Inday TrendingInday Trending
Nagbago Na ‘Yung Kapitbahay Ko!

Nagbago Na ‘Yung Kapitbahay Ko!

Kakasikat pa lamang ng araw at naisipan nang magbukas ni Grace ng bintana nila nang pumasok naman ang preskong hangin sa kanilang kwarto. Agad niyang nakita ang isang babae na nagwawalis sa bakuran at mabilis na kumaway sa kaniya.

“Magandang umaga, Grace!” masayang bati sa kaniya ni Thelma, ang matagal na ring kapitbahay ng babae.

“Magandang umaga,” sagot naman ng babae at sinuklian rin ng matamis na ngiti ang kapitbahay saka siya kumilos para magligpit ng higaan. Nagluto na muna siya ng agahan at inasikaso ang baon ng kaniyang anak na pumapasok na sa elementarya ngayon.

“Pa, kilala mo ba si Thelma? ‘Yung matagal na nating kapitbahay sa tapat,” wika ni Grace sa kaniyang mister.

“Yung masungit na babaeng hindi pumapansin sa’yo?” tanong ni Cesar, ang mister ni Grace.

“Oo ‘yun nga. Akalain mo ba naman binate ako kaninang umaga pagbukas ko ng bintana. Nakakapanibago talaga, ano kayang nakain nun?” ani Grace.

“Malay mo naman bagong buhay, 2019 na raw kasi,” natatawang saad ng lalaki.

“E kung ano man, sana magtuloy-tuloy na. Para hindi na ako mahirapang kausapin siya sa tuwing may pagpupulong dito sa lugar natin. Thank you lord talaga!” sagot muli ni Grace sa asawa at sabay silang nagtawanan.

Matagal nang naninirahan sina Grace sa lugar na iyon, halos dito na sila isinilang ng kaniyang mga kapatid kaya naman dito na rin sila nanirahan at nagtayo ng sariling pamilya. Isa ang pamilya ni Grace sa may malalaking lupa sa nasabing lugar at ngayon ay ang babae rin ang namamahala sa organisasyon nila sa lugar. Bukod pa rito ay isa ring tagapagsilbi sa simbahan. Kilalang-kilala siya sa pagiging mabait at napakamapagbigay na tao.

“Hello Grace, nagluto nga pala ako ng paksiw na bangus. Dinalhan kita, tutal marami naman itong nagawa ko. Sana magustuhan mo,” sabi ni Thelma sa kaniya nang pinagbuksan niya ito ng pinto.

“Naku naman, nakakatuwa ka naman Thelma. Tara pumasok ka muna rito sa amin at dito ka na lang rin magtanghalian,” sagot ni Grace sa babae. Sabay silang nagtanghalian at mas lalo pang naging malapit sa isa’t-isa.

Laking gulat ni Grace dahil sa malungkot na buhay ng babae. Nasa abroad ang asawa nito at matagal na niyang alam na may ibang babae ngunit mas pinili niyang hindi magsalita. Hindi raw kasi niya kayang buhayin ang anak nila. Kaya nga hindi rin daw siya naglalabas ng bahay dahil natatakot siya sa sasabihin ng ibang tao.

“Sa totoo lang ay walang nakakaalam ng buhay mo. Kaya makakaasa kang hindi lalabas itong napag-usapan natin,” nakangiting sagot ni Grace sa babae sabay hawak ng mahigpit sa kamay nito.

“Kaya nga ikaw ang una kong napagdesisyonang maging kaibigan. Marami na kasi akong narinig na balitang magaganda patungkol sa’yo kaya naman ngayon ay napatunayan ko na ang lahat ng iyon. Mabait ka nga talaga Grace,” wika ni Thelma at nagyakap ang dalawa.

Simula noon ay naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Binibigyan ng kung ano-anong bagay ni Thelma si Grace na siya namang kinagiliwan ng babae. Palagi na rin itong tumutuloy sa kanilang bahay sa tuwing may pasok ang kanilang mga anak sa eskwelahan. Naging malapit din si Thelma sa kaniyang anak at maging sa kaniyang mister.

Hindi man niya inaasahan ngunit naging napakagaan ng loob niya sa babae. Agad ding lumagay ang tiwala niya rito dahil sadyang napakabait at maasikaso ni Thelma bilang isang kaibigan.

“Mareng Thelma, pwede bang ikaw na muna ang tumingin sa bahay. Kailangan ko lang pumunta sa eskwelahan. May PTA meeting kasi kaya kailangan nandoon ako. Paalis na rin kasi si Cesar,” pahayag ni Grace.

