Unti-Unti nang Tinatabangan ang OFW dahil sa Sulsol ng Kaibigan; Pag-Uwi Niya sa Pilipinas ay Ikagugulat Niya ang Makikita

Hindi na makayanan pa ng dalagang si Myrna na makitang naghihirap ang kaniyang buong pamilya. Natanggal kasi ang kaniyang ama sa pinagtatrabahuhan nito. Dahil sa may edad na’y hirap na rin itong makakuha ng panibagong trabaho.

Isa sa mga pinakamalaking gastusin ay ang pag-aaral ni Myrna sa kolehiyo. Kaya naman nagpasya siyang magsakripisyo na lang para makatulong. 

“Anak, huwag mo nang sayangin ang panahon. Dalawang taon na lang at makakapagtapos ka na rin ng kolehiyo. Huwag ka nang mag-alala sa amin ng tatay mo at igagapang namin ang pag-aaral n’yong magkakapatid. Ang balak nga nami’y patigilin muna ang mga kapatid mo nang sa gayon ay tuloy-tuloy ang pag-aaral mo,” saad ng inang si Sylvia.

“Bilang panganay, ‘nay, ako na lang po ang hihinto sa pag-aaral. Tutulungan ko na lang po kayo sa ngayon. Huwag na po kayong mag-alala sa akin. Nagtanong na rin naman po ako sa mga kaibigan kong nagtatrabaho sa ibang bansa. Naghahanap pa raw ng domestic helper sa pamilyang pinaglilingkuran niya. Ipapasok niya raw po ako,” wika naman ni Myrna.

Sinubukang pigilan ni Sylvia ang kaniyang anak ngunit desidido na ito sa pag-alis. Nagpapasalamat naman ang mag-asawa dahil sa pagiging mabuti ng kanilang anak.

Unang buwan pa lang ni Myrna sa ibang bansa bilang DH ay ipinadala na nito ang lahat ng sahod niya sa kaniyang pamilya.

“Paglaanan n’yo po ang pag-aaral ng mga kapatid ko, ‘nay. Kapag sila ang nakatapos ng pag-aaral ay ako naman po ang babalik sa kolehiyo para rin may tinapos ako at hindi po ako habangbuhay na mangamuhan dito,” wika ng dalaga.

“Maraming salamat, anak, a. Ikaw pa tuloy itong naobliga sa mga responsibilidad namin ng tatay mo. H’wag kang mag-alala at titipirin ko itong pinadala mo, nang sa gayon ay makaipon ka rin,” dagdag pa ng ina.

Advertisement

Balewala naman ito kay Myrna. Masaya na siyang makatulong sa kaniyang mga magulang. Sa loob ng ilang taon ay ibinibigay ng dalaga ang buong sahod niya sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Napansin naman ito ng ibang kasamahan niyang domestic helper rin.

“Ibang klase ka pala, Myrna! Buong sahod talaga ang binibigay mo sa mga magulang mo? Sarap ng buhay ng pamilya mo dahil may taga-kayod sila,” saad ng kaibigang si Daisy. 

“Matindi rin naman kasi ang isinakripisyo ng mga magulang ko para sa aming magkakapatid. Kaya ibinabalik ko lang sa kanila ang pagmamahal nila sa amin,” sagot naman ni Myrna.

“Alam mo, ibang klase talaga ang mga magulang. Gagawa sila ng anak. Bubuhayin, pag-aaralin, pagkatapos ay bibigyan ng responsibilidad. Iaatang sa balikat mo ang lahat dahil malaking utang na loob daw ang ginawa nilang iyon sa atin. Kahit na hindi naman natin ginustong mabuhay sa mundong ito. Responsibilidad nila ‘yun sa atin,” sambit muli ng kasamahan.

“Hindi naman sila nanunumbat sa akin. Sadyang nais ko lang talagang tumulong,” muling sagot ni Myrna.

“Ganyan-ganyan din ako noon, Myrna. Lahat ng ginagawa ko rito sa ibang bansa ay para kako sa pamilya ko. Kayod kalabaw kahit na pagod na pagod at walang pahinga. Lalaban para sa pamilya, para mabigyan sila ng magandang buhay. Pero ano ang naging kapalit? Winawaldas pala ng kuya ang lahat ng padala ko. Ang tatay ko nama’y nalulong sa sugal. Ang nanay ko, walang ginawa kung hindi humingi sa akin ng panggastos na para bang may patago sila. Kapag hindi mo napagbigyan ay galit pa! Magtatampo sila at manunumbat ng kung anu-ano. Kaya simula noon, bumibili na ako ng mga gamit na gusto ko. Nagtitira rin ako ng para sa sarili ko. Hindi mo rin kasi alam kung hanggang kailan tayo rito. Ngayon ay malakas pa tayo at kaya pang kumita. Paano na lang kung may mangyaring masama? Aalagaan ba nila tayo?” hinanakit ng kasamahan.

Napaisip nang bahagya si Myrna dahil sa mga sinabing ito ni Daisy. Lalo na kapag nakikita niyang may mga bagong biling gamit ang kaniyang mga kapatid. Hindi niya maiwasan na makaramdam ng inggit. Sa tingin niya’y masarap nga ang buhay ng kaniyang pamilya sa Pilipinas at lahat ng ito ay dahil sa kaniya.

