Umuwi ang Dalawang Anak na Lalaki ng Matanda nang Malamang Pinaglalamayan na ang Kanilang Ama; Doble ang Magiging Pagluha Nila sa Kanilang Aabutan
Ikinagulat ng panganay na si Arnold nang abutan niya sa kanilang tahanan ang kaniyang kapatid na si Kiel. Nakaupo ito sa kanilang salas at kausap ang kaniyang asawang nakapagtatakang kababakasan din ng lungkot sa mukha. Matagal-tagal na rin silang hindi nagkikita ng kapatid. Sa magkabilang lungsod kasi sila nakatira kaya naman halos hindi na magtagpo ang kanilang mga landas.
Kapwa propesyonal ang magkapatid. Si Arnold ay isang arkitekto habang si Kiel naman ay isang negosyante. Parehong maganda ang kanilang mga buhay, maging ang buhay ng kani-kaniya na nila ngayong pamilya, ngunit kasabay ng pag-asenso nilang iyon ay ang pagkalimot naman nila sa isa’t isa, maging sa nag-iisa na nilang magulang ngayon… ang kanilang amang si Mang Rudolfo.
“O, Kiel, biglaan yata ang pagdalaw mo? Ano’ng atin?” bati ni Arnold sa kapatid habang ibinababa ang kaniyang mga gamit sa salas.
Hindi naman agad nakasagot si Kiel. Ilang sandali muna niyang pinigilan ang pag-init ng kaniyang mga mata bago niya sinagot ang kaniyang kuya. “K-kuya, kailangan nating umuwi sa probinsya,” aniya kahit pa animo’y may bumibikig sa lalamunan niya. Ayaw naman kasi niyang ipakita sa kapatid kung gaano kalaki ang pagsisising nadarama niya sa mga sandaling ito.
Ang totoo ay may hula na si Arnold kung ano’ng nangyayari, ngunit hindi niya gustong paniwalaan ang sinasabi ng kaniyang isip. Nais niyang marinig iyon mismo mula sa bibig ng kapatid. “A-ano ba’ng ibig mong sabihin? Deretsuhin mo na nga ako!” kunot-noo niyang sabi na may kaunting himig pa ng inis upang itago ang pamumuo ng kaba sa kaniyang dibdib.
“Kuya, wala na si tatay!” napahagulhol nang pagsisiwalat ni Kiel sa balita. Doon ay parang naestatwa naman si Arnold. Mabilis na nanumbalik sa kaniyang ala-ala kung ilang beses nang hiniling ng kanilang ama na dalawin nila ito, ngunit sa tuwina ay tinatanggihan nila iyong pareho. Buhat nang mawala ang kanilang ina ay kapwa dinamdam iyon ng magkapatid kaya naman kahit kaunting ala-ala nito ay hindi na nila gusto pang balikan. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw nilang umuwi sa probinsya at kung bakit maging ang isa’t isa ay hindi rin nila gustong makita!
Animo sinampal ng pagsisisi ang dalawa. Noon din mismo ay nagplano silang sabay na uuwi sa kanilang kinalakhang probinsya upang dumalo sa lamay ng kanilang amang matagal na nilang inabandona. Ni hindi man lamang nila naisip na mas kailangan sila nito noong mga panahong kapapanaw lamang ng kanilang ina, dahil parehong mga sarili lamang nila ang kanilang inisip. Ngayon ay kapwa na sila nagsisisi ngunit huli na ang lahat.
Nag-file ng leave ang dalawang magkapatid sa trabaho at pinaglaanan ng oras ang pag-uwi. Nakalulungkot isipin na hindi nila iyon kinayang gawin noong nabubuhay pa ang kanilang ama, ngunit nagawa nila ngayong wala na ito!
Habang nasa biyahe ay parehong walang imik ang magkapatid. Kinakabahan sila sa kung anuman ang aabutan nila sa kanilang kinalakhang tahanan…ngunit pareho silang nagimbal nang sa wakas ay makarating na sila roon. Paano kasi, naabutan nila ang kanilang ama na nakikipag-inuman pa sa mga kumpare nito at mukhang lasing na lasing na!
Sumilakbo ang galit sa dibdib ng dalawa. Susumbatan sana nila ang kanilang amang hindi pa rin sila napapansin, nang bigla itong magsalita.
“Sinabi ko sa mga anak ko na wala na ako sa mundo. Baka sakaling matauhan sila at puntahan nila ako rito, bago ko pa totohanin ang balitang ’yon,” umiiyak na sabi nito na nagpahinto naman sa dalawa. “Iniintindi nila ang kanilang mga damdamin nang hindi naiiisp na ganoon din ang nararamdman ko. Gustong-gusto ko nang sundan ang kanilang ina, dahil buhat nang mawala ang asawa ko ay parang nawalan na rin ako ng mga anak. Pakiramdam ko ay matagal na rin akong nahihimlay para sa kanila,” dagdga pa nito.
Hindi napigilan nina Arnold at Kiel ang mapaluha sa nakikitang sitwasyon ng amang inabandona nila. Bagama’t regular nila itong pinadadalhan ng pera ay alam nilang hindi sapat ’yon upang bawiin ang mga pagkukulang nila rito.
“Masama bang humiling na makita at makasama kong muli ang mga anak ko? Nalulungkot ako. Kung ako kaya ang nawala sa mundo’y ganito rin ang gagawin nila sa kanilang ina?”
Dahil sa mga narinig ay hindi na napigilan pa ng magkapatid ang kanilang mga damdamin. Tinakbo nila ang kinaroroonan ng kanilang ama at niyakap ito nang mahigpit. Humingi sila ng tawad sa kanilang mga kasalanan at ipinangakong babawiin nila ang mga nawala nilang oras para sa isa’t isa. Kinabukasan ay pinasunod ng magkapatid ang kanilang pamilya upang maging ang mga ito ay makasama ang kanilang ama.
“Tatay, gusto po naming bumawi sa lahat ng pagkukulang namin sa inyo bilang mga anak. Patawad po at kinailangan pang umabot sa ganito bago namin kayo puntahan,” umiiyak na ani Arnold sa ama habang hawak niya ang kamay nito. Si Kiel naman ay tahimik lang ngunit makikitang sang-ayon ito sa tinuran ng kaniyang kuya.
Ngumiti naman ang matanda. Binawi niya ang kamay mula sa pagkakahawak ng anak at ipinatong iyon sa ulo nito. Pagkatapos ay bahagya niyang ginulo ang buhok nina Arnold at Kiel, tulad ng ginagawa niya noong sila ay mga bata pa.
“Pinatatawad ko na kayo. Sana, simula ngayon ay maging mas malapit na tayong muli bilang isang pamilya, bago pa man tuluyang dumating ang araw ng muling pagtatagpo namin ng inyong ina.”
Sa sinabing iyon ng ama ay nagkatinginan ang magkapatid. “Matagal pa po ’yon, tatay,” ani Kiel bago nila muling ikinulong sa bisig nila ang isa’t isa.