Nagpapapayat ang Matabang Lalaki Para sa Dalagang Inirereto sa Kaniya ng Ama; Makamit Naman Kaya Niya Ito?
Ang ama na mismo ni Cielo na si Mang Arman ang nagtutulak sa anak na mag-asawa.
“Anim na taon ka nang nars dito sa ospital sa London, wala ka pang napupusuan, Cielo?” tanong nito.
“Wala pa po, papa,” sagot niya.
“Pagbalik natin sa Pilipinas, ipapakilala kita sa anak ng kaibigan ko, mababait sila,” sabi ng papa niya.
“Ipapakilala lang po pala, eh, okey ‘yan, papa,” aniya.
Samantala, sa Maynila ay nakatanggap ng sulat ang kaibigan ni Mang Arman.
“Alex, sulat ito ng kaibigan ko na nagtatrabaho sa London. Ka-edad mo ang anak niya,” sabi ni Mang Fino sa anak, ang matandang lalaki ay matalik na kaibigan ng ama ni Cielo. Nirereto kasi ni Mang Arman ang anak ng kaibigan sa nag-iisang anak na dalaga.
“Lalaki po ba, papa?” tanong ng anak na binata.
“Dalaga at napakaganda, hijo. Eto nga may ipinadalang litrato ng anak niya ang kaibigan kong si Arman,” tugon ni Mang Fino.
Nang tingnan ni Alex ang litrato ay namangha agad ito.
“Wow! Maganda nga! Anong pangalan niya, papa?”
“Oo nga, insan, kamukha ni Bea Alonzo,” sabad naman ng pinsan ng binata na si Bill.
“Siya si Cielo, ibig ng kaibigan ko’y ikaw ang mapangasawa niya. Kumporme rin ako, Alex,” masayang wika ni Mang Fino.
“Ano po, papa?!”
“Naku, mag-reduce ka na, insan,” sabi ng pinsan niya na humagalpak ng tawa.
Sobrang taba kasi ni Alex. Paano naman siya magugustuhan ng maganda at seksing dalaga na anak pa ng kaibigan ng papa niya?
“Huwag kang mag-alala, hijo. Limang buwan pa bago sila magbalikbayan, may panahon ka pang magpapayat,” sabi ng ama.
“May pag-asa ka pa bang pumayat ha, insan?” kantiyaw ni Bill.
“Baka gusto mong buntalin kita diyan!” pabiro niyang sagot.
Una pa lang nakita ni Alex ang dalaga sa litrato ay nabighani na agad siya rito kaya pursigido siya at buo ang loob niyang magbawas ng timbang.
“Insan, pahinga muna tayo,” pagod na pagod na sabi ni Bill nang yayain niya itong magjogging sila. Kasi ba naman, ilang oras na yata nilang naiikot ang buong Quezon City Circle, kaya lawit na ang dila ng pinsan niya.
“Pagod na rin ako, pinsan, pero kaunting tiis pa, alang-alang kay Cielo,” aniya.
Patuloy ang pag-eehersisiyo at pagpapapayat ni Alex nang…
“Alex, sulat ito na galing sa ama ni Cielo, padalhan ko raw sila ng litrato mo,” sabi ng papa niya.
“Naku po, paano ‘yan, insan?” tanong ni Bill.
“Aapurahin ko’ng pagre-reduce, papa,” tugon niya.
Samantala, sa London sa bahay nina Cielo…
“Papa naman! Bakit ba ang Alex na ‘yon ang palagi niyong inuukilkil sa akin? Bine-brain wash niyo ba ako?” inis na sabi ng dalaga.
“Hindi naman! Ang akin lang, kung mag-aasawa ka rin lang, gusto ko kay Alex na. Kilala silang mabuting pamilya,” sagot ni Mang Arman sa anak.
“Doktor po ba si Alex?” tanong ni Cielo.
