Napukaw ang Atensyon ng Bakasyunista sa Babaeng Nakaupo sa Plaza; Siya pa ang Magiging Susi sa Matagal na Nitong Hinahangad
Masayang sinalubong ng ginang na si Maricel ang pamangkin niyang taga-Maynila na si Paula. Napili kasing magbakasyon ng dalaga sa probinsya kaysa sumama sa ina sa ibang bansa.
“Kakaiba ka talagang bata ka. ‘Yung ibang mga ka-edad mo’y magkukumahog na sumama kapag nalaman nilang pupunta ng ibang bansa ang magulang nila. Samantalang ikaw ay mas pinili mong manatili rito sa probinsya,” saad ng ginang.
“Ilang beses na rin naman po kasi akong nakapunta ng Hong Kong, tita. Saka trabaho lang din naman ang pinunta ni mama doon. Hindi rin masaya kasi palagi lang akong nasa hotel. Dito na lang ako nang makaranas naman ng sariwang hangin. Kailangan ko na rin ng ganitong bakasyon kasi masyadong abala sa Maynila,” wika pa ni Paula.
“Isang semestre na lang pala at magtatapos ka na sa pag-aaral, ano? Hindi magtatagal at may nurse na naman sa pamilya. Pagbutihan mo, Paula! Siya nga pala, pumanhik na tayo sa itaas nang makapagpahinga ka na. Pinagluto kita ng paborito mong sinigang na bayabas,” saad ni Maricel.
Buo ang loob ni Paula na hindi niya panghihinayangan ang bakasyon na ito. Lalo pa at kahit saan siya tumingin ay maganda ang tanawin.
Nang hapon ding iyon ay inaya ni Maricel ang pamangkin upang pumunta ng bayan.
“Ihahatid ko lang itong paninda ko sa isang suki ko roon. Kung maiinip ka ay p’wede po naman akong hintayin sa plaza. May malaking simbahan din doon, baka gusto mong tingnan,” saad ng tiyahin.
Hindi naman tumanggi si Paula sa paanyaya ng kaniyang Tita Maricel. Nais talaga niyang pumunta ng bayan upang makakita pa ng ibang tanawin. Tamang-tama ito dahil dala niya ang kaniyang kamera.
“Sayang naman at sarado ang simbahan. Kaya pala walang ganong tao dito sa plaza,” saad ni Paula na handa na sanang kumuha ng larawan.
“Gusto mo bang sumama sa akin sa loob ng palengke o dito na lang kita babalikan?” tanong naman ni Maricel.
“Siguro ay dito n’yo na lang po ako balikan, tiya. Kukuha na lang po ako ng mga larawan muna,” tugon pa ni Paula.
Sa tuwing naghahatid ng paninda itong si Maricel ay laging sumasama si Paula upang kumuha ng mga larawan.
Hanggang sa mapukaw ang atensyon ng dalaga ng isang babaeng nakaupo sa may plaza.
“Tiya, lagi kong nakikita ang babaeng iyon na narito sa plaza tuwing ganitong oras. Napapansin ko rin na para siyang balisa at parang may hinihintay,” wika ni Paula.
“Naku, huwag kang lalapit sa babaeng iyan. Ang usap-usapan kasi dito ay may sira daw ang ulo niyan. Marami nang nagtangkang lumapit d’yan at magtanong kung ano ang ginagawa niya sa lugar na ‘yan pero lahat sila’y hindi nagtagumpay. Ang sabi’y handang manakit ang babaeng iyan kapag naistorbo siya. Kaya ikaw, hija, huwag na huwag kang lalapit sa kaniya kung ayaw mong masakal ka!” pahayag naman ni Maricel.
Ngunit imbes na takot ay awa at pagkabahala ang umaandar sa damdamin ni Paula tungo sa babaeng ito.
Araw-araw sa tuwing nasa plaza si Paula ay humahanap siya ng tiyempo upang makausap ang babae. Hanggang sa isang araw na unti-unti niya itong tinabihan. Kakausapin na sana niya ito ngunit nagulat siya nang ito mismo ang unang nagsalita.
“Sa tingin mo rin ay nasisiraan ako ng bait, ‘di ba? Magtatanong ka rin sa akin kung bakit ako narito tuwing ganitong oras? Pagkatapos kong sabihin sa iyo ang totoo ay tatayo ka sa kinauupuan mo at ipagsasabi ang mga sagot ko. Saka n’yo ako pagtatawanan,” saad ng babae.
