Inday TrendingInday Trending
Inakala Niyang sa Pagkawala ng Asawa ay Matatapos ang Kalbaryo Niya; Nang Mangyari ay Napaluha Siya sa Iniwan Nito para sa Kaniya

Inakala Niyang sa Pagkawala ng Asawa ay Matatapos ang Kalbaryo Niya; Nang Mangyari ay Napaluha Siya sa Iniwan Nito para sa Kaniya

Tila bombang sumabog sa harapan ni Mimi ang sinabi ng doktor.

“May sakit sa baga ang asawa niyo. Stage 3. Malala na, pero may mga alam gamutan na pwede nating subukan para mailigtas ang buhay ng pasyente,” anang doktor.

Tila panandaliang nawalan ng pandinig si Mimi sa masamang balita. Nang mahimasmasan siya ay naulinigan niya ang pagtatanong ng asawa niyang si Manolo sa doktor.

“Dok, kung susubok ho kami sa gamutan, s-sigurado ho ba ang paggaling ko?” tanong nito.

Umiling ang doktor.

“Tatapatin ko kayo. Walang kasiguraduhan. At malaki rin ang babayaran dahil makabagong paraan ang gagamitin natin,” paliwanag ng doktor.

Hanggang sa iwan sila ng doktor ay walang salitang namutawi sa bibig ni Mimi. Pinukol niya ng masamang tingin ang asawa.

“Ayan, dahil ‘yan sa mga bisyo mo! Paano na tayo ngayon? Saang kamay ng Diyos natin kukunin ang pampagamot mo?” buringot na bulalas niya.

Sa labis na pagkabigla ay hindi niya na naiwasang sisihin ang asawa na talaga namang napakalakas uminom at manigarilyo.

“Tapos paano kung mamat*y ka pa rin kahit na gamutin ka? E ‘di naiwan akong baon sa utang? Diyos ko naman, Manolo, kahit kailan talaga, sakit ka ng ulo!” patuloy na litanya niya.

Matagal itong hindi umimik, ngunit nang magsalita ito ay tila nakabuo na ito ng isang desisyon.

“‘Wag mo nang alalahanin ang pampagamot ko. Mag-ipon na lang tayo ng pampalibing sa akin. Balita ko malaki din daw ang gastos doon,” anito.

Gulat na napatitig siya sa mukha ng asawa, inakala na nagbibiro ito. Ngunit seryosong-seryoso ang mukha nito, na tila ba hindi na mababago pa ang nabuo nitong desisyon.

Hanggang sa makauwi sila sa bahay ay hindi sila nag-iimikan.

Sa totoo lang ay pabor para kay Mimi ang desisyon ng asawa. Wala naman kasi silang malalapitan na kamag-anak. Ang mga kaibigan naman nila ay isang kahid, isang tuka lang din na kagaya nila.

Isa pa, hindi na rin ganoon kaganda ang samahan nilang mag-asawa dahil sa madalas nilang pag-aaway. Hindi rin naman sila magkaanak, kaya masasabi ni Mimi na wala naman talaga tunay na nagbubuklod sa kanilang dalawa.

Halos nawalan na rin siya ng amor sa asawa. Hindi naman kasi nito tinupad ang pangako sa kaniya na bibigyan siya nito ng magandang buhay.

Ngunit bilang responsibilidad niya bilang asawa ni Manolo ay sumubok pa rin siya na humingi ng tulong sa iba.

Lumapit siya sa munisipyo, sa mga ospital, sa mga pulitiko, at kung saan-saan pa, ngunit bigo rin siyang makahanap ng tutulong sa kanilang mag-asawa.

Makalipas ayng ilang linggo ay tuluyan na rin siyang sumuko.

“Naghanap naman ako ng tutulong sa atin, ang kaso wala. Wala ka nang maisusumbat sa akin, dahil ginawa ko naman lahat ng makakaya ko,” aniya sa asawa na nakaratay sa higaan.

Tumango lamang ito at pumikit. Alam niya na kung minsan ay umaatake ang sakit nito, hindi lang ito nagsasabi.

Nadudurog man ang puso ni Mimi sa nasasaksihan na paghihirap ng asawa ay wala rin siyang magawa. Kung minsan nga ay hindi niya maiwasang hilingin sa Diyos na sana ay tapusin na Nito ang paghihirap ng kaniyang asawa.

Kaya naman sinisiguro niya na lang na nagagawa niya ang tungkulin sa asawa sa mga nalalabi nitong oras sa mundo.

