Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Simpleng Sigalot sa Eskwelahan ay Lumabo ang Pag-asa Niya na Makatapos ng Pag-aaral; Matupad Niya pa Kaya ang Nais ng Kaniyang Puso?

Dahil sa Simpleng Sigalot sa Eskwelahan ay Lumabo ang Pag-asa Niya na Makatapos ng Pag-aaral; Matupad Niya pa Kaya ang Nais ng Kaniyang Puso?

“Gina, ngayon daw natin malalaman kung sino ang makakatanggap ng award sa graduation!” pagbabalita ni Katrina, ang matalik niyang kaibigan. Humihingal pa ito mula sa pagtakbo papunta sa kaniya.

Agad na kumabog ang dibdib niya dahil sa kaba.

“Talaga? Sana kasama ako,” bulong niya.

“‘Wag ka na magpa-humble diyan! Sigurado namang ikaw ang Top 1! Ang galing-galing mo kaya!” kantiyaw nito habang malaki ang ngisi, proud na proud sa kaniya.

Palagi nito iyong sinasabi pero ayaw niyang paasahin ang sarili. Kahit kailan naman ay hindi niya kinonsidera na siya ang pinakamagaling o pinakamatalino sa lahat. Kung mayroon man siyang katangian na maipagmamalaki ay ang kasipagan. Masipag siya alam niyang mahalaga na makatapos siya ng pag-aaral para maiahon ang sariling pamilya balang-araw.

Nagpatuloy ang pamumuri ng kaibigan habang siya naman ay tahimik dahil sa sobrang kaba na nararamdaman. Matindi ang dasal niya na makuha ang pinakamataas na karangalan, nangangahulugan kasi iyon na malaki ang tiyansa niya na makakuha ng iskolarship sa pinapangarap niyang eskwelahan.

Maya-maya lang rin ay nagkagulo na ang mga estudyante nang idikit na sa bulletin board ang listahan.

Pilit niyang nilabanan ang kaba habang hinahanap ang pangalan. Bahagyang bumagsak ang balikat niya nang makita na pangalawa siya sa klase.

Agad na umiral ang bulungan. Halos lahat kasi ay inaasahan na siya ang mangunguna sa klase.

Matinding pagkadismaya ang naramdaman niya lalo pa nang malaman niya na si Nadine ang nakakuha ng unang karangalan. Mainit ang dugo nito sa kaniya dahil sila ang magka-kompitensya.

“Hala, bakit siya? ‘Di hamak naman na mas magaling ka d’on! Hindi ba nahuli siyang nangongodigo? Paano kaya ‘yan nakalusot?” bulong ng kaibigan niya na agad niyang sinaway.

Mas lalo lang nanggalaiti ang kaibigan niya nang nakangisi na lumingon sa banda nila si Nadine.

“Wag mo nang patulan! Sigurado naman akong may dahilan kung bakit naungusan niya ako. Ayos lang naman, meron pa namang ibang iskolarship na pwede kong pasukan,” pagpapalubag-loob niya rito.

Ang totoo ay bahagya rin siyang nakadama ng pagkadismaya. Hindi naman kasi lihim ang isyu ng pandaraya na kinasangkutan nito. Isang beses ay nakita niya mismo ang paggamit nito ng kodigo bago ito nahuli. Nakalusot man ito mula sa panunuri ng kanilang guro, alam niya kung ano ang nakita niya.

Hindi na lang siya nagsalita dahil ayaw niya ng gulo. Sikat na politiko kasi ang tatay nito at kilala sa pagbibigay ng malaking donasyon sa eskuwelahang nila. Ayaw niyang mapag-initan dahil ano ba naman ang laban ng isang mahirap na gaya niya?

Umuwi siyang laglag ang balikat. Agad namang nag-usisa ang kaniyang ina.

“Ayos ka lang, anak?” anito.

Naikwento niya rito ang nangyari. Alam niya kasi na umaasa rin ang mga ito sa scholarship na nais niyang makuha.

“Ayos lang ‘yun, anak. Ginawa mo naman ang lahat, hindi ba?” tanong nito, habang may mapang-unawang ngiti sa labi.

