Inday TrendingInday Trending
Buong Puso Niyang Pinaghirapan ang Hiling na Regalo ng Kasintahan para sa Valentine’s Day; Ibibigay Lang Pala Nito sa Iba

Buong Puso Niyang Pinaghirapan ang Hiling na Regalo ng Kasintahan para sa Valentine’s Day; Ibibigay Lang Pala Nito sa Iba

Sobra kung magmahal ang dalagang si Ashley. Lahat ay kaya niyang gawin para lamang sa ikakabuti ng kaniyang minamahal kahit pa ito’y makakasakit sa kaniya. Wala siyang ibang hangad kung hindi ang mapasaya ang minamahal niya sa kahit anong pamamaraan.

Sa katunayan, kayang-kaya niyang lunukin ang kaniyang dignidad para lamang maipakita ang kaniyang pagmamahal sa isang lalaki. May pagkakataon pa ngang nagawa niyang magh*bo’t hub*d sa kalsada nang hamunin siya ng binatang pinapantansya niya. Sabi pa nito noon, “Sige nga, kung gusto mo ako talaga, maghub*d ka nga sa kalsada!” na agad naman niyang ginawa dahil nga totoo ang nararamdaman niya rito.

Ngunit kahit ganoon na ang ginagawa niyang kat*ngahan para sa mga lalaking ito, ni isa ay wala pa ring tumatagal at nagmamahal sa kaniya nang totoo. Halos lahat, kapag nakuha na ang kaniyang katawan, siya’y agad nang iniiwan.

Kaya naman ganoon na lang ang saya niya nang umabot ng isang taon ang relasyon niya sa bago niyang nobyo. Bukod sa nararamdaman niyang mas maayos siyang tinatrato nito kaysa sa mga dati niyang naging kasintahan, nagdesisyong pa itong tumira sa bahay niya na talagang nagbigay sa kaniya nang kapanatagan na siya’y mahal talaga nito.

Kahit sandamakmak na ang mga kakilala niyang tutol sa ginagawa niyang ito dahil siya ang gumagastos sa lahat ng pangangailangan nilang dalawa habang walang ginagawa sa bahay ang binata kung hindi ang mahiga at kumain, tinatakpan niya ang magkabila niyang tainga para lamang sa binatang pakiramdam niya, makakasama na niya sa habambuhay.

Dagdag pa rito, kahit anong hilingin nito, agad niyang binibigay nang walang pag-aalinlangan.

“Mahal, parang gusto ko no’ng nauusong bulaklak ngayon na gawa sa gantsilyo. Iyon na lang kaya ang iregalo mo sa akin sa darating na araw ng mga puso?” sabi nito sa kaniya na labis niyang ikinatawa, isang umaga habang siya’y naghahanda sa pagpasok niya sa trabaho.

“Gusto mo ng bulaklak? Babae ka ba?” biro niya rito na ikinakunot ng noo nito.

“Babae lang ba ang pupwedeng makatanggap ng bulaklak sa Valentine’s Day? Ang mga lalaki kaya sa burol o libing lang nila nakakatanggap ng bulaklak! Kaya nga gusto ko ikaw ang unang magbigay sa akin ng bulaklak!” katwiran nito na talagang pinaniwalaan niya.

“O, sige na, sige na! Ako na ang bahala! Alis na ako, ha, isara mo ang pinto rito sa harap at sa likod kapag matutulog o aalis ka!” bili niya pa rito saka na siya tuluyang umalis ng kaniyang bahay.

Noong araw na iyon, imbis na maghanap siya ng nagbebenta ng gantsilyong bulaklak, naisipan niyang siya na lamang ang gumawa upang ito’y maging espesyal. Agad siyang bumili ng mga materyales at nagsimulang mag-aral maggantsilyo sa pamamagitan ng panunuod ng bidyo sa internet.

Simula nang araw na iyon, siya’y naging abala na sa panggagantsilyo na tinatago niya pa sa kasintahan upang masurpresa ito. Hindi ito madali lalo na sa baguhang katulad niya, pinagtiyagaan niya ito para lang maipakita ang pagmamahal niya sa binata.

“Siguradong mas matutuwa siya lalo na’t pinaghirapan ko ito!” sabi niya pa sa sarili habang siya’y naggagantsilyo sa palikuran ng kaniyang bahay.

Isang araw bago ang Valentine’s Day, natapos niya ang ginagawa niyang ito at agad na binigay sa kaniyang kasintahan. Nag-umapaw ang sayang naramdaman niya lalo na’t kitang-kita niya kung gaano ito kasaya.

“May pasok kasi ako bukas, eh, kaya binigay ko na ‘yan agad sa’yo,” paliwanag niya rito.

“Ayos lang, mahal, maraming salamat talaga! Magaling ka palang maggantsilyo, eh!” sabi pa nito saka siya niyakap na talagang ikinakilig niya.

Kinabukasan, maaga siyang pumasok sa trabaho upang maaga rin siyang makauwi. Nais niya kasing makasama kahit saglit na oras sa araw na ito ang kaniyang kasintahan.

Kaya lang, pagsapit ng hapon, pagkauwi niya sa bahay, siya’y labis na nagtaka dahil wala roon ang kaniyang kasintahan. Nakita niya pang bukas ang pintuan ng kaniyang bahay sa likuran na talagang ikinailing niya.

“Kahit kailan talaga ‘yon, sobrang makakalimutin! Paano na lang kung…” hindi na niya natuloy ang sasabihin niya nang nakarinig siya ng mga taong pag-uusap sa kaniyang silid dahilan para siya’y magdali-daling kumuha ng walis tambo sa pag-aakalang mga magnanakaw ito.

Ngunit pagbukas niya ng pintuan, nakita niyang may isang babae nakakandong sa kaniyang kasintahan habang hawak-hawak pa ang gantsilyong gawa niya. Sabi pa nito, “Salamat, mahal, ha? Kahit kailan talaga, hindi ka pumapalyang pakiligin ako!” na talagang nagpainit ng ulo niya kaya agad-agad niyang nahambalos ang dalawa ng hawak niyang tambo.

“Sa mismong bahay ko pa talaga, ha! Wala kayong hiya!” sigaw niya kaya agad na nataantang umalis ang dalaga habang panay ang pagpapaliwanag ng kaniyang kasintahan.

Sa nakita niyang iyon, doon niya labis na napagtantong sa sobrang pagmamahal na mayroon siya sa isang tao, nabibigyan niya ito ng pagkakataong magloko. Kaya imbes na patawarin niya ang binata, pinalayas niya ito at binawi ang lahat ng mga gamit na binigay niya rito na mula sa dugo’t pawis niya katulad ng selpon, magagandang damit at motorsiklo.

Hirap na hirap man siyang tanggapin na muli na naman siyang niloko, ibang klaseng gaan sa pakiramdam ang kaniyang naramdaman. Pangungumbinsi niya pa sa sarili habang nagtatrabaho, “Ashley, hindi ikaw ang iniwan ngayon, ikaw ang nang-iwan! Kayang-kaya mong walang lalaki sa buhay mo!” na talagang pinanindigan niya habang hinihintay ang tamang lalaking para sa kaniya.

Advertisement