat siya sa kaniyang labi. Siya lang kasi ang naiiba sa kaniyang mga kaklase dahil lahat sila ay idolo ang kanilang mga magulang.

“Luna, ikaw na.” Nahihiyang tumayo si Luna ng sabihin iyon ng kaniyang guro.

“S-si Mrs. Mathilda, siya ang i-idolo ko,” nauutal na pagpapakilala ni Luna sa hinahangaan niyang tao. “Idolo ko siya dahil siya ang tumutulong sa akin upang makapag-aral at makakain sa araw-araw at minsan pati ang aking mga kapatid.”

May dalawang anak si Mrs. Mathilda at parehas lalaki kaya naman tuwang-tuwa ito sa sipag at determinasyon ni Luna sa pag-aaral. Guro siya ni Luna sa Matematika at nakita nito ang kabaitan at busilak na puso ng bata.

Kinausap niya at sinabing susuportahan ang pag-aaral hanggang hayskul kapalit ay ang simpleng pagtulong sa kaniya.

“Gusto ko rin maging guro tulad ni Mrs. Mathilda upang makapagturo sa mga katulad nating bata,” pagpapatuloy ni Luna. Marami pa siyang sinabi na ikinahanga rin ni Mrs. Vien.

“Luna, bakit si Teacher Mathilda ang napili mo at hindi ang parents mo?” kapagkuwan ay tanong ni Mrs. Vien.

Nagaalinlangan naman si Luna kung sasagutin ba o hindi ang tanong ng kaniyang guro, ngunit mas pinili nalang niyang sagutin.

“Mahirap pong maging idolo ang taong kailanman ay walang nagawa para maging kahanga-hanga, Mrs. Vien,” natulala si Mrs. Vien sa sagot ng bata. Pakiramdam niya ay napakabigat ng pinagdadaanan nito sa buhay lalo na sa kaniyang pamilya.

Matapos ang klase ni Luna ay dumiretso siya kay Mrs. Mathilda upang tumulong at sundin ang iu-utos nito.

Pagod na pagod si Luna sa dami ng ipinagawa ni Mrs. Mathilda. Utos dito, punta roon, ngunit hindi niya ininda ito, sa halip ay magiliw na ngumiti siya sa guro habang tumatango.

Graduate ng valedictorian si Luna nang magtapos siya ng elementarya. Dala ang pangarap ay nagpatuloy siya sa pag-aaral bilang hayskul sa tulong pa rin ni Mrs. Mathida. Gayunpaman, hindi nakalimot si Luna na magpasalamat sa Diyos at tumulong sa kapwa.

Pinagbutihan niya ang pag-aaral. Sabay silang nagtapos ng kaniyang kaibigang si Kath na may karangalan matapos ang anim na taon sa mataas na paaralan. Hindi biro ang hirap na pinagdaanan ni Luna. Maraming pagkakataong halos sumuko siya.

Naging scholar si Luna ng isang bagong tayong organisasyon sa kanilang paaralan at patuloy siyang sinuportahan ng gurong si Ma’am Mathilda.

Naabot niya ang pangarap na maging guro. Para sa katulad niyang mahirap noon ay pantasya ang makatapos ng pag-aaral. Hindi inakala ni Luna na darating ang iba’t ibang biyaya sa kaniya.

Alam niyang darating ang panahon sa katulad niyang mga nangangarap na maabot ang kanilang minimithi sa sikap at determinasyon.

Samantala, napatawad na ni Luna ang kaniyang mga magulang at kahit pa nga siyaʼy umasenso na, hindi niya nakalimutang tumulong sa mga ito lalo na sa pinansyal nilang pangangailangan.

Advertisement