Itinakwil ng Lalaking Ito ang Mundo Buhat nang Mawala ang Kaniyang Kapatid; Tila ito rin pala ang Magtutulak sa Kaniya sa Paggawa ng Kabutihan
“Bwisit na buhay ’to, o! Sino ba ’yan?” Asar na asar si Ferdie. Kasalukuyan siyang kumakain noon ng meriyenda nang bigla na lang may kung sinong kumatok sa pintuan ng kaniyang bahay. Wala naman siyang inaasahang bisita.
“K-Kuya Ferdie, pinatatanong po ni mama kung may ekstra ka raw po bang bigas? Baka raw po p’wedeng makahiram. Hindi pa ho kasi kami kumakain, e, tapos wala pa rin po si papa.” Isang bata ang bumungad sa kaniya. Anak ito ng kapitbahay niyang si Aling Tessy na isang labandera.
Napakunot naman ang noo niya. Hindi niya naiwasang sulyapan ang kanilang orasan at doon ay nakita niyang mag-aalas dos na ng hapon. “Anong oras na, hindi pa rin kayo kumakain?” inis na tanong niya. Iling naman ang tanging naging sagot ng bata. “E, ano namang pakialam ko?” sarkastiko pang sagot niya bago ito pinagsarhan ng pinto.
Napapalatak siya habang umiiling. “Palaging ako ang tinatakbuhan ng mga ’to! Kulang na lang ako na ang bumuhay!” inis na anas niya pa.
Noong nabubuhay pa ang bunso niyang kapatid na si Jojo, madalas na siyang maging takbuhan ng mga nangangailangan niyang kapitbahay. Likas na mabait noon si Ferdie kaya naman kahit hindi rin ganoon kalaki ang kita niya ay malugod siyang tumutulong sa mga ito. Hanggang sa isang malubhang sakit ang dumapo sa kapatid niyang si Jojo na naging sanhi ng pagkawala nito.
Labis ang pagdadalamhati ni Ferdie noon. Si Jojo na lang ang tanging natitira niyang pamilya, pero kinuha pa ito sa kaniya! Sa kabila ng kabutihang ipinakita niya sa iba, ganito pa ang napala niya! Simula tuloy noon ay tinalikuran niya na ang buong mundo. Nawalan siya ng pakialam sa ibang tao, maliban sa kaniyang sarili. Pumanaw na rin ang dating Ferdie kasabay ng pagkawala ng kaniyang kapatid.
“Kuya, mali ’yon…”
Nagulat si Ferdie sa narinig. Boses iyon ng kaniyang kapatid, hindi siya maaaring magkamali! Nagpalinga-linga siya sa buong bahay ngunit hindi naman niya ito nakita. Napabuntong-hininga na lang siya at inisip na baka guni-guni lang niya iyon. Nag-iilusyon lang siya dahil sa sobrang pagka-miss niya kay Jojo.
Dahil doon ay nagpasiya munang lumabas ng bahay si Ferdie. Nais niyang maglakad-lakad upang makapag-relax siya. Balak niyang pumunta sa malapit na parke kung saan siya madalas ayain noon ni Jojo.
Nakatayo siya sa pedestrian lane. Hinihintay niyang magkulay berde ang ilaw upang makatawid na siya, ngunit biglang may humawak sa kamay niya. Isa iyong matandang uugod-ugod na na tila ba nagpapaakay sa kaniya. Agad siyang nakaramdam ng inis. Mabilis niyang binawi mula sa pagkakahawak nito ang kaniyang kamay. Hindi naman nagsalita ang matanda, sinipat na lamang nito ang kabilang dulo ng pedestrian lane. Halatang malabo na ang mga mata nito kaya hindi nito nakitang hindi pa nagkukulay berde ang ilaw!
May paparating na sasakyan! Nanlaki ang mga mata ni Ferdie dahil alam niyang mabubundol n’on ang matanda! Ganoon pa man ay nanatili sa bulsa niya ang kaniyang kamay. Wala siyang balak na tulungan ang matanda!
Ngunit bigla na lang lumamig ang paligid. Ipinagtaka iyon ni Ferdie dahil tirik na tirik naman ang araw. Ganoon na lang ang gulat niya nang maramdamang may bigla na lang tumulak sa kaniyang likuran, dahilan upang mapatakbo siya patungo sa matanda at hindi sinasadyang mailigtas ito bago pa man ito mahagip ng humaharurot na sasakyan!
“Mahal kita, Kuya Idol…” muli ay dinig niya mismo sa kaniyang tainga. Boses iyon ni Jojo!
Doon napaiyak si Ferdie. Mukhang ikinalungkot ng kapatid niya ang biglaan niyang pagbabago kaya gumawa ito ng paraan upang iparamdam ulit sa kaniya kung gaano kasarap ang gumawa ng mabuti sa kapwa. Noong nabubuhay pa kasi si Jojo ay itinuturing siyang idolo nito dahil sa pagiging matulungin niya. ‘Superhero’ nga kung tawagin siya nito.
Dahil sa nangyari ay bigla siyang natauhan. Lalo na nang makita niya ang mangiyak-ngiyak na mukha ng matandang tinulungan niya at iniligtas mula sa kapahamakan. Pakiramdam niya ay nanumbalik ang saya sa kaniyang puso, na matagal na niyang hindi nararamdaman buhat nang mawala si Jojo.
Nang masigurado niyang ayos na ang matanda, dali-daling umuwi si Ferdie. Nagtakal siya ng sampung kilong bigas mula sa kaniyang kaban, na halos wala na ngang paglagyan dahil marami siyang supply, at ibinigay niya iyon kina Aling Tessy. Humingi rin siya ng paumanhin sa naging asal niya kanina.
Lumamig ulit ang paligid pagkatapos niyang gawin ’yon. Tila ba muli niyang naramdaman ang yakap ng kaniyang kapatid at dahil doon ay hindi niya napigilang maluha. Salamat kay Jojo at sa pagtulong nitong itulak siya patungo sa muling paggawa ng mabuti. Ngayon ay nahanap nang muli ni Ferdie ang saya at ligaya sa puso niya na matagal na ring nawala.