Inday TrendingInday Trending
Ipaubaya na Lamang sa Tadhana

Ipaubaya na Lamang sa Tadhana

Isang araw sa isang milk tea shop kung saan madalas nagsusulat ng kanyang mga nobela at nagbabasa ng mga libro si Jonas ay naisipan niya munang magpalipas ng oras. Tanghaling tapat at mainit din sa labas kaya naman ay agad siyang umorder. Ibinaba niya muna ang hawak na libro sa mesang bakante, upang hindi maagawan ng pwesto, saka dumiretso na sa counter. Bago siya ay may naunang dalaga sa kanya na nakapila.

“Honeydew milk tea please,” wika ng dalaga.

Iyon din sana ang kanyang iinumin ng sabihin sa kanya ng cashier na hindi na raw available ang inumin na iyon, dahil huling honeydew na raw nila iyon para sa order ng dalaga. Labis siyang nainis sa pangyayari.

“Gusto mo bang sa iyo na lang ang tea ko. O-order na lang ako ng iba,” alok ng dalaga na nasa tabi niya lang at hinihintay ang order.

Tinanggap naman niya ang alok nito. Hinayaan niya na umorder ulit ito ng panibago at ang kanya ay huling order ng honeydew milk tea.

Hawak na niya ang gusto niyang inumin, kaya naman masigla siyang umupo sa pwesto niya, subalit napakunot noo siya ng umupo rin sa bakanteng upuan na nasa harap niya ang dalaga.

“Pwede ba akong umupo rito?” tanong nito.

Iginala ni Jonas ang tingin sa paligid at tumango na lang dahil pansin niya ay wala na nga ibang mauupuan pa ang dalaga, at ng dahil din naman rito ay naiinom niya ang gustong inumin. Kaya naman hinayaan niya na lang.

Sa pagbuklat niya ng libro na binabasa. Laking gulat niya na lang bigla nitong kinuha ang libro niya at nakangisi pang tinitingnan iyon.

“Libro ko ba ‘to?!” masiglang tanong nito.

“Syempre hindi! Kakabili ko pa lang niyan kahapon, paano naman magiging iyo iyan?!” kunot noo niyang reklamo sabay kinuha ang librong hawak ng dalaga.

“Hindi, I mean, ako ang nagsulat ng librong iyan.” napapailing na sabi nito.

“I-ikaw si Lauren Ayala?!” nauutal na tanong ni Jonas.

Nakangising tumango lang ang dalaga bilang pagsagot.

Ilang segundo rin siyang natahimik sa sinabi nito, dahil paborito niya ang mga libro ng manunulat na iyon. Hindi siya makapaniwala na kaharap niya ito, hindi niya akalaing kinuha niya ang inumin nito. Hiyang-hiya si Jonas sa ginawa niyang iyon sa dalaga, kaya naman itinago na lang niya ang mukha sa libro.

“Gusto mo bang pirmahan ko ang librong iyan?” alok nito.

Wala na siyang naisagot pa at marahang iniabot ang libro. Subalit nakangisi itong humarap sa kanya bago pa nito buksan ang takip ng bolpen na hawak.

“Can I have a sip?” nakangusong tanong nito.

Wala naman siyang naging sagot pa at ibinigay rito ang iniinom na milk tea.

“Salamat!” sagot nito at sinipsip na ang inumin niya.

“Teka, pangalan?” dagdag pa nito.

“Ah, Jonas.” Sagot ng binata, at saka nito pinirmahan na ang libro.

Nawindang si Jonas nang makilala niya ang dalaga, subalit masaya siya dahil nangyari iyon. Simula ng araw na iyon, inalok siya nito na tuturuan siya ng mga teknik sa pagsusulat nang malaman nito na nagsusulat din siya ng mga kwento at tula. Aminado siya na baguhan pa lamang siya at marami pang dapat na matutunan, kaya naman hindi niya ito natanggihan.

Nagtuluy-tuloy ang pagkikita nilang dalawa. Parehong lugar, parehong oras. Hindi inakala ni Jonas na bibigyan siya ng manunulat ng ganoong oras samantalang isa lamang siyang taga-hanga.

“Masaya ako tuwing tinuturuan kita. Alam mo ba iyon? Hindi ko malaman ang dahilan kung bakit ikaw. Pero gusto ko kasama lang kita. Natutuwa kasi ako sa iyo. Naaalala ko iyung yumao kong kapatid na sobrang pursigido maging isang manunulat,” wika ng dalaga at nagsimulang magkwento.

Nilapitan niya ito pagkatapos nitong magkwento. Sa harap ng maraming tao, bigla na lamang niya itong hinalikan sa pisngi. Hindi mawari ni Jonas kung bakit iyon nangyari. Tila isang anghel ng pag-ibig ang nagtulak sa kanya para iyon ay gawin. Matagal na niyang gustong gawin iyon para sa sarili niya, subalit natatakot siya na marahil iniisip niya lang na gusto rin siya ng dalaga. At sa pagkakataon na iyon, hindi alam ni Jonas kung bakit niya iyon nagawa. Wala siyang ideya. Walang dahilan kung bakit. Blangko rin ang kanyang isipan. Marahil ay mahal na niya si Lauren Ayala.

Ngumiti naman ang dalaga pagkatapos niya itong halikan.

“Bakit? Para saan ang halik na iyon?” tanong nito.

“Ah eh. H-halik ng isang kapatid?” sabi niya na bigla na lamang lumabas sa kanyang bibig.

“Ang lambing naman. Sige, simula ngayon ay ate na ang itatawag mo sa akin,” nakangiting wika ni Lauren at niyakap siya nang mahigpit.

Napagtanto niya na nabigla lang siya sa kanyang ginawa, na hindi dapat siya padalos-dalos sa kanyang damdamin. Napagpasyahan niya na kilalanin muna ng maigi ang dalaga. Hahayaan na muna niya na lumago ang kanilang pagkakaibigan. Kung hahantong iyon sa susunod na lebel ay ipinapaubaya na niya sa tadhana.

Advertisement