Isang araw ay sumama siya kay Daisy sa isang mall. Maraming bagay ang nais din niyang bilhin ngunit pinaglalaanan niya ng budget ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.

Advertisement

“O, bakit mo binalik ang bag? Bagay na bagay ‘yan sa iyo!” tanong ni Daisy.

“Tumawag kasi sina nanay sa akin kahapon. Kailangan daw nila ng pera dahil may bayarin na naman. Uunahin ko na lang muna ‘yun. Hindi ko rin naman magagamit ang bag na ito,” malungkot na sagot naman ni Myrna.

“Minsan ka lang naman bumili para sa sarili mo. Hayaan mo na kasi silang gumawa ng paraan para sa sarili nila. Maglaan ka lang ng budget. Kung sosobra ang gastos nila’y problema na nila ‘yun! Ang problema din kasi sa iyo, hinahayaan mo silang umasa lang nang umasa sa iyo. Hindi ka ba naiinggit sa kanila na nagagawa nila ang gusto nila? Hindi sila napapagod gaya ng pagod natin dito sa ibang bansa!” sulsol pa ng kaibigan.

Gusto na sanang bilhin ni Myrna ang naturang bag ngunit mas nanaig pa rin ang pagtulong niya sa kaniyang pamilya.

Nang sumunod na gabi ay tumawag muli si Sylvia upang ipaalala sa anak ang pagpapadala ng pera.

Kahit na nakakaramdam na ng sama ng loob itong si Myrna’y magalang pa rin siyang sumagot sa kaniyang magulang.

Kinabukasan ay maaga siyang nagpadala.

Hanggang sa isang araw ay nakita niya ang kapatid na may post sa social media nito na nasa isang mamahaling cafe.

Advertisement

“Buti pa sila, kayang-kaya na mag-enjoy! Samantalang ako’y laging tinitipid ang sarili. Ni hindi man lang ako makabili ng bagong damit,” saad niya sa sarili.

Dahil sa mga sinasabi ni Daisy kay Myrna ay unti-unti nang nagkakaroon ng sama ng loob ang dalaga sa kaniyang pamilya. Hanggang sa isang araw ay nasawi ang kanilang amo at kailangan na nilang bumalik sa Pilipinas.

Hindi pa ito nasasabi ni Myrna sa kaniyang pamilya. Alam niyang madidismaya lang ang mga ito. Isa pa, wala rin siyang ipon.

Nagring bigla ang telepono ng dalaga. Napasimangot siya nang makita ang pangalan ng kaniyang ina.

“Ano na naman ho ba ‘yun, ‘nay? Manghihingi na naman po ba kayo? Wala na akong pera! Wala na akong trabaho! Wala na kayong mapapala sa akin!” bungad ng dalaga.

“Anak, hindi naman ‘yan ang tinawag ko sa iyo. Itatanong ko lang talaga kung kailan mo balak umuwi. Ngayong sinabi mong wala ka nang trabaho ay maaari ka nang umuwi rito sa Pilipinas. Huwag ka nang mag-alala sa amin,” saad pa ni Sylvia.

Mabigat man ang paa ni Myrna na umuwi ng Pilipinas ay wala na siyang nagawa pa. Wala na rin namang trabahong malilipatan.

Halos buong pamilya ay sumundo sa kaniyang sa paliparan. Halos lahat ay walang imik sa sasakyan. Alam kasi nilang masama pa rin ang loob ng kanilang breadwinner.

Advertisement

Pagbaba pa lang ng sasakyan ay parang may kakaiba nang napansin si Myrna.

“A-anong nangyari sa bahay natin? Nasaan na ang lumang bahay natin?” pagtataka ng dalaga nang makita niya ang isang magandang bahay na nakatayo sa kinatitirikan ng kanilang bahay.

“Iyan ang dahilan kung bakit pinapauwi ka na namin. Ayos na ang lahat, anak. Lahat ng padala mo ay nilaan na lang namin sa pagpapaganda nitong bahay. May tindahan na rin tayo. Nang malaman kasi ng mga kapatid mo ang sakripisyo mo para sa pamilyang ito’y gumawa rin sila ng paraan para makapag-aral sila. Ang tatay mo naman ay hindi rin tumigil sa paghahanap ng trabaho. Inipon ko rin sa bangko ang ibang pera mo, dahil ang gusto ko’y makabalik ka ng pag-aaral. Maraming salamat, anak. Ito na ang lahat ng pinaghirapan mo,” wika pa ni Sylvia.

Napaluha na lang si Myrna at napayakap sa kaniyang mga magulang.

“May mga pagkakataon na nag-isip ako ng hindi maganda sa inyo, pagpasensyahan n’yo na ako. Patawad talaga! Hindi ko akalain na ganito pala ang ginagawa ninyo para sa akin!” humahagulgol na wika ng dalaga.

Dahil sa naipong pera ay nakabalik na rin ng pag-aaral itong si Myrna. Kay sarap sa pakiramdam na nakikita niyang ang bawat miyembro ng pamilya ay ginagawa ang lahat para umulad ang kanilang buhay.

Ito ang nagbigay lalo ng inspirasyon kay Myrna upang magsumikap at kalauna’y magtagumpay sa buhay.