Inday TrendingInday Trending
Isang Abusadong Pulis ang Naghahari-harian sa Istasyon; Isang Bagong Salta ang Hahamon Rito

Isang Abusadong Pulis ang Naghahari-harian sa Istasyon; Isang Bagong Salta ang Hahamon Rito

Kumakabog ang dibdib ni Patrick habang ipinakikilala siya ng sarhento sa mga kasamahan nito sa istasyon.

“Eto si Patrick. Bago nating kasama rito sa istasyon,” ani Sarhento Domingo.

Nagkatinginan ang mga ito.

“Sarhento naman! Mukhang hindi ‘yan makakasabay rito. Totoy na totoy pa, mas mahihirapan lang tayo kung sakali,” reklamo ng isang pulis.

Bahagya siyang napahiya. Tila siya natulos sa kaniyang kinatatayuan.

“Bakit ba napakarami niyong reklamo? Kahit naman anong sabihin niyo, wala na kayong magagawa. Dito na si Patrick mula ngayon kaya umayos kayo dahil malalagot kayo kay Hepe. Balik na sa trabaho,” buong awtoridad na utos nito, dahilan upang agad na tumalima ang lahat.

Gayunpaman, hindi natigil ang mga ito sa pagbubulungan. Ramdam niya ang disgusto ng mga ito sa kaniya.

“Hoy, ikaw! ‘Wag kang patayo-tayo riyan at ayusin mo ‘to!” iritableng utos ng isa, saka tinuro ang sangkaterbang mga papel na nasa mesa nito.

“Po? Ang dami naman po niyan, Sir!” hindi maiwasang komento niya.

“Nagrereklamo ka agad?” taas kilay na tanong nito.

“Hindi po,” aniya niya saka walang imik na kinuha ang mga papel para ilipat sa sariling mesa.

Hindi na siya umimik. May bahagyang angas kasi ang nag-utos sa kaniya, kaya natatakot siya na sumalungat dito.

Isa pa, tila ito ang boss doon. Marami itong alipores na halata ang takot dito.

“‘Wag mo nang patulan. ‘Yung nag-utos sayo, si Sir Daniel ‘yun, malakas sa nakakataas at maraming koneksyon, kaya ilag ang lahat. Mahirap na kasing mapag-initan,” kwento ng pulis na nakaupo sa tapat ng mesa niya.

“Tulungan na lang kita diyan,” boluntaryo pa nito. Nagpakilala ito na si Joel.

Napabuntong hininga na lang si Patrick, mukhang napagkaisahan siya ng mga ito. Hindi niya man gusto ang nangyari, tama naman si Joel. Mas maigi nga na ‘wag siyang masali sa gulo lalo na’t baguhan pa lang siya sa istasyon.

Subalit bawat araw ay tila mas lalong lumalala ang trato sa kaniya ng pulis na si Daniel at ng mga alagad nito. Lahat ng gawain na dapat ang mga ito ang gumagawa ay ipinapasa sa kaniya.

Madalas pa siyang makarinig ng pang-iinsulto sa mga ito.

Sa ugali ng lalaki, aakalain mo na isa itong magaling na pulis na ginagawa ang tungkulin nito.

Ang kaso ay araw-araw umaalis ang lalaki kapag wala ang sarhento sa paligid o kaya naman ay tulog lang ito kahit na oras ng trabaho.

Ibang-iba ito kapag may mga opisyal sa istasyon nila. Halatang itinatago ang tunay na sama ng pagkatao.

Isang araw ay bumungad si Daniel na may kinaladkad na isang matandang lalaki na umiiyak. May mga sugat at pasa sa katawan ang matanda.

“Ikulong niyo nga ‘to! Dali!” sigaw nito.

“Anong nangyari, Sir?” takang usisa ni Joel.

“Pinagtangkaan akong nakawan! Buksan niyo ang selda at sisiguraduhin kong hindi na makakalabas ‘tong matandang ‘to riyan!” marahas na pahayag nito.

“Wag po, Sir! Hindi ko po kayo ninakawan. Napulot ko lang po talaga ang pitaka niyo sa kalsada,” umiiyak na paliwanag ng matanda.

Imbes na makinig, mas lalo pang nagalit ang pulis.

Tinulak nito ang matanda at sinuntok nang malakas, dahilan upang mapaupo ito sa sahig, hawak ang dumudugo nitong ilong.

“Sinungaling ka! Ako pa ang balak mong lokohin!” asik nito sa matanda.

Tatadyakan pa sana nito ang matanda, ngunit pumagitna na siya.

“Tama na ‘yan, Sir! Hindi niyo dapat ginagawa ‘to sa mga sibilyan. May pruweba ho ba kayo na ninakaw niya ang pitaka n’yo?” lakas-loob na tanong niya sa lalaki.

“‘Wag ka ngang makialam! Alis!” anito.

Ngunit hindi siya nagpatinag. Sa totoo lang ay natatakot siya sa kayang gawin ng lalaki. Ngunit hindi niya rin kaya na manood lang at walang gawin.

“Hindi ko hahayaang manakit kayo nang walang kalaban-laban. Ilegal ‘yan,” aniya, na tila mas lalong nagpatindi ng galit nito.

Hindi niya napaghandaan ang isang malakas na suntok mula rito. Sa lakas noon ay tumilapon siya sa sahig.

“Kabago-bago mo, ang yabang ng asta mo! Kilalanin mo kung sino ang binabangga mo sa susunod! Kayang-kaya kitang ipatanggal,” babala nito habang may mayabang na ngisi.

Noon dumating ang dalawang lalaki, ang dalawang may mataas na posisyon sa istasyon, ang sarhento at ang hepe.

“Anong nangyayari rito?” gulat na sigaw ng hepe nang makita siya sa sahig.

“Inatake ho niya ako, kaya binigyan ko ng leksyon para magtanda,” sagot nito, na animo ay maamong tupa.

“Hindi po totoo ‘yun,” salungat niya, isiniwalat ang buong katotohanan. Sinama rin niya ang tungkol sa masamang trato ni Daniel sa lahat ng kapulisan sa istasyon, ang pagiging iresponsable nito sa tungkulin, ang pagiging abusado, at ang pananakit nito sa pobreng matanda.

“Totoo ba ang sinasabi ng bagong salta?” usisa ng hepe sa kasamahan nila.

Subalit walang nais na sumegunda sa mga sinabi niya. Nanatiling tikom ang bibig ng lahat.

Isang ngisi ang sumilay sa labi ng mayabang na pulis.

“Hepe, sinungaling ‘yang bagong salta na ‘yan,” anito.

Isang matalim na sulyap ang natamo nito sa hepe.

“Dahan-dahan sa akusasyon. Hindi ko pinalaking sinungaling ang anak ko,” anang hepe, sabay tingin sa kaniya.

Si Daniel ay nanlaki ang mata at namutla.

“Bueno, dahil nais kong maging patas ay hindi ko agad papaniwalaan ang sinabi ng anak ko. Kailangan ko ng ebidensya,” anang hepe.

Mabilis na kumilos si Patrick upang ipakita sa kaniyang ama ang CCTV na naglalaman ng ebidensya.

Sa huli ay suspendido si Daniel. Hindi makakalimutan ni Patrick ang pangaral ng hepe rito. Iyon kasi ang madalas sabihin sa kaniya ng ama.

“Ang trabaho natin ay protektahan ang mga kababayan natin, hindi takutin at abusuhin sila. Kung hindi mo kayang gawin ‘yun, umalis ka na ngayon pa lang, hindi ka nararapat.”

Ito ang mga salitang aalalahanin niya habang siya ay nasa serbisyo.

Advertisement