“Walang problema mare, pumunta ka na doon. Ako na bahala sa bahay mo, magdidilig lang ako rito sa labas,” sagot ni Thelma sa kanya saka ito nagpaalam ang dalawa sa isa’t-isa.

Malapit na si Grace sa eskwelahan ng mapagtanto niyang nakalimutan niya ang mga kailangan niya sa kanilang pagpupulong. Mabuti na lang at maaga pa kaya naman napagpasyahan niyang bumalik, hindi na rin kasi nya mapapakisuyuan si Cesar dahil pumasok na ito sa trabaho.

Mga bente minuto rin ang tinagal ng kaniyang paglalakad at tumatagaktak na ang kaniyang pawis, nagsisimula na kasing tumirik ang araw at idagdag pa na papasok na ang summer ngayong taon.

“Asan kaya si Mareng Thelma, naiwan niyang nakabuyangyang ang mga gamit dito sa labas,” wika ni Grace sa kaniyang isipan nang makitang nakakalat pa ang hose na gamit niya sa pagdidilig at ilang gamit pang hardin.

Pagbukas niya ng pinto ay halos lumuwa ang kaniyang mga mata at hindi siya nakagalaw kaagad. Nawala ang kaniyang boses at tila napako ang kaniyang mga paa sa kinatatayuan.

“Mareng Grace,” nanginginig na saad ni Thelma sa kaniya saka ito mabilis na tumayo at lalabas pa sana ng pinto. Ngunit bumalik na ang lakas ni Grace nang mahawakan nya ang mga braso ni Thelma nang sobrang higpit.

“Kailan pa?” matigas na tanong nito.

“Ma, hindi niya kasalanan. Ako ang may kasalanan!” sigaw ni Cesar habang nagtataas ito ng pantalon.

Kitang-kita ni Grace na nagsisiping ang kaniyang asawa at ang babaeng tinuturing niyang kaibigan sa kanilang salas. Halos hindi niya maintindihan ang nararamdaman ng mga oras na iyon. Parang may kung anong kumukulo sa kaniyang puso, may mainit sa kaniyang didbid na parang bulkang sasabog sa galit.

“Mga put* kayo! Sa bahay ko pa talaga? Kaya ba kinaibigan mo ako para ahasin ‘yung asawa ko? Tang*na mo, Thelma!” madiing minura ni Grace ang babae. Hindi niya matandaan kung kelan pa siya huling nagmura kaya naman alam ng babae na sobrang diin nang kaniyang pagkakasabi na kung pwede lang may mamat*y sa mura, malamang pinaglalamayan na ngayon si Thelma.

“Walang ahasan na nangyari, matagal na kaming may relasyon. ‘Yung kwentong sinabi niya sayo tungkol sa asawa niya, gawa-gawa niya lang ‘yun. Kasi ang totoo, siya ang nauna kong mahalin, siya ang una kong pamilya. Sila ng anak niya,” sabi ni Cesar at mabilis itong humarang sa gitna nang dalawang babae.

“Ako ang may kasalanan, matagal ko ng nililihim ito sa’yo. Akala ko suporta lang ang ibibigay ko sa kaniya kaya pumayag akong tumira siya malapit sa atin, sa inyo na bago kong pamilya. Pero mali ako, kasi nahulog ako. Mas mahal ko pa rin pala si Thelma, patawarin mo ako, Grace,” dagdag pa ni Cesar.

Sa mga oras na iyon ay handa nang maging kriminal si Grace, gusto na niyang patay*n sa galit si Thelma at maging si Cesar ngunit mas pinili niyang itaas ang kaniyang ulo at mabilis na binigyan ng sampal si Cesar. Halos matangal ang ngipin ng lalaki at pinasundan din niya ito ng isa pang sampal. Ganun rin sa babae at saka siya umalis.

Halos dawalang buwan ding nagpalamig si Grace kasama ng kaniyang anak. Ngunit kahit ilang beses na siyang pinakiusapan na iatras ang kaso kahit para na lamang sa mga bata ay hindi niya ito pinakingan.

“Hindi ito para sa akin, kung ‘di para sa lahat ng babaeng nabubuhay ngayon sa mundo. Na kahit kailan ay hindi tayo ginawa ng Diyos upang saktan at lokohin lamang ng ating kabiyak. Kaya naman mabulok kayo sa kulungan,” pahayag ni Grace sa dalawa.

Mabilis na naaksyonan ang kanilang problema at nakulong ang dalawa. Kahit mahirap ay kinakaya ngayon ni Grace na itaguyod ang kaniyang anak. Dahil sa huli, mas mahalaga pa rin ang respeto kaysa sa pag-ibig.

Advertisement