“Arkitekto silang mag-ama tulad ko. Kumukontrata sila ng malalaking gusali,” sabi ng ama.
Dahil sa kababanggit ni Mang Arman, kinasasabikan tuloy makita ni Cielo si Alex.
“Arkitekto pala siya. Tall, dark and handsome kaya?” sabik na sambit ng dalaga sa isip.
Makalipas ang apat na buwan…
“Cielo, heto ang litrato ni Alex at ng kaniyang ama. Six footer din pala tulad ng ama,” wika ni Mang Arman.
“Aba, ang guwapo pala niya!” gulat na sabi ng dalaga.
Sa Pilipinas, patuloy pa rin ang pagdidiyeta at pag-eehersisyo ni Alex.
“Gulat ako sa iyo, insan! Dati, para kang lumba-lumba pero ngayon, may abs ka na at ang laki na ng biceps mo,” wika ni Bill.
“Malaki talaga ang nagagawa ng pag-ibig, insan,” sagot naman ng binata.
Makalipas ang ilan pang buwan ay sumapit na ang pagdating ng mag-amang Arman at Cielo sa airport.
“Fino, narito na kami ni Cielo! Nasaan si Alex mo?” tanong ng matandang lalaki.
“Kasama ko nga sana rito, Arman, kaso nang sasakay na sa kotse, biglang bumagsak at nawalan ng malay. Ayun, dinala ko muna sa ospital,” sabi ni Mang Fino.
“Bakit po kaya siya nagkaganoon?” nag-aalalang tanong ni Cielo.
“Alam mo Arman, sobra ang bigat at taba ni Alex dati, sa kagustuhang maging karapat-dapat sa anak mo. Nagdiyeta at nag-ehersisyo nang husto,” sagot ni Mang Fino.
“Aba, kaya pala, kumpare!” gulat na sabi ng kaibigan.
“Huwag po kayong mag-alala, aalagaan ko siya,” wika ni Cielo.
Lalong nanabik ang dalaga nang puntahan nila ito sa pagamutan.
“Doc, kumusta na po ang anak ko?” tanong ni Mang Fino.
“Okey na po ang pasyente. Nasobrahan lang siya ng pagdidiyeta at ehersisyo kaya bumigay ang katawan niya. Kailangan lang niya ng pahinga,” tugon ng doktor.
“Papa, maayos na po ang pakiramdam ko. Sila na po ba ang mga bisitang hinihintay niyo?” tanong ni Alex.
“Oo, anak. Siya ang aking kaibigang si Arman at ang kaniyang anak na si Cielo.”
“Ikaw pala si Alex. Ako si Cielo. Ako na ang mag-aalaga sa iyo. Dapat lang ay kumain ka ng marami para bumalik ang lakas mo,” wika ng dalaga.
At iyon nga ang naging bonding moment nina Alex at Cielo, ang kumain habang nagpapagaling ang binata sa ospital. Napaparami na naman ang kain si Alex dahil matiyaga siyang ipinagluluto ng dalaga.
‘Di nagtagal ay nakalabas na siya sa ospital dahil sa pag-aalaga ni Cielo. Dahil kapwa may nararamdaman na sa isa’t isa ay naging magkasintahan sila at makalipas lang ang ilang buwan ay nagpakasal na rin sila. Tuwang-tuwa ang kanilang mga magulang dahil sila rin ang nagkatuluyan.
Sa ilang taon nilang pagsasama ay naging ganado ulit sa pagkain si Alex dahil sobrang sarap magluto ng kaniyang asawa, kaya ang resulta ay bumalik na naman ang katawan niya sa pagiging mataba, at dahil naimpluwensiyahan din niya si Cielo na maging maganang kumain na gaya niya, ngayon ay dalawa na silang lumba-lumba.
Pareho mang lumapad ang katawan nilang mag-asawa, hindi naman nawala ang pagmamahal nila sa isa’t isa na mas lalo pa ngang pinagtibay ng panahon.