“Opo. ‘Wag po kayong mag-alala, hahanap po ako ng ibang paraan,” pangako niya sa ina.

Kinabukasan ay naabutan niya ang mainit na sagutan ng kaibigan niya na si Katrina at ni Nadine.

“Ang yabang mo! Samantalang alam naman ng lahat na nangongopya ka lang at nandaraya tuwing may pagsusulit tayo. Sipsip ka pa, pati pamilya mo, panay-panay ang abot ng regalo at donasyon. Hindi ba’t parang binayaran mo lang naman ang grado mo?” maanghang na pahayag ni Katrina.

Tila napikon si Nadine at walang pakundangan na hinila ang buhok ng kaibigan niya. Wala siyang nagawa kundi ang umawat, dahilan upang madamay siya sa galit ni Nadine.

“Sisiguraduhin kong makakarating ‘to sa mga magulang ko para mabigyan kayo ng leksiyon!” sigaw nito.

Inakala ni Gina na wala lang ang babala nito, kaya naman gulat na gulat siya nang parusahan siya ng eskwelahan at tuluyan siyang alisan ng karangalan.

Naka-graduate pa rin siya, ngunit wala na siyang magamit para makakuha ng magandang iskolarship. Walang nais na magbigay ng iskolarship dahil naging kwestiyonable ang pagkawala ng mga parangal niya sa eskwelahan.

Dahil makapangyarihan ang pamilya na kalaban niya ay wala siyang magawa kundi mapaluha at manghinayang. Maging si Katrina ay labis ang pag-iyak dahil sa nangyari.

“Kung alam ko lang na magiging ganito, sana nagtimpi na lang ako!” hagulhol nito nang malaman ang nangyari.

Ngumiti siya sa kaibigan.

“Hindi. Hindi mo kasalanan. May mga tao talagang abuso sa kapangyarihan, at tayong malilit na tao ang naaapakan. Pero hindi tayo papatalo, dahil darating ang araw na mananalo ang siyang mga nasa panig ng katotohanan,” aniya sa kaibigan.

Upang matustusan ang kaniyang pag-aaral ay pinagsabay ni Gina ang pagtatrabaho at pag-aaral ng Abogasya. Sa t’wing pinaghihinaan siya ng loob ay inaalala niya ang mga kagaya niyang maliliit na taong inaapi ng mga makapangyarihan. Nais niya na maging tagapagtanggol ng naaapi.

Matapos ang mahabang pagsisikap ay dumating na ang araw na pinakahihintay niya—lalabas na ang resulta ng pagsusulit, at malalaman niya na kung isa na siyang ganap na abogado.

Napasigaw siya sa tuwa nang makita ang pangalan niya sa mga nakapasa. Hindi lang siya nakapasa, siya pa ang nakakuha ng isa sa mga pinakamatataas na marka!

Ilang minuto lang ay tumawag na ang kaibigan niyang si Katrina. Ilang taon man ang lumipas ay nanatili pa rin itong tapat na kaibigan sa kaniya.

Imbes na pagbati ay tsismis ang narinig niya mula rito.

“Alam mo na ba ang balita? Natatandaan mo pa si Nadine, ‘di ba? Nag-bar exam din pala siya, ang kaso ay nahuli raw siyang nandaraya kaya ini-imbestigahan na ang nangyari. Mukhang hindi na siya kayang ipagtanggol na mga magulang niya!” kwento nito.

Napailing na lang siya sa narinig. May mga tao talagang hindi nagbabago.

Muling nagsalita si Katrina.

“Malay mo, ikaw ang kunin na abogado, baka makalusot,” biro nito.

“Luka-luka ka talaga!” natatawang sagot niya sa kaibigan.

Ang gaan ng pakiramdam ni Gina. Pakiramdam niya kasi ay tapos na ang unos sa buhay niya.

Kung minsan ay hindi niya maiwasang isipin na tunay ngang patas ang Diyos—sa tamang oras ay ginagantimpalaan Nito ang dapat na gantimpalaan, at pinaparusahan ang mga dapat managot.

.

Advertisement