Palaging Nagtitirik ng Kandila sa Dalampasigan ang Lalaki Tuwing Buwan ng Mayo; Isang Masakit na Nakaraan Pala ang Nasa Likod Nito
Nag-iisa si Kamille, nagbabasa ng paborito niyang pocketbook nang lapitan siya ng isang lalaki.
“Hi! Remember me?” bungad ng binata.
“No, sorry,” sagot ng dalaga.
“Malilimutin ka, Kamille, I am staying in cottage number 335. The name is Mandy, pag natandaan mo na kung sino ako…you can find me there. See you later, ” sabi pa nito saka umalis na.
Nagtaka si Kamille.
“P-pero…”
Maya maya ay bigla siyang tinawag ng mga kaibigan niya…
“Kamille, halika na! Magbabasa ka na lang ba riyan?” kantiyaw ng isa.
Kasalukuyan kasi silang nasa beach ng mga kabarkada niya. Nag-file talaga sila ng vacation leave para makapagpahinga sa kani-kanilang mga trabaho sa Maynila.
Ibinaba ni Kamille ang ang binabasa at lumusong sa dagat nang may maalala…
“Mandy? Para ngang pamilyar sa akin ang kaniyang mukha at boses,” sambit niya sa isip.
Nang…
“A-alam ko na…”
Nagmamadali siyang nagtungo sa cottage number 335.
“Paris ng dati’y nag-iisa na naman siya,” aniya.
Kinatok niya ang pinto, pinagbuksan naman siya ng binata.
“Hi! Sorry kanina, hindi kita namukhaan agad dahil mahaba ang buhok mo noon…saka isang taon na ang nakakaraan, ‘di ba?” wika niya.
“Okey lang. Halika, pasok ka!” tugon ng ng binata.
Dinulutan siya ni Mandy ng kape.
“Kumusta na ang Ate Aurora mo, Kamille?” tanong ng binata.
“May anak na, isang taon pa lang. Teka, kailan ka pa rito?” sabi ng dalaga.
“Mag-iisang linggo na.”
“Bilib ako sa debosyon mo, Mandy. Tapat ka sa iyong panata, pero nag-iisa ka pa rin yata! Natatandaan kong…”
Dinugtungan na ni Mandy ang sasabihin niya. “Na nabanggit mo noon na hindi naman ako laging mag-iisa sa pagtungo rito tuwing Mayo…right? Well…wala pa rin akong maisama.”
“Hindi ka siguro kasi naghahanap,” saad ng dalaga sabay tawa.
Makaraan ang isang oras ng pag-uusap nila ay inihatid na siya ni Mandy pabalik sa dagat.
“Bukas pa ang uwi namin, pagkatapos naming mananghalian,” sabi niya.
“Kaya ‘di ka gaanong enjoy maligo, eh, dahil wala ka pa rin palang nobyo. Hayaan mo, haharanahin kita sa inyong cottage,” natatawang sabi ni Mandy.
“Tse! Sige, puntahan ko muna ang mga kaibigan ko.”
Muling lumusong sa tubig si Kamille at sinamahan ulit sa paliligo ang mga barkada niya.
“Sino iyon, Kamille?” usisa ng isa.
“Si Mandy. One year ago, sinagip niya sa pagkalunod ang Ate Aurora ko. Tuwing buwan ng Mayo, narito siya dahil sa isang panata,” tugon niya.
Kinagabihan, alas siyete na ay nagtirik ng kandila sa buhanginan sa tabing dagat si Mandy at nag-alay ng maikling panalangin.
“Wala ka pa ring kapalit sa puso ko, Teresa,” bulong niya sa isip.
Nang biglang dumating si Kamille…
“Makakaistorbo kaya ako sa iyong pagdarasal? Hindi ako makatulog at ang mga kaibigan ko’y naliligo pa rin. Wala akong makausap, eh,” sabi ng dalaga.
“Tapos na naman akong magdasal, Kamille.”
“Sabi mo’y haharanahin mo ako sa aming cottage?” nakangiting sabi ng dalaga.
“Sana nga kaso wala pala akong dalang gitara eh…sorry,” natatawang sabi ng binata.
“Okey lang! Pero maiba ako…sa pagkakatanda ko, pang anim na taon na nang kapapanata mo sa iyong nobya, a! Sakripisyong tunay iyon, Mandy,” seryosong wika ni Kamille.
“Oo, anim na taon na siyang nawawala. Bigla na lang siyang nalunod sa dagat na iyan, buwan din ng Mayo at hindi na nakita pa ang kaniyang labi. Hindi ko man lang siya nailigtas noon,” tugon ni Mandy na biglang lumungkot ang mukha.
“Mahiwaga nga ang kaniyang pagkalunod. Mas matatahimik ka siguro kung natagpuan ang kaniyang labi, ano?” sabi ng dalaga.
“Hanggang ngayon nga’y parang ayoko pa ring maniwalang nalunod siya. Para sa akin…nawawala lang siya, Kamille,” sagot ng binata.
Sa isip ng dalaga ay naging memorable ang bakasyon niyang iyon sa resort sa Zambales lalo pa’t naroon din si Mandy. Hangang-hanga siya sa binata.
“Kay dakila ng kaniyang pag-ibig. Anim na taon na siyang nagtitirik doon ng kandila tuwing buwan ng Mayo,” aniya sa sarili.
Nang makabalik na sila sa Maynila, hindi inasahan ni Kamilie na tatawagan siya ni Mandy sa opisina at iimbitahang kumain sila sa labas. Pinaunlakan naman niya ito.
“Alam mo ba nang sagipin ko sa pagkalunod ang ate mo noon, ang tingin ko sa kaniya ay kamukha ng nobya kong nalunod,” pagtatapat ni Mandy.
“Ganoon ba? Tumwaga ako kay Ate Aurora kahapon at sinabi kong nagkita ulit tayo sa beach at kung magkikita raw uli tayo, sabihin ko raw sa iyo na mag-asawa ka na,” natatawa niyang sabi.
“Hayaan mo…sa susunod na taon, buwan ng Mayo ay may kasama na uli ako sa beach na iyon,” natatawa ring sagot ng binata.
Lalong hindi inasahan ni Kamille na ang pagkikita nilang iyon ni Mandy ay nasundan pa ng iba pang pagtatagpo.
“Naniniwala ako…bihirang mga damdamin ang nagiging magkatugon sa loob lang ng maikling panahon. Tulad ng ating mga damdamin, tama ba, Kamille?” sinserong sabi ni Mandy.
“Well…at panatag kasi ako kapag kasama kita at kasundung-kasundo ko ang ugali mo,” sagot ni Kamille.
“Sapat na ang anim na taong pamamanata at pagluluksa ko, Kamille. Hindi makatarungan para sa iyo kung babalik pa ako roon para magtirik ng kandila. Alam ko, kung nasaan man si Teresa ngayon ay gugustuhin din niyang maging maligaya ako,” wika ni Mandy.
“Sapat na ang isang panalangin… at isang simpleng pamamaalam sa magandang alaala,” makahulugang sabi ng dalaga. “Sa wakas…aking-akin na ang kaniyang pag-ibig,” panatag na bulong niya sa isip.
Ipinakita sa kwento na walang pinipiling panahon ang pag-ibig, kusa itong darating kapag pinahintulutan na ng pagkakataon.