Inday TrendingInday Trending
Hindi Pinapanigan ng Biyenan ang Mahirap na Manugang; Ito ang Ginawa sa Kaniya ng Babae

Hindi Pinapanigan ng Biyenan ang Mahirap na Manugang; Ito ang Ginawa sa Kaniya ng Babae

“Teddy, kung sa ibang araw na lang kaya natin ituloy ang pagpapakilala mo sa akin sa mama mo? Kinakabahan talaga kasi ako. Natatakot ako na baka hindi niya ako magustuhan,” pag-aalala ng nobyang si Lina.

“Walang dahilan para ‘di ka magugustuhan ni mama. Sa katunayan nga ay hindi na ako makapaghintay pang ipakilala kita sa kaniya. Tamang-tama at naroon din ang mapapangasawa ng kuya ko. Tiyak akong lahat sila’y mabibighani sa iyo,” saad pa ni Teddy.

Alam ni Lina na suntok sa buwan ang sinasabi ng kaniyang kasintahan. Galing ito sa mayamang pamilya at hindi tatanggap ang ina nito ng isang babaeng anak lamang ng isang magsasaka. Tulad kasi sa mga pelikula, kilalang matapobre itong si Elena.

Pagpasok pa lang sa bahay ng nobyo ay mahigpit nang hinawakan ni Lina ang kamay nito.

“Huwag kang matakot at narito ako. Kahit anong mangyari ay ako ang bahala sa iyo,” wika ni Teddy.

Habang inililibot ni Lina ang kaniyang mga mata sa laki ng bahay ng kasintahan ay siya namang dating ni Elena kasama ang mapapangasawa ng panganay na anak.

“Teddy, hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na hindi na natin kailangan pa ng kasambahay dito? Bakit tumanggap ka na naman!” saad ni Elena sa anak.

“‘Ma, ano ba naman kayo. Siya si Lina, ang nobya ko. Siya ‘yung babaeng lagi kong kinukwento sa iyo. Huwag mo siyang pakikitaan ng masama dahil magtatampo talaga ako sa iyo. Alam mo kung gaano ko siya kamahal, ‘ma,” wika ni Teddy sa ina.

Hindi naman humingi ng paumanhin si Elena sa nasabi kay Lina, ngunit inanyayahan niya ito sa hapagkainan upang mananghalian.

“Siya nga pala, Lina, ano ang pinagkakaabalahan mo sa buhay? Isa ka rin bang mahusay na arkitekto katulad nitong anak ko? O ‘di kaya naman ay tagapagmana tulad nitong mamanuganging kong si Carla,” pananarkastiko ni Elena.

“Isang magsasaka po ang mga magulang ko. Sa katunayan po ay hindi na po ako nakapag-aral pa ng kolehiyo. Hindi na po kasi kaya ng mga magulang ko. Sa ngayon po ay pumapasok pong tindera sa palengke nang sa gayon ay makaipon at makabalik sa pag-aaral,” nahihiyang sagot naman ni Lina.

“Kaya ka siguro nagustuhan ng anak ko ay dahil matalino ka. Sa itsura mo’y marami ang nagkakagusto sa iyo. Pero itong si Teddy ko pa talaga ang iyong nagustuhan. Sino ba naman ang hindi kasi maaakit sa anak ko. Makisig na’y maganda pa ang trabaho. Talagang maiaahon ka sa hirap,” wika muli ni Elena.

“‘Ma, tama na po ‘yan. Dinala ko po si Lina dito sa atin upang makilala n’yo siya. Hindi porke’t galing siya sa mahirap na pamilya ay gan’yan n’yo na siyang itatrato!” saad naman ni Teddy.

“Pasensya ka na, anak. Hindi lang kasi ako makapaniwala sa laki ng pagkakaiba ninyo ng kuya mo. Tingnan mo itong si Carla, talagang maipagmamalaki mo!” saad muli ng ina.

“Tita, sumama ka na lang sa akin upang hindi na mag-init ang ulo mo. Pupunta ako ngayon sa mall para magshopping ng mga bagong bag! Tiyak akong marami kang magugustuhan doon!” sambit naman ni Carla.

