Inday TrendingInday Trending
Pekeng Pera ang Ibinayad ng Lalaking Ito sa Matandang Tindero ng Mangga; Mabilis Niya Palang Pagsisisihan ang Ginawa

Pekeng Pera ang Ibinayad ng Lalaking Ito sa Matandang Tindero ng Mangga; Mabilis Niya Palang Pagsisisihan ang Ginawa

“Manong, magkakano ho itong mangga n’yo?” tanong ni Boyong sa isang matandang nagtitinda ng mangga sa gilid ng bangketang iyon, na halos wala namang dumaraang tao.

Agad naman itong sumagot. “Kuwarenta lang ang kilo, hijo.”

Napatango si Boyong. Inisang hithit niya muna ang kaniyang hawak na sigarilyo bago siya dumukot ng pera sa kaniyang bulsa. “Bigyan n’yo nga ho ako ng tatlong kilo, tatang. Ipili n’yo ako noong manibalang kung p’wede,” sabi niya pa.

Tumunghay ang nakayukong matanda at tiningnan siya nang diretso sa kaniyang mga mata. Bahagya namang kinabahan si Boyong sa paraan ng pagtingin nito sa kaniya, ngunit hindi na lamang niya ipinahalata ’yon.

Sa isip-isip niya, “alam kaya nitong peke ang hawak kong pera?”

Pinagpapawisan tuloy nang malagkit si Boyong. Nakahinga lamang siya nang maluwag nang makita niyang halos maningkit na ang mata ng matanda habang pumipili ng manggang ibibigay sa kaniya. Senyales iyon na malabo na ang mga mata nito at hindi agad nito mapapansing peke nga ang perang ibibigay niya rito.

Dayo lang siya sa lugar na ’yon. Sa katunayan ay kararating lamang niya kahapon. Naroon lamang siya upang magtrabaho sa isang tubuhan dahil isinama siya ng kaniyang pinsan. Ngunit iisang araw pa lamang siyang naroon ay nakaisip na agad siyang gumawa ng hindi maganda, at ang nasabing matanda pa ang napili niyang gawing biktima.

“O, saan galing ang mga manggang ’yan?” bati ng kaniyang pinsang si Jerome sa isang supot ng manggang dala niya nang siya ay umuwi.

“Pinitas ko lang. May nadaanan akong punong mukha namang walang may-ari kaya nakipitas ako,” sagot naman niya, ngunit tila biglang nataranta ang ekspresyon ng kaniyang pinsan sa kaniyang sinabi.

“Ha?!” bulalas ni Jerome, “Saan mo ’yan pinitas? Nagpasintabi ka ba bago ka kumuha?” tila nag-aalala pang dagdag nito.

Pumalatak si Boyong. “Huwag ka ngang O.A. d’yan!” Nginiwian niya pa ang kaniyang pinsan. “Nagpasintabi naman ako!” pagsisinungaling pa niya bago ito tinalikuran.

“Pinag-iingat lang kita. Hindi mo pa alam kung anong klaseng lugar ito, kaya huwag na huwag kang magkakamaling gumawa ng kalokohan dito,” paalala pa ni Jerome na hindi na lang niya sinagot pa.

Ilang araw ding nilantakan ni Boyong ang mga manggang ’yon bago niya iyon naubos. Hindi naman na siya naisipan pang hatian ni Jerome dahil hindi naman ito mahilig sa mangga. Ngunit kinagabihan, noong araw na huling kain niya sa mangga ay tila bigla siyang nakaramdam ng kakaiba…

Nakahiga na noon si Boyong sa papag, sa loob ng isa sa mga silid ng kubong iyon na nagsisilbi nilang tuluyan habang nagtatrabaho sila sa nasabing tubuhan. Antok na antok na siya kaya naman nakapikit na rin ang kaniyang mga mata, ngunit hindi niya maintindihan kung bakit gising na gising pa rin ang diwa niya. Hindi naman siya makamulat. Ni hindi rin niya maigalaw ang kaniyang katawan, kaya bahagya na siyang nakadarama noon ng kaba…

“Ano ba’ng nangyayari sa akin?” tanong niya sa kaniyang isipan. Pinipilit niyang ikilos, kahit ang mga daliri lamang niya sa paa, ngunit wala ’yong epekto. Hanggang sa bigla na lang may nagpakitang imahe sa kaniyang mga matang nakapikit naman.

Isang lalaki…

Pamilyar ang pigura ng nasabing lalaki. Matanda na ito, indikasyon ang kulubot na nitong balat. Nakasuot ito ng salakot na tulad ng suot noong matandang nagtitinda ng mangga, na niloko niya gamit ang pekeng pera!

“Kumusta ka na, binatang dayo? Masarap ba ang manggang ninakaw mo sa akin?” nakangising tanong nito sa kaniya. Nahintakutan naman si Boyong dahil sa nakita! Para siyang binabangungot pero gising naman ang diwa niya!

“H-hindi ko naman ninakaw ’yon! B-binili ko ’yon, hindi ba?” katuwiran naman niya, ngunit ang kaninang nakangising mukha ng matanda ay bigla na lang napalitan ng labis na pagsimangot nito. Ang sama ng tingin nito sa kaniya na halata ang galit. Nakakatakot ang hitsura nito!

Hindi na nagsalita pa ang matanda, ngunit itinaas nito ang dalawang kamay. Nakita niyang papalapit na ito sa kaniya at nakaambang sasakalin ang kaniyang leeg! Doon na nagsisigaw si Boyong na agad namang narinig ng natutulog na si Jerome. Mabuti na lang at alam nito kung ano ang gagawin kaya naman sa kabutihang palad ay nagising si Boyong na naghahabol ng hininga!

“Sinasabi ko na nga ba at may ginawa kang kalokohan! Bukas na bukas din ay bayaran mo ang mga kinuha mong prutas! Hindi basta kung sino lang ang niloko mo, Boyong! Si Mang Igno ’yon! Kilala siyang albularyo noon sa lugar na ’to na pinaniniwalaang maraming kaibigang malignong naninirahan sa gubat. Buhat nang mawala siya ay madalas siyang nagpapakita sa mga dayo upang subukin kung nararapat ba tayong tumira sa lugar na ’to, at bumagsak ka sa kaniyang pagsubok!”

Hindi makapaniwala si Boyong sa narinig. Kung hindi lang siya personal na nakaranas ng ganoong karma ay hindi niya papansinin ang sinabi ng pinsan. Ngunit natatakot na siyang maulit pa ang muling pagdalaw ni Mang Igno sa kaniyang panaginip, kaya naman sinunod niya ang sinabi ni Jerome.

Pagkatapos no’n, nagpasiya na rin siyang umuwi na lang sa kaniyang probinsya at doon na lang maghanap ng trabaho. Dala ang leksyong natutunan niya sa hiwagang dala ng matandang tindero.

Advertisement