Pangarap Niyang Maging Tanyag na Basketbolista; Matupad Niya Kaya Ito Kahit Mahangin Siya?
Simula nang matuto ang binatang si Jadeson na maglaro ng basketball, hindi na niya ito tinantanan. Araw-araw, kahit pa katirikan ng araw, siya’y nag-eensayo para lamang mas mapalakas at mapalawak ang kaniyang kaalaman tungkol sa nasabing laro.
Sa katunayan, nang malaman niya ito sa edad na sampung taong gulang, agad na niyang pinangako sa sarili na balang araw, magiging isa siyang tanyag na manlalaro ng Pilipinas na lalaban sa mga basketbolista sa buong mundo.
Upang matupad niya ang pangarap niyang ito, wala siyang pinalampas kahit ni isang liga sa kanilang barangay, sa paaralang pinag-aaralan niya at kahit mga simpleng laro lang na may pustahan ay hindi niya talaga hinayaang hindi siya makasali roon.
Sa dami ng mga nasalihan niyang laro na palagi siya ang tinatanyag na “star player” bahagyang lumaki ang kaniyang ulo. Gusto niya na bukod sa isa siya sa limang manlalarong mag-uumpisa ng laro, nais niya ring siya ang maging coach ng grupong kinabibilangan niya.
Marami man ang umaalma sa ganitong uri ng kaniyang paglalaro, ginagawa niya ang lahat upang makumbinsi ang mga kakampi na siya na lang ang gawing coach at huwag nang kumuha pa ng ibang tao. Palagi niyang sinasabi, “Ang isang coach, dapat ay naglalaro rin! Hindi ‘yong nakatingin at nakamasid lang! Paano niya malalaman ang lakas ng kalaban kung sa malayo niya lang tinitingnan ang lahat ng nangyayari sa loob ng court?” dahilan para siya’y sang-ayunan na lang ng mga kalaro kaysa magdulot pa ito ng away sa grupo.
Kaya naman, ngayong may liga sa unibersidad na pinag-aaralan niya, kahit propesor na gustong turuan at sanayin ang ibang mga estudyanteng katulad niya ay kaniyang pinaliwagan ng sarili niyang paniniwala.
“O, sige, hijo. Magaling ka pala, eh. Sige, ikaw ang mag-coach habang naglalaro ka sa court!” tatawa-tawang sabi nito sa kaniya.
“Walang problema, sir! Magluto ka ng maraming pop corn sa araw ng laban namin, ha? Tiyak na magiging maganda iyon!” sabi niya pa sabay kindat dito.
Sa kanilang pagsasanay, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang patakbuhin ang kaniyang mga kasamahan habang siya’y nag-eensayo mag-shoot ng bola sa ring.
Tanungin man siya ng iba bakit siya lang ang nagsasanay sa ganitong paraan, katwiran niya, “Magkaroon lang tayo ng isang magaling na shooter, sigurado na ang panalo natin. Huwag kayong mag-alala, ako nang bahala roon!” na ikinailing na lang ng lahat.
Sa mismong araw ng kanilang laban, agad siyang nagpasikat sa mga estudyanteng nanunuod at mga kalaban. Hindi niya pinapasa ang bola sa mga kakampi at mag-isa niyang nilalagpasan ang mga bantay sa kanilang ring!Ngunit kahit pa palagi siyang nakakapasok ng bola sa ring, sa huli’y sila ay natalo pa rin.
“Akala ko ba magaling ka, hijo?” tanong ng propesor na dapat sana ay coach nila.
“Nakita mo naman ang galing ko, hindi ba, sir? Sadyang hindi lang marurunong ang mga kasama ko!”
“Paano mo malalaman ang runong nila kung hindi mo sila papahawakin ng bola? Hijo, mukhang nakalimutan mong hindi ka lang mag-isa sa larong basketball,” pangaral nito na ikinatahimi niya, “Lahat kayo, diretso sa gym! Magsasanay ulit kayo!” yaya nito sa ibang mga manlalaro na agad niyang ikinaalma, “Kung ayaw mo akong maging coach niyo, umalis ka na sa team ko. Hindi ko kailangan ng magaling na mahangin. Ang kailangan kong manlalaro ay natuturuan at kayang makisama sa mga kakampi niya,” sabi pa nito sa kaniya sabay kindat.
At dahil nga ayaw niyang may pinapalampas na laban, kahit labag sa kagustuhan niya ang may mag-coach sa kaniya, napilitan siyang sumunod sa mga utos nito.
Pinag-ensayo sila nito, binantayan nito ang mga pagkaing kinakain nila, nililimitahan sila nito sa sobrang pagtulog, at pati kanilang mga damit ay pinasadya nito para lamang masiguradong nasa kundisyon sila sa nalalapit ulit nilang laban.
“Anong kalokohan ito, sir? Bakit pati mga personal naming gamit dapat pinakikialamanan mo? Pati unan namin, sa’yo galing!” tawang-tawa niyang sabi.
“Malalaman mo rin ang dahilan, hijo. Magpakumbaba ka kasi at matuto, ang tayog-tayog agad ng lipad mo, eh, ayan tuloy nadadala ka ng hangin,” sabi nito na talagang ikinainis niya.
Pinalampas niya ang init ng ulo niya noon at sumunod na lang sa lahat ng payo ng naturang propesor hanggang sa lumipas na ang isang taon at dumating na nga ang pinakahihintay nilang araw.
Buong akala niya’y muli silang matatambakan ng puntos dahil bukod sa malalaki ang katawan ng mga kalaban nila ngayon, kilala pa ang mga ito sa pagiging magaling sa paglalaro ngunit sa huli, sila ang nagwagi at nag-uwi ng tropeyo.
Habang hawak-hawak niya ang tropeyong napanalunan nila, isa lang ang taong nakikita niya at iyon ang propesor nilang tahimik lang na pumapalakpak.
Doon niya labis na napatunayang hindi pa pala siya isang batikang manlalaro at marami pa siyang dapat matutuhan sa larangang ito.
Taos puso siyang nagpasalamat at humingi ng tawad dito matapos ang seremonya. Sabi lang nito, “Patuloy mo lang itapak ang paa mo sa court, hijo, huwag kang lumipad at makisama ka sa iba. Tiyak, magiging tanyag ka sa larong ito,” na talagang nagbigay sa kaniya ng pag-asa.
Hindi nga ito nagkamali dahil paglipas ng ilang araw, may isang national team sa larangan ng basketball ang tumawag sa kaniya at siya’y inaanyayahang maging miyembro nito.
Iyon na ang naging simula ng unti-unti niyang pag-abot sa kaniyang pangarap. Mahirap man ang sumunod na hakbang na kaniyang ginawa, nasubok at nasanay naman maigi ang kaniyang husay at puso pagdating sa paglalaro.