“Sa tingin ko nga, Carla, para kasing nakakahina ang kakaibang hangin dito ngayon sa bahay. Hintayin mo ako at magbibihis lang ako,” wika naman nI Elena.

Napahiya si Lina sa inasal sa kaniya ng ina ng nobyo. Mabuti na lang at tumupad sa pangako itong si Teddy na hindi niya pababayaan ang kasintahan.

“Itutuloy mo pa ba ang pagpapakasal sa akin kahit na hindi ako gusto ng mama mo? Nais ko lang sabihin sa iyo na hindi kita sinagot dahil sa estado mo sa buhay, Teddy,” saad ni Lina.

“Alam ko naman ‘yun. Ramdam ko naman ang pagmamahal mo sa akin. Saka bakit mo iniisip na hindi na kita papakasalan? Buhay ko ito, ako ang magdedesisyon sa kung sino ang makakasama ko habang buhay,” saad naman ni Teddy.

Sa kabila ng pagtutol ni Elena ay nagawa pa ring magpakasal ni Teddy kay Lina. Galit na galit naman ang panganay na kapatid nito at ang mapapangasawa dahil kailangan nilang iurong ang kasal dahil masama raw ang sukob.

“Kahit kailan talaga ay sakit ng ulo ang dala mo sa pamilyang ito. Hindi mo ba alam kung gaanong kalaking kahihiyan ang iurong namin ang aming kasal nang dahil lang sa desisyon n’yong magpakasal agad?!” galit na sambit ni Carla kay Lina.

Sa paglipas ng panahon ay hindi naging maganda ang trato ni Elena at ng bago nitong manugang na si Carla kay Lina. Dahilan para magdesisyon si Teddy na bumukod na lang sila ng asawa.

“Sabagay, hindi naman talaga nababagay ang babaeng iyan dito. Isa pa, palagi lang niyang pasasakitin ang dibdib ni mama. Mabuti nga at umalis na siya,” wika ni Carla.

Mula noon ay tanggap na ni Lina na kahit kailan ay hindi na magiging maayos ang relasyon nila ng kaniyang biyenan. Lalo pa at laging nakapaligid itong si Carla kay Elena. Silang dalawa ang tunay na magkasangga.

Isang araw ay nagkasakit itong si Elena. Hiniling nito na madalas siyang dalawin ng kaniyang anak na si Teddy. Kahit na alam ni Lina na ayaw niyang makita ng biyenan ay pilit pa rin siyang sumama upang alagaan ito.

Isang gabi ay labis na masama ang pakiramdam ni Elena. Sa tindi ng mga gamot na kaniyang iniinom ay nahihilo siya at nagsusuka.

Dumating naman si Lina upang punasan ang ginang.

“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na ayaw kong makita ang pagmumukha mo rito?” sigaw ni Elena.

“Alam ko po, pero nais ko po kayong alagaan, ‘ma. Kahit na magalit kayo sa akin ay gagampanan ko pa rin po ang tungkulin ko sa inyo,” wika ni Lina sa biyenan.

“Aba at nagpapakitang gilas ka na naman! Lalo mo lang dadagdagan ang bigat ng nararamdaman ni Mama Elena, Lina. Kung ako sa iyo ay umalis ka na. Kaya na naming alagaan siya!” saad naman ni Carla.

Kahit na pinagtatabuyan itong si Lina ay hindi siya nagpatinag. Nais niyang patunayan kay Elena na tunay ang kaniyang pagmamalasakit.

Isang araw, sa sobrang pagkairita ni Elena kay Lina ay nais niyang kausapin si Carla upang gumawa ng paraan na mapalayas ito. Nang marinig niya ang pag-uusap nito at ng panganay na anak.

