Inday TrendingInday Trending
Nang Malaman Niyang Mayaman ang Bagong Kaklase, Agad Siyang Nagkainteres Dito; Magtagumpay Kaya Siya sa Pinaplano Niya Para Rito?

Nang Malaman Niyang Mayaman ang Bagong Kaklase, Agad Siyang Nagkainteres Dito; Magtagumpay Kaya Siya sa Pinaplano Niya Para Rito?

Laki sa hirap ang binatang si Renz. Sa tanang buhay niya, ni hindi pa siya nagkakaroon ng bagong damit o kahit nakakakain sa isang mamahaling restawran kagaya ng iba niyang mga kaklase. Pilit man niyang isiksik ang sarili sa grupo ng mga kaklase niyang mayayaman, hindi niya magawa dahil sa mga ginagawa niyang kasamaan.

Tuwing may makikita kasi siyang bagong gamit ng mga ito, mapa-ballpen man o selpon, basta’t siya’y nagandahan, gagawin niya ang lahat upang makuha ito. Alam man mali ang ginagawa niyang ito at magiging rason talaga upang siya’y hindi kaibiganin ng kaniyang mga kaklase, patuloy niya pa rin itong ginagawa dahil nga gustong-gusto niyang magkaroon ng mga bagay na iyon.

Kaya naman, nang magkaroon sila ng bagong kaklase at nalaman niyang mula ito sa isang mayamang pamilya, agad siyang nagkainteres sa buhay na mayroon ito dahilan para agad siyang gumawa ng paraan upang maging kaibigan niya ito.

Nang sila’y magkaroon ng pangkatang gawain, agad niyang pinuntahan sa upuan ang binata at ito’y inalok na maging kagrupo niya. Dahil nga wala ito ni isang kakilala, agad itong pumayag sa alok niya. Naririnig man niyang binabalaan ito ng iba nilang kaklase, siya’y labis na nagmalinis dito upang siya ang kampihan nito. Pagdadrama niya pa rito, “Alam mo, porque mahirap lang ako, kada may nawawalang gamit sa silid na ito, ako kaagad ang pinagbibintangan niyan nila. Minsan nga gusto ko na lang tumigil sa pag-aaral dahil pagod na akong mahusgahan.”

“Hayaan mo, mas naniniwala naman ako sa’yo kaysa sa kanila. Gusto mo bang sa bahay na lang namin tayo gumawa para mas maging komportable ka?” alok nito na talagang ikinataginting ng kaniyang tainga.

Oramismo, pagkatapos na pagtapos ng kaniyang klase, agad siyang sumama sa bahay nito. Hindi para magawa na nila kaagad ang kanilang gawaing pangparalan, kung hindi upang makita niya ang totoong yaman nito at masaulo ang bawat sulok ng bahay nito na binabalak niyang pasukin mamayang gabi.

Pagkadating niya roon, siya’y labis na nahumaling sa ganda ng bahay nito na para bang isang palasyo!

“Diyos ko, pare! Ngayon lang ako nakakita ng ganito klaseng bahay! Ano bang trabaho ng mga magulang mo para magkaroon kayo ng ganito?” sabi niya pa rito habang ginagala anh kaniyang mata sa buong bahay.

“Negosiyante sila sa ibang bansa, Renz,” sagot nito saka siya inabutan ng juice at meryenda.

“Naku, edi ikaw lang mag-isa rito?” pang-uusisa niya pa.

“Madalas, ako ang talaga mag-isa rito dahil ‘yong mga kuya may kaniya-kaniya nang pamilya. Pero minsan, umuuwi sila rito para kumustahin ako,” kwento pa nito na nagbigay lalo sa kaniya ng pag-asang matagumpay niya itong mapapasok mamayang gabi.

Ilang oras pa ang nagdaan, tuluyan na nilang natapos ang aktibidad nila para sa paaralan dahilan para siya’y agad na ring magpaalam dito. Pagkauwi niya sa kanilang bahay, agad niyang pinagplanuhan ang gagawin niyang panloloob doon habang naghahanap ng itim na damit, mask, at sumbrerong gagamitin niya upang ikubli ang kaniyang pagkakakilanlan.

Katulad ng inaasahan niya, matagumpay nga siyang nakapasok sa bahay nito. Dali-dali siyang nagtungo sa silid nito kung saan niya nakita ang sandamakmak nitong alahas at mamahaling mga gamit.

Kaya lang, bago niya pa maisilid sa dala niyang bag ang mga gamit na iyon, nagulantang na lang siya nang may isang lalaking nakasuot din ng itim ang biglang sumaks*k sa kaniyang tagiliran dahilan kaya siya’y napasigaw at makipagbuno roon.

Sa ingay na nagawa nila, nakita niyang nagising ang kaniyang kaklase at ito’y agad na may tinawagan sa selpon. Bago pa ito mapigilan ng isa pang magnanakaw na nakasaks*k sa kaniya, may halos sampung malalaking katawang lalaki na ang dumating doon na talagang ikinagulat niya.

Agad na pinosasan ng mga ito ang isa pang magnanakaw habang siya’y agad na dinala sa ospital ng mga pulis na mayamaya ay rumesponde rin. Todo takip man siya ng kaniyang mukha upang huwag siyang makilala ng kaklase, siya’y namukhaan pa rin nito.

“Ngayon alam ko na kung bakit wala kang kaibigan sa mga kaklase natin. Sana pala nakinig na lang ako sa kanila. Mahirap ka na nga, lalo mo pang binabagsak ang sarili mo dahil sa maling pamamaraan mo upang umangat sa buhay,” sabi pa nito sa kaniya na talagang tumagos sa puso niya.

Matapos siyang gamutin sa ospital, siya rin ay agad na nakulong kasama ang magnanakaw na nakasaks*k sa kaniya. Todo iyak man siya sa harap ng kaklase habang nangangakong magbabago na, tinuloy pa rin nito ang pagsasampa ng kaso sa kaniya na nagdahilan ng ilang taon niyang pagkakabilanggo na labis niyang pinagsisihan.

“Pangako, pagkalabas ko rito, maayos na ang pagkatao ko!” sigaw niya sa bintana ng bilangguan habang tanaw-tanaw ang sasakyan ng kaklase niyang iyon.

Ibang klase man ang hirap na dinaranas niya sa loob ng kulungan, sigurado siyang darating ang panahong sa kaniya naman aayon ang tadhana at sa panahong iyon, pinangako niya sa sariling hinding-hindi na siya gagawa ng masama.

Advertisement