Puno ng Hinanakit at Galit ang Binata sa Ina na Nang-Iwan sa Kanila ng Kaniyang Ama; Grabe Pala ang Sakripisyo Nito
Disi otso anyos na si Bojo pero kahit kailan ay hindi niya nagisnan at nakilala ang kaniyang ina. Tanging ama niya lamang ang kasama niya sa paglaki.
Kumportable ang buhay nilang mag-ama. Mataas ang posisyon nito sa kumpanyang pinagtatrabahuhan kaya sunud na sunod ang luho niya. Sobra rin ang pagiging malapit niya sa ama, lalo na kapag naririnig niya ang kuwento ng kaniyang lolo at lola.
“Alam mo ang papa mo, grabe ang pagpapalaki niyan sa iyo. Kahit mag-isa ay kinaya niya lalo na’t sakitin ka noon. Palagi siyang nasa tabi mo at kahit kailan ay hindi ka iniwan at pinabayaan. Inilaban ka niya kahit ang sabi ng doktor ay pwedeng manganib ang buhay mo,” wika ng lola niya.
“Oo nga apo, dapat kang magpasalamat sa papa mo. Ang laki ng hirap niya sa iyo,” wika naman ng lolo niya.
“Kaya nga po mahal na mahal ko ang papa ko, lolo, lola. Kahit na kaming dalawa lang ay kuntento na ako. Kahit wala akong mama ay okey lang basta nandyan si papa,” sagot niya.
Napabuntung-hininga naman ang papa niya nang marinig iyon.
“Anak, maraming salamat at mahal mo ako at alam mong mahal na mahal din kita, pero magpasalamat ka rin sa mama mo, huwag kang magsasalita ng ganyan sa kaniya,” sabi nito.
Natahimik ang binata, pati lolo’t lola niya ay biglang tikom ang bibig nang mabanggit ng papa niya ang mama niya. Hindi na siya nagsalita pa sa tinuran ng ama pero sa loob niya ay may hinanakit at galit siyang nararamdaman sa mama niya. Hindi lang nagsasalita ang papa niya pero natitiyak niya na iniwan ito ng magaling niyang ina kaya hindi nila ito kasama.
“Bakit ako magpapasalamat sa babaeng iyon? Ang kapal ng mukhang iwan kami ni papa,” nagngingitngit niyang bulong sa sarili.
Sa una ay wala siyang pakialam, pero habang tumatagal ay nakikita niya ang mga sakripisyo ng papa niya samantalang lalo namang nadaragdagan ang sama ng loob niya sa inang nang-iwan sa kanila. Hindi nga niya inalam ang tungkol dito sa sobrang galit niya, basta ang natatandaan lang niya ay ‘Lina’ ang palayaw nito, wala na siyang pakialam kung ano ang buo nitong pangalan.
Sinubukan niyang magtanong noon sa papa niya noong bata pa siya tungkol sa mama niya pero mailap ito sa pagbibigay ng impormasyon, palagi rin itong naluluha sa tuwing napag-uusapan ito, hanggang ngayong malaki na siya’y nasasaktan pa rin ang ama sa tuwing nababangit ang kaniyang ina.
Isang araw, galing siya sa eskwelahan ay naabutan niyang maagang umuwi ang papa niya sa bahay. Abala itong naghahanda ng mga pagkain sa mesa. Nakita rin niya na ito pa mismo ang nagluto ng mga iyon. Naku, ano bang okasyon at bigla na lang nagluto ng ganoong karaming putahe ang papa niya?
“Papa, bakit narito ka na? Kadalasan ay gabi ka na umuuwi dahil marami kang trabaho sa opisina, pero ngayon, alas singko pa lang ay naghahanda ka na ng dinner natin? Ano po bang mayroon?” tanong niya.
“Alam mo, anak, espesyal ang araw na ito dahil ngayon ang kaarawan ng mama mo. Naisip kong ipagluto siya at magkaroon tayo ng salo-salo dito sa bahay, kahit tayong dalawa lang. Hindi raw makakarating ang lolo’t lola mo dahil busy sila sa negosyo nila sa probinsya. Kahit hindi natin kasama ang mama mo’y gusto kong iselebra ang importanteng araw sa buhay niya,” tugon ng papa niya.
Kumunot ang noon ni Bojo sa sinabi ng ama. Nahihibang na ba ito? Iniwan na nga sila ng walang kwenta niyang ina ay nagawa pang ipaghanda ito ng papa niya dahil kaarawan nito? ‘Di ba, kalokohan na iyon?
“Papa, wala na siya sa buhay natin, bakit mo pa siya pinag-e-effort-an? Ni hindi nga siya nagpaka-asawa at ina tapos magpapakaabala ka pa sa kaniya? Tigilan mo iyan, papa!” sabi niya sa ama.
Seryoso siyang hinarap ng kaniyang ama, niyaya siya nitong umupo.
“Siguro ay panahon na para malaman mo ang katotohanan. Matagal akong nanahimik kasi hindi pa rin ako handang pag-usapan ang mama mo, pakiramdam ko ay tutulo na naman ang luha ko,” wika nito.
Saglit na pumunta ang papa niya sa kwarto at may kinuha sa isang estante. Pagbalik ay dala na nito ang isang lalagyang gawa sa marmol at lumang photo album. Sa unang tingin ay alam na niyang ang lalagyang iyon ay doon inilalagay ang abo ng isang yumao.
“Ano pong ibig sabihin niyan, papa? K-kaninong abo po ang nakalagay diyan?” gulat niyang tanong.
“Sa mama mo, anak,” sagot nito.
“Ha?!”
“Oo, anak, wala na ang mama mo. Nawala siya sa mismong araw ng kaarawan niya. Dalaga pa lang siya ay mahina na ang puso niya. Nang makilala ko siya at naging mag-asawa kami ay alam ko na ang kundisyon niya. Nang magdalantao siya sa iyo, sinabi ng doktor na maaaring manganib ang buhay niya o ang buhay mo. Isa lang ang pwedeng iligtas, isa lang ang puwedeng mabuhay sa inyong dalawa at…pinili ng mama mo na ikaw ang maligtas, anak. Isinakripisyo niya ang kaniyang sarili para mabuhay ka. Dahil para sa kaniya, ikaw ang pinakamagandang regalo na maibibigay niya sa sa akin,” wika ng papa niya na hindi na napigilang mapahagulgol.
Nang sumambulat sa mukha ni Bojo ang katotohanan ay sunud-sunod na ang pagluha niya. Niyakap niya ang ama at humingi ng tawad sa lahat ng mga sinabi niya tungkol sa mama niya. Binuklat ng papa niya ang photo album at ipinakita sa kaniya ang litrato ng mama niya habang ipinagbubuntis siya at hawak-hawak pa ang tiyan nito. Napakaganda ng mama niya, nagmana pala siya rito at hindi sa papa niya.
“Mama, sorry po! Happy birthday po at salamat po!” sambit niya saka hinagkan ang litrato ng mama niya.
Laking pagisisi niya dahil ang tao palang kinamumuhian niya mula nang magkamalay siya ay ang nagsakripisyo at pinagkakatutangan niya ng kaniyang buhay.
“Ngayon, siguradong masaya na ang mama mo dahil nalaman mo na ang totoo, anak,” wika ng papa niya saka niyakap siya nito nang mahigpit. “Alam kong narito siya, pinagmamasdan niya tayo, nakangiti at payapa na siya,” saad pa nito.
Lahat talaga ay gagawin at isasakripisyo ng isang ina para sa anak.