Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng mga Kapitbahay ang Bruskong Lalaking Ito; Iniyakan Kasi Niya nang Todo ang Pagkawala ng Kaniyang Aso

Pinagtawanan ng mga Kapitbahay ang Bruskong Lalaking Ito; Iniyakan Kasi Niya nang Todo ang Pagkawala ng Kaniyang Aso

Kumpulan na naman ang magkakapitbahay. Animo mga bubuyog na nagbubulungan ang magkukumareng Marites habang pare-pareho silang nakamasid ngayon sa tahanan ni Mang Bogart—ang kilalang bruskong tanod sa kanilang lugar.

Pinagtatawanan nila ito. Tampulan ito ngayon ng tukso’t mga nakakalokong usapan. Paano kasi, kasalukuyang umaalingawngaw sa kanilang compound ang malakas na palahaw ng bruskong si Mang Bogart, dahil lamang kaninang umaga ay sumakabilang buhay na dahil sa katandaan ang alaga nitong aso!

“Parang sira! Iyakan daw ba nang ganoon ’yong alaga niya!” tatawa-tawang anang manginginom na si Celso. Isa sa mga tambay na minsan nang nahuli ni Mang Bogart noon.

Nakitawa naman ang talamak nitong katropang si Ton-ton. “Sinabi mo pa! Kung alam ko lang na ganiyan pala kalambot ang puso n’yan, hindi na sana ako pumayag na sita-sitahin lang niya tayo kapag nakaharang tayo sa kalsada sa tuwing mag-iinuman!”

Ganoon din ang usapan ng mga ale sa kanilang lugar. Pinagtatawanan nila si Mang Bogart dahil animo raw ito hindi lalaki kung iyakan ang kaniyang aso. Daig pa raw nito ang batang inagawan ng kendi o laruan!

“Papa, tama na po. Siguradong kung nasaan man si Baki ngayon ay ayos na siya. Matanda na rin po kasi siya, e,” dinig nilang pang-aalo ng panganay na anak ni Mang Bogart sa kaniyang ama, kaya lalo lang tuloy nagtawa ang mga kapitbahay.

“Pasensiya ka na, anak, kung nakikita mong ganito si tatay ngayon. Hindi ko lang talaga matanggap na wala akong nagawa para ibsan ang sakit ng alaga nating nagligtas din sa buhay ninyo noong wala ako sa tabi n’yo. Napakalaki ng pasasalamat ko’t ibinigay siya sa atin ng Diyos,” umiiyak pang sagot naman ni Mang Bogart na dahilan kaya’t biglang naglakihan ang mga tainga ng kanilang mga kapitbahay na pasimpleng nakikinig sa kanilang usapan!

“Iniligtas?” Nagkatinginan ang dalawang Marites dahil sa sinabi ni Mang Bogart. Doon nila naalala ang kwento-kwento noon na nasunugan pala dati sina Mang Bogart na muntik nang ikapahamak ng buong pamilya nila. Wala kasi noon si Mang Bogart dahil kasalukuyan itong nagroronda noon bilang isa nga itong tanod. Ayon sa sabi-sabi ay mayroon lamang daw nagligtas sa buhay ng mag-anak kaya ngayon ay magkakasama pa rin ang mga ito at nananatiling buo ang kanilang pamilya… hindi nila akalaing si Baki pala iyon! Ang alaga ni Mang Bogart!

“Oo nga po, papa. Hinding-hindi namin makakalimutan kung paanong nagtatahol si Baki para lang magising kami, at kung paanong tinalunan niya ang dibdib ni mama dahil napakahimbing ng tulog namin at hindi kami magising. Siya rin ang dahilan kung bakit mabilis na nagising ang mga kapitbahay dahil sa malakas at walang hinto niyang pag-alulong. Higit sa lahat, hindi niya kami iniwan kahit na kaya niya namang lumabas noon sa nasusunog nating bahay. Nanatili siya sa tabi namin kahit pa malagay rin sa peligro ang buhay niya. Napakagaling at napakatalinong aso,” pagbabalik-tanaw pa ng panganay na anak ni Mang Bogart na unti-unti namang nakapagpaluha sa mga kapitbahay nila ngayong nakikinig.

Kung kanina ay nagtatawa pa ang mga ito, ngayon ay bigla silang napipi. Iyon pala ang tunay na dahilan kung bakit ganoon na lang kasakit para kay Mang Bogart ang pagkawala ng kanilang alagang aso! Utang pala nito sa kaniyang alaga ang buhay ng kaniyang buong pamilya, kaya ganoon na lang ang pagdadalamhati nito!

Animo sinampal ng katotohanan ang mga tsismosang kapitbahay nina Mang Bogart dahil sa kanilang nalaman. Napahiya sila sa kani-kaniya nilang sarili. Mabuti pa ang aso ay nakatulong na sa kapwa at nakapagligtas pa ng buhay, samantalang sila, wala na ngang maitulong ay nanghuhusga pa. Nagtatawa pa sila sa pagdadalamhati ng iba!

Maya-maya pa, nagulat na lamang ang mag-amang Mang Bogart at Belinda nang bigla na lang may kumatok sa kanilang gate. Nang pagbuksan nila kung sino iyon ay nagulat sila nang makita ang kanilang mga kapitbahay na nag-aabang sa labas ng kanilang tahanan. Ang ilang kalalakihan ay may dalang pala, martilyo at pako, pati na rin ilang piraso ng plywood. Habang ang mga kababaihan naman ay may dalang bulaklak at kandila.

“Nakikiramay kami sa pagkawala ng alaga ninyong bayani, Mang Bogart. Kung ayos lamang po sa inyo ay alayan natin siya ng isang disenteng libing bilang pagbibigay halaga sa kabutihang ginawa niya noon,” anang isa sa kanilang mga kapitbahay na ikinagulat naman ng mag-ama.

Nagkatinginan sina Mang Bogart ang anak na si Belinda at malugod nilang pinaunlakan ang kanilang mga kapitbahay. Noon din ay binigyan nila ng maayos na libing ang kanilang alagang si Baki, na animo ito isang tao, bilang pagbibigay halaga hindi lang sa ginawa nitong pagliligtas sa mag-anak ni Mang Bogart, kundi pati na rin sa pagbibigay nito ng saya sa kanila sa loob ng mahabang panahon.

Advertisement