Sinisiguro niya na nakakain nito ang mga paborito nitong pagkain. Binibili niya rin ang mga gamot ng asawa para naman kahit paano ay maibsan ang sakit na nadarama nito sa tuwing sumusumpong ang sakit nito.

Gaya ng sinabi ng doktor, makalipas ang ilang buwan ay lumala pa ang kondisyon ni Manolo. Noon napagtanto ni Mimi na kailangan niya nang ihanda ang sarili sa napipintong paglisan ng kaniyang asawa.

Isang gabi, nagising siya dahil sa mararahas haplos sa kaniyang buhok. Nang magising siya ay nalingunan niya ang asawa na nakatunghay sa kaniya.

“Bakit gising ka pa?” takang tanong niya, lalo na’t nakita niya sa orasan na alas tres na ng madaling araw.

Umiling lamang ito bago ngumiti. May sinabi itong labis niyang ipinagtaka.

“Pasensya ka na at puro pagdurusa lang ang inabot mo sa piling ko. Hayaan mo’t makakabawi rin ako sa’yo… Sana ay maging masaya ka, mahal ko…” anito.

Hindi niya maunawaan ang ibig nitong sabihin, ngunit dahil sa antok ay pinili niyang ignorahin na lang ang sinabi ng asawa.

Hindi niya alam na iyon na pala ang huling beses na maririnig niya ang tinig nito. Nang gumising kasi siya kinabukasan ay malamig na ito at hindi na humihinga.

Hinanda man ni Mimi ang sarili sa pagkawala ng asawa ay hindi niya pa rin maiwasan na mapaluha nang labis. Kay tagal din nilang nagsama at aminin niya man sa hindi, malaki ang puwang ni Manolo sa puso niya.

Sa nalalabing oras na kasama niya ang asawa ay hindi niya ito nilubayan. Sa huling pagkakataon ay nais niyang gampanan ang tungkulin niya bilang asawa.

Matapos ang isang linggong burol ay inihatid niya ang asawa sa huli nitong hantungan. Muli ay bumuhos ang luha ni Mimi.

Nang makauwi siya sa bahay ay doon niya tunay na naramdaman ang pag-iisa. Napagtanto niya na hindi niya pa pala alam kung ano ang gagawin niya ngayong wala na ang asawa.

Isang linggo matapos mailibing si Manolo ay may dumalaw sa kaniya. Isa raw itong abogado, na siyang pinagbilinan ng asawa niya bago ito nawala.

“Hindi ho kaya nagkakamali kayo? Wala naman hong ari-arian ang asawa ko, maliban sa bahay na ‘to…” alanganing wika niya sa abogado.

“Hindi po ako maaaring magkamali, Mrs. Sarmiento. Hayaan n’yo na lang po ako na basahin ang huling habilin ng asawa niyo,” anito.

Sa huli ay nagpatianod na lang siya.

Nang magsimula itong magbasa ay napanganga siya. Ang iniwan sa kaniya ng asawa ay milyon-milyon!

Nagsimulang tumulo ang luha ni Mimi. Hindi dahil sa saya, kundi dahil sa panghihinayang.

“K-kung may pera naman siya, b-bakit hindi na lang n-niya ipinampagamot ‘yan?” masama ang loob na usisa niya sa abogado.

Napayuko ito.

“Ayaw na po kasi ni Sir Manolo na maghirap kayo uli. Nais niyang tuparin ang pangako niya sa inyo—isang magandang buhay. Nais niya na magkaroon kayo ng magandang buhay, kahit na wala na siya…” paliwanag nito.

Noon niya naalala ang mga salitang binitawan ng asawa noong araw na pumanaw ito.

“Pasensya ka na at puro pagdurusa lang ang inabot mo sa piling ko. Hayaan mo’t makakabawi rin ako sa’yo… Sana ay maging masaya ka, mahal ko…”

Bumalik din sa alaala niya ang mga sinabi niya sa asawa, na marahil ay siyang naging dahilan para hindi na nito gustuhin na magpagamot pa kahit na may pera naman ito.

Hindi maampat ang pagtulo ng luha ni Mimi. Inakala niya na nabawasan na ang pagmamahal niya sa asawa, ngunit nagkamali siya.

Napagtanto niya kasi na wala namang halaga sa kaniya ang pera kung wala ito sa piling niya. Subalit hindi na niya masasabi iyon sa asawa.

Advertisement