Inday TrendingInday Trending
Iniiwan ng mga Lalaki ang Babae Dahil sa Pagiging Pakawala Niya; Gagayahin Din Pala Siya ng Kaniyang Anak

Iniiwan ng mga Lalaki ang Babae Dahil sa Pagiging Pakawala Niya; Gagayahin Din Pala Siya ng Kaniyang Anak

Wala pang isang taon na nagsasama si Mariette at ang pangalawa niyang asawa ay iniwanan din siya ng lalaki at ipinagpalit sa iba. Hindi na kasi nito kinaya ang mga kalandian, kagag*han at kalokohan niya. Bigla tuloy bumalik sa alaala niya ang lahat.

Hiwalay ang mga magulang niya, sumama rin noon sa ibang babae ang tatay niya dahil hindi nito natagalan ang pagiging pakawala ng nanay niya. Nagtatrabaho ang nanay niya bilang babaeng bayaran sa isang pipitsuging bar sa probinsya. Dahil mahirap ang buhay ay hindi siya nakapag-aral kaya nagdesisyon siyang makipagsapalaran sa Maynila para doon hanapin ang kaniyang kapalaran.

Pumasok siyang serbidora sa isang maliit na karinderya pero masyadong maliit ang sahuran doon kaya naghanap ulit siya ng trabaho na malaki ang kita, kaya gaya ng nanay niya, ginamit niya ang taglay niyang ganda at namasukan bilang dancer sa isang bar. Doon niya nakilala si Richard, ang lalaking una niyang minahal. Mabait ang binata at tanggap nito ang nakaraan niya.

Naging magkasintahan sila, ang lalaki rin ang unang nagbigay sa kaniya ng karanasan. Kay Richard niya unang ibinigay ang kaniyang pagkababae. Sa una ay naging maganda ang kanilang relasyon ngunit tila sadyang pinatunayan niya na gaya ng kaniyang ina ay may itinatago siyang kakatihan sa katawan. Hindi siya ‘yung tipo ng babae na nakukuntento sa isang lalaki. Kahit na walang ibang ipinakita sa kaniya si Richard kundi kabutihan ay nagawa pa rin niya itong lokohin.

“Hindi pa ba sapat na pinakasalan kita? Na binigyan kita ng anak at inialis kita sa bar na dati mong pinapasukan? Tingnan mo nga, dalaga na si Cloe! Hindi ka na nahihiya sa kaniya?” tanong nito sa kaniya.

“Anong sabi mo? Ako, nahihiya? Tingnan mo nga ang sarili mo! Wala kang ibang ginawa kundi ang maglako ng balut sa kalsada sa gabi at sa umaga naman ay pagbebenta naman ng sorbetes ang inaatupag mo, wala ka nang oras sa akin! Anong gagawin ko? Siyempre may mga pangangailangan ako, buti na lang at game na game ang kaibigan mong si Jeric, eh ‘di siya ang nagpuno ng mga pagkukulang mo!” nagmamalaki pa na sabi niya sa mister.

Napaiyak si Richard sa tinuran niya.

“Ano bang kasalanan ko sa iyo, Mariette? Ginawa ko naman ang lahat, para sa iyo, para sa mga anak natin. Ano pa ba ang kulang?” humihikbing sabi ng lalaki.

Napatigil sandali si Mariette. “Puwede ba pabayaan mo na lang kasi ako! Ganito ako, eh, mana kasi ako sa nanay kong pokp*k, kaya ito ako pokp*k din. Masanay ka na sa akin. Huwag ka nang masasaktan sa mga ginagawa ko, at least ikaw naman ang nakauna sa akin at asawa mo na ako, ‘di ba?” matapang niyang sabi.

Hindi na sumagot pa ang lalaki. Sa halip ay nag-empake ito ng mga gamit at tangkang aalis.

“O, saan ka pupunta?” tanong niya saka hinawakan sa braso ang asawa.

“Hindi ko na kaya, Mariette. Hindi ko na kaya ang mga ginagawa mo,” lumuluha pa ring sabi ng mister.

Iniwan nga siya ng lalaki, pero kahit hindi na sila magkasama sa iisang bubong ay hindi nito pinabayaan ang kanilang anak. Hindi ito pumapalya sa pagbibigay ng sustento.

Makalipas ang ilang taon ay muling tumibok ang puso ni Mariette sa katauhan ni Gino na isang security guard. Nang maaprubahan ang annulment nila ni Richard ay agad silang nagpakasal ng lalaki. Sa una ay maayos din ang pagsasama nila, tanggap din nito ang anak niya sa unang asawa ngunit gaya ng ginawa niya noon kay Richard ay niloko rin niya ang lalaki. Nahuli siya nitong may katal*k sa bahay nila kaya nagwala ito. Sa una ay pinatawad siya nito, pero ilang beses pa iyong naulit kaya napuno na rin ito.

“Hay*p ka, Mariette! Tinanggap ko ang nakaraan mo, naging mabuti akong pangalawang ama sa iyong anak pero ito pa ang igaganti mo sa akin? Ang iputan ako sa ulo nang paulit-ulit?” gigil nitong sabi.

Muling nagmatigas si Mariette, iginiit pa rin na siya ang tama.

“Bakit ka ba nagrereklamo? Ayaw mo ba nun, tinutulungan pa kitang kumita. Malaki kaya ang ibinabayad sa akin sa pagpopokp*k ko kaya dapat ay magpasalamat ka pa sa’kin, hindi mo na kailangang ientrega sa akin ang kakarampot mong sahod sa paggu-guwardiya mo!” sagot niya. Totoo naman, bukod sa kakatihan niya ay nagbebenta na rin siya ng katawan dahil hindi sapat sa kanilang mag-ina ang kinikita ni Gino at sustento ni Richard.