“Hindi ko talaga kaya ang pinapagawa mo sa akin, hon. Hindi ko kayang alagaan ang nanay mo. Ikukuha ko na lang siya ng taga-alaga pero hindi ko siya kayang alagaan! Isa pa, hindi ko naman siya nanay! Naiirita ako sa tuwing inuutusan niya ako. Ngayon pa lang na iniisip ko na darating ang araw na alagain na siya’y nandidiri ako. Bumukod na tayo!” wika ni Carla sa kaniyang asawa.

“Hindi ko p’wedeng iwan ang mama ko sa ganiyang sitwasyon. May sakit siya at kailangan niya kami ng kapatid ko rito!” wika naman ng ginoo.

“Uuwi na muna ako sa amin. Babalik na lang ako kapag maayos na ang mama mo! Hindi ko talaga kayang magtagal pa dito!” sambit pa ni Carla.

Dito na nag-isip si Elena. Buong akala niya ay maasahan niya itong si Carla ngunit kung sino pa ang lagi niyang pinagtatabuyan ay siya pa pala itong tunay na nagmamalasakit sa kaniya.

Bumalik na lang ng silid si Elena. Ilang sandali pa ay nariyan na si Lina upang asikasuhin siya. Habang inaasikaso siya nito’y hindi niya maiwasan ang maluha.

“May masakit po ba sa inyo, ‘ma? Ayos lang po ba kayo? Sandali lang po at tatawagin ko si Teddy,” saad ni Lina.

“Huwag na, Lina, ayos lang ako. Naluluha lang ako dahil sa pag-aasikaso mo sa akin. Kahit na noon pa man ay hindi na maganda ang trato ko sa iyo’y maganda pa rin ang pinapakita mo sa akin. Humihingi ako ng paumanhin sa lahat ng maling nagawa ko sa iyo. Sa huli’y ikaw pa pala ang kakalinga sa akin. Nagsisisi ako sa pangmamatang ginawa ko sa iyo,” wika pa ni Elena.

“Huwag na po kayong mag-alala, ‘ma, napatawad ko na po ang lahat ng iyon. Nauunawaan ko naman kayo. Ang nais n’yo lang ay ang makakabuti para sa inyong anak,” saad naman ni Lina.

Mula nang araw na iyon ay nagbago na ang pagtingin ni Elena sa kaniyang manugang. Unti-unti na ring nanumbalik ang kaniyang lakas at dating sigla.

Pagbalik ni Carla ay nagulat siya nang makitang lubos nang malapit sa isa’t isa si Elena at Lina.

“‘Ma, may mga pasalubong pala ako sa inyo. May dala rin akong bag at paborito n’yong bulaklak. Masaya ako na magaling na po kayo,” saad ni Carla.

“Huwag ka nang mag-abala, Carla, at hindi ko kailangan ang mga ‘yan. Nagluto na si Lina at masarap ang mga hinahain niya sa akin. Siya rin ang dahilan kung bakit naging mabilis ang paggaling ko. Sa’yo na ‘yang mga bag mo, Carla, at baka mas kailangan mo ‘yan,” saad ni Elena.

“A-akala ko ba ay walang puwang ang hampas lupang ‘yan sa pamilyang ito? Ano po ang nangyari sa inyo? Hindi ba’t kinamumuhian mo siya?” pagtataka ng manugang.

“Paano ko kamumuhian ang isang taong nanatili sa aking tabi sa panahon na kailangan ko siya? Nagsisisi nga ako at kung hindi pa ako nagkasakit ay hindi ko pa makikilala ng lubusan itong si Lina. Ngayon ay alan ko na kung bakit minamahal siya ng aking anak,” saad pa ng ginang.

“Tara na, Lina, at ipakita mo na sa akin ang mga bago mong tanim sa hardin. Maya-maya ay uuwi na rin si Teddy at sabay-sabay na tayong kumain,” dagdag pa nito.

Inis na inis na pinagmasdan ni Carla sina Elena at Lina habang masayang nagkukwentuhan patungo sa hardin.

Sa kabilang banda nama’y labis ang galak sa puso ni Lina dahil sa wakas ay maganda na ang naging samahan nila ng kaniyang biyenan — isang pangarap na matagal na niyang inaasam.

Advertisement