Pinatigil sa Pag-Aaral ng Babae ang Anak na Baldado; Hindi Iyon Naging Hadlang sa Pangarap Nito
Pagdating ni Linda sa bahay nila ay hindi niya napigilan ang galit sa bunsong anak na si Lexer.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo ito?! Um!” gigil niyang sabi saka iginawad ang isang malakas na sampal sa binatilyo.
“Mama!”
“Ayaw ko nang maulit pa ito ha? Ayaw na ayaw ko nang magkakalat ka ng basura sa bahay! Intiende?!” sigaw niya.
“Hindi naman po basura ‘yan, mama. Pinaghirapan ko pong gawin iyan,” humihikbing sagot ni Lexer sa ina.
Ang tinutukoy na basura ni Linda ay ang painting na ginawa ng binatilyo. May angking talento kasi si Lexer sa pagpipinta pero hindi ito nakikita ng kaniyang ina, para rito ay isa iyong kahibangan.
Ang kaniyang ama ay isang mahusay na abogado, palagi itong abala sa mga hinahawakang kaso. Ang mga kapatid naman niya ay abala sa pag-aaral at ang mama naman niya ay isang magaling na doktora pero sobrang istrikto. Wala na siyang ibang karamay kundi ang…
“Yaya, bakit hindi ako mahal ng mama ko?” malungkot niyang tanong.
“Nasira kasi ang pangarap nila sa iyo na maging mahusay ding abogado tulad ng papa mo mula nang maaksidente ka,” sabi ng yaya niya.
Isang gabi, tinambangan ng mga masasamang loob ang papa niya kasama siya habang pauwi sila sa bahay. Himala silang nakaligtas sa pananambang na iyon at naisugod agad sila sa ospital ng mga taong nagmagandang loob.
“Daplis lang ang tama mo, Atty. Hernan, ngunit ang inyong anak ay malubha ang lagay at malamang na ‘di na ito makalakad pa,” sabi ng doktor.
“Ikaw kasi, isinama mo pa ang anak mo, iyan tuloy baldado na!” galit na sabi ng mister.
“Gusto ko lang naman masanay ang anak mo sa mga lakad mo para balang araw ay…”
Hindi na pinatapos sa pagsasalita si Linda ng asawa. “Tingnan mo naman ang nangyari sa kaniya,” anito.
At ang pinakamasaklap…
“Magmula ngayon, Lexer ay hindi ka na mag-aaral…tutal inutil ka na. Wala ka nang pakinabang!” gigil na sabi ng mama niya.
“Mama, paano ang aking pangarap?” mangiyak-ngiyak na sabi ng binatilyo sa ina.
Kaya magmula noon ay taong bahay na lamang siya. Wala rin namang nagawa ang papa niya sa kagustuhan ng mama niya, under de saya ang papa niya kaya hindi siya nito natulungan. Kaya nagkaroon siya ng inggit sa mga kapatid niya na tinututukan ng mga magulang niya sa pag-aaral ng mga ito samantalang siya, pakiramdam niya’y inagawan siya ng pangarap.
Minsan…
“Lexer, bakit lagi kang nagkakabit ng mga ipininta mong larawan sa dingding? tanong ng yaya niya.
“Inspirasyon ko kasi ang mga iyan, yaya, lalo na ngayong hindi na ako makakapag-aral at lagi na lang dito sa bahay at kung may chance man akong makapag-aral, ayaw kong maging abogado… mas gusto ko ang maging pintor,” tugon niya.
“Isa pa ‘yan sa ikinagagalit ng mama mo na ayaw mong sundin ang gusto niya,” anito.
“Ito talaga ang pangarap ko, yaya, eh noon pa. Ito ang nasa puso ko,” aniya.
Isang araw, habang nasa hardin siya ng kanilang bahay ay nakausap niya ang anak ng kanilang hardinero na si Jojo.
“Ang galing mo namang maghalaman, Jojo. Kasing galing mo ang tatay mo,” sabi niya.
“Hilig ko talaga ito, eh noon pa. Ikaw, anong hilig mo?” tanong ng binatilyo.