Sa huli ay iniwanan din siya ng lalaki. Naghain din ito ng annulment sa kaniya.

Nang bumalik ang gunita niya sa kasalukuyan…

“Mariette! Hoy, Mariette! Nakatulala ka na naman diyan! Wala ka na bang ibang gagawin kundi ang maglasing?” sabi ng kaibigan niyang si Georgia nang makitang bote na naman ng alak ang hawak niya. Dati ring dancer ang babae sa pinagtrabahuhan niyang bar noon pero nagbagong buhay na at ngayon ay tindera na ng isda sa palengke.

“Puwede ba, ayusin mo na ang buhay mo, Mariette! Hindi pa huli ang lahat, kung gusto mo ay tutulungan kita. Pahihiramin kita ng puhunan para makapagtayo ka rin ng maliit na negosyo,” payo nito. “Tingnan mo nga ‘yung anak mong si Cloe, napapariwara na rin gaya mo. Hindi ka ba naaawa sa kaniya? Mula nang pumanaw si Richard at hindi na nakapagpadala ng sustento ay hindi na rin nakapagpatuloy sa pag-aaral ang anak mo, kaya ayun, nagpopokp*k na rin!” wika ng babae.

Ilang buwan lang ang nakalipas nang mabalitaan niya na sumakabilang buhay na ang dati niyang mister dahil sa kumplikasyon sa atay. Labis iyong ikinalungkot ng kaniyang anak kaya natuto itong magrebelde at pinasok na rin ang pagbebenta ng laman sa mura nitong edad.

“A-ano kamo?!” gulat niyang sabi.

Hindi niya alam na ganoon ang ginagawa ng unica hija niya. Ang alam niya’y nagbebenta lang ito ng mga pirated DVD sa Quiapo, ‘yun pala ay kumerengkeng at lumandi na rin ito gaya niya?

Agad niyang pinuntahan ang lugar kung saan tumatambay ang anak. Hindi siya papayag na maging patapon din ang buhay nito gaya niya.

“Kasalanan mo ito, eh! Ang ganda na ng buhay mo dati, naglandi ka pa, ang anak mo tuloy ang nagbabayad!” naluluha niyang sabi sa sarili.

Maya maya ay natanaw na niya ito.

“C-Cloe?”

Kitang-kita niya ang anak niyang disi-siyete anyos, pagka-iksi iksi ng shorts na suot, naka-make up at todo lipstick pa ang mukha nito. May hawak din itong sigarilyo habang kasama ang iba pang babae na alam na alam niya ang galawan. Nakatambay ang mga ito sa gilid ng bar sa makipot na eskinitang iyon.

Mabilis siyang lumapit at hinaltak ang braso ng anak.

“Ano ka ba, inay! Bitawan mo nga ako!” gulat nitong sabi.

“Uuwi na tayo,” matigas niyang sabi. Sa mga oras na iyon ay biglang nawala ang kalasingan niya.

“Inay, natatrabaho ako! Hindi mo ba nakikita?” anito.

“Trabaho? Trabaho ba ang tawag mo diyan? Kung magtatrabaho ka, ‘yung marangal naman at huwag mo na akong tularan! Tama na ‘yung ako na lang ang naging tanga, ako na lang ang marumi, ayokong pati ikaw ay masira ang buhay!” malakas niyang sabi.

“Bakit, inay? ‘Di ba ito rin ang sabi mo kay itay noon? Puwede ba pabayaan mo na lang kasi ako! Ganito ako, eh, mana kasi ako sa nanay kong pokp*k, kaya ito ako pokp*k din! Kung hindi ko ito gagawin, wala akong kakainin, eh wala ka na namang pakialam sa akin, ‘di ba? Wala kang ginawa kundi ang maglasing? Napabayaan mo na ako! Wala naman akong ibang alam na trabaho dahil hindi na nga ako nakapag-aral mula nang mawala si itay, ‘di ba?! Kaya ito ako, nagbebenta na lang ng aliw, ginagaya kita, ayaw mo nun, idol kita pagdating sa kalandian!” sagot nito sa kaniya.

Isang malakas na sampal ang iginawad niya sa anak. Bigla namang natauhan ang dalaga at parang nagsisi rin sa mga sinabi nito sa kaniya. Napahagulgol siya, niyakap niya nang mahigpit ang anak.

“Patawarin mo ako, anak. Pinagsisisihan ko na ang lahat, ako ang may kasalanan kung bakit tayo nagkaganito.”

Humagulgol na rin si Cloe at napayakap na rin sa kaniya.

“Sorry din po, inay!” humihikbing sabi nito.

Nangako silang dalawa sa isa’t isa na magbabago na sila. Tinanggap ni Mariette ang alok ng kaibigang si Georgia. Pinautang siya nito ng perang puhunan at nagtayo siya ng maliit na puwesto sa palengke.

Sa kasalukuyan ay nagbebenta siya ng gulay at prutas, tinutulungan siya ng anak niyang si Cloe sa pagtitinda. Dahil maganda ang kita nila ay nakabalik sa pag-aaral ang anak at malapit na ring makatapos sa kolehiyo. Dinalaw din nila ang puntod ni Richard, hinandugan ng bulaklak, ipinagtirik ng kandila at inalayan ng maikling dasal.

Wala nang mahihiling pa si Mariette. Labis ang pasasalamat niya sa Diyos dahil binigyan sila ng pagkakataong magbagong buhay. Ipinangako niya na hindi na niya sasayangin ang ikalawang pagkakataon na ipinagkaloob sa kanilang mag-ina.

Advertisement