“Gusto ko sana ang pagpipinta ng mga larawan…pero ayaw na akong pag-aralin ni mama, eh,” tugon niya.
“Iyan pala ang gusto mo? Hayaan mo, ipapakilala kita kay Kuya Samuel na isang pintor,” wika ni Jojo.
“Talaga? Puwede kaya niya akong turuan?” tanong niya.
“Oo naman, pwedeng-pwede,” anito.
Ipinakilala nga ng binatilyo sa kapatid nito si Lexer. Mula noon ay lagi na itong pumupunta sa bahay nila para turuan siyang sa pagpipinta.
“Ang dali mo palang matuto ng ibang teknik sa pagpipinta, Lexer,” sabi ni Jojo.
“Dahil iyan sa Kuya Samuel mo. Magaling kasi siyang magturo,” sagot niya.
“Ang mahalaga ay ang interes mo, Lexer. Talagang may inborn talent ka sa sining, hindi nga lang nadedebelop dahil sa nga sa sinabi mong hindi pagsuporta sa iyo ng iyong mama,” wika naman ni Samuel.
“Mabuti ka pa, Kuya Samuel…nauunawaan mo ako,” sabi niya.
At magmula noon ay palagi na siyang nagkukulong sa kwarto niya. Hindi na siya lumalabas, doon niya ginagawa ang gusto niya, ang pagpipinta at hindi na rin ito inintindi ng kaniyang ina na abala sa pagnenegosyo, ngunit isang araw…
“Ano kamo kumadre…Nasangkot sa dr*gs ang mga anak mo?” gulat na sabi ni Linda sa kaibigang mayaman din.
“Oo, kumadre. Mula kasi nang pagbawalan namin sila ng kumpadre mo sa mga gusto nilang gawin sa buhay ay nagrebelde na sila at gumamit ng ipinagbabawal na gamot,” umiiyak na sabi ng kaibigan.
Napag-isip-isip ni Linda na sa sobrang higpit niya sa bunso niyang anak ay baka maging katulad din ito ng mga napariwarang anak ng kaibigan niya kaya isang gabi ay pinuntahan niya ito sa kwarto nito.
“Anak, gusto kitang makausap…aba, bakit walang sumasagot? Hindi naka-lock ang pinto…naku, iba ang kutob ko a!” kinakabahan niyang sabi.
Dahil walang sumagot, binuksan na niya ang pinto upang mabigla sa nasaksihan…
“Anak, anong nangyayari sa iyo ha?” bungad niya.
“Mama! Naligaw po kayo?” gulat na tanong ng binatilyo, hindi inaasahan ang pagdating niya.
Hindi makapaniwala si Linda nang makita ang naggagandahang obra ni Lexer.
“Anak, totoo na ito? Mga gawa mo ‘yan? Ang gaganda!” mangha niyang sabi. “O, ang anak ko, sa kabila pala ng aking kapabayaan ay…”
“Likha ‘yan ng inutil mong anak, mama. Nakakalungkot lang na sa suporta pa ng ibang tao ko pa nahanap ang aking lakas ng loob,” bulong naman ni Lexer.
At dahil sa ganda ng mga ipinintang larawan ni Lexer ay nagawa nila itong ibenta at naging mabili ito sa merkado at nanalo pa ng mga parangal sa iba’t ibang kompetisyon. Sa pagkakataong iyon ay niyakap ni Linda ang kaniyang bunso, kasama ang asawa niya’t iba pang anak. Humingi siya ng tawad sa mga nagawa niya rito at nangakong magiging mas mabuti na siyang ina.
Labis nilang ipinagmamalaki si Lexer, na isa na sa pinakamahuhusay na pintor sa bansa. Ipinagpatuloy pa rin ni Lexer ang pag-aaral hanggang sa natapos niya ang kolehiyo sa kursong Fine Arts.
Nagawa na rin ng binatilyo na mapatawad ang kaniyang ina sa lahat ng pagkukulang nito. Mula noon ay palagi nang nakasuporta ang kaniyang pamilya sa larangang pinasok niya. Hindi naging hadlang ang kapansanan sa pagtatagumpay niya sa buhay.