“N-naku, hindi po! Hindi ko po ‘yan gagawin sa inyo! P-pero ang totoo po ay nais ko talagang malaman kung bakit nga ba kayo narito. Sa totoo lang ay hindi po ako taga-rito. Pero tuwing hapon ay sinasamahan ko ang aking tiya na ihatid ang paninda niya. Madalas po akong kumuha ng larawan dito,” paliwanag naman ng dalaga.
“Alam ko. Madalas nga kitang nakikita na nakatingin sa akin. Alam ko ring kumuha ka na ng larawan ko ng walang pahintulot ko. Pero ayos lang naman. Ayaw ko namang sirain ang magandang karanasan mo rito sa aming lugar,” wika pa ng ale.
“Pasensya na po kayo. Buburahin ko na lang po ang mga larawan kung ayaw ninyo,” wika pa ni Paula.
“Hindi na kailangan. Ayos lang sa akin,” tugon ng ale.
Binasag ni Paula ang sandaling katahimikan.
“Ale, maaari ko bang malaman kung bakit kayo narito? Ano po ba ang binabalik-balikan n’yo rito sa ganitong oras,” tanong muli ng dalaga.
“Nagbabakasakali lang ako, hija. Nagbabakasakali ako na isang araw ay siputin rin ako ng hinihintay ko. Matagal na panahon na rin nang mag-usap kami ng nobyo kong si Rodolfo na magkita sa lugar na ito. Ang sabi niya’y itatanan daw niya ako. Ngunit hindi na siya sumipot pa. Tatlong dekada na rin ang nakalilipas. Maaari mo akong tawaging may sayad pero naniniwala ako na isang araw ay magku-krus muli ang aming landas,” sambit ng babae.
“Bakit hindi n’yo na lang siya hanapin? Kaysa maghintay kayo dito ay puntahan n’yo na lang siya upang malaman n’yo ang kasagutan,” wika muli ni Paula.
“Sa tingin mo ba ay hindi ko ginawa ang bagay na ‘yan? Hindi ko na alam kung saan siya hahanapin. Pero malakas talaga ang kutob ko na isang araw ay magtatagpo rin ang aming landas. Hanggang sa araw na iyon ay magtitiyaga akong maghintay rito sa kaniyang pagdating.”
Naaawa si Paula sa sinapit ng ale. Ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang sinasabi nito. Pagkakita kasi sa kaniya ng kaniyang Tiya Maricel ay agad siya nitong tinawag at pinalayo sa babae.
“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na huwag na huwag kang makikipag-usap o tatabi man lang sa babaeng iyon?! Mabuti na lang at wala siyang ginawang masama sa iyo! Ano ba ang sinasabi niya?” nag-aalalang wika ni Maricel.
“Wala naman, tiya. Kakausapin ko pa lang sana siya nang bigla kayong dumating,” pagsisinungaling ng dalaga.
Mula nang araw na iyon ay hindi na nawala sa isipan ni Paula ang sinabi sa kaniya ng ale. Nais sana niyang gumawa ng paraan ngunit hindi rin niya alam kung paano magsisimula na hanapin ang lalaking minamahal nito. O baka nga totoo ang sinasabi ng marami na nasisiraan na ito ng ulo.
Isang hapon, muling nagbalik si Paula sa plaza at doon nga ay nakita na naman niya ang naturang ale na nakaupo at may matiyagang naghihintay. Ayaw sana niyang makita siya nito ulit kaya naman sinubukan niyang umikot at dumaan sa kabilang gate. Sa kaniyang pagmamadali ay nakabangga niya ang isang lalaki.
“Pasensya na po, ginoo! Hindi ko po sinasadya!” wika ni Paula.
“Walang anuman, hija, at hindi naman ako nasaktan,” sagot ng ginoo.
Napansin ni Paula na tila tinitignan ng ginoo mula sa malayo ang naturang babae.
“Kung hindi po ako nagkakamali, ginoo, nakita ko rin kayo dito noong isang araw. Ang ale po bang nakaupo na iyon ang inyong tinitingnan?” wika ng dalaga.
“N-naku, hindi! Bakit ko naman titignan ang babaeng iyon. Hindi ko naman siya kilala!” depensa ng ginoo.
“Sana po ay magsabi kayo ng totoo, ginoo, Rodolfo po ba ang pangalan ninyo?” tanong muli ni Paula.
Panandaliang hindi nakasagot ang lalaki.
“H-hindi. Hindi Rodolfo ang pangalan ko. Wala rin akong kilalang Rodolfo,” sagot nito.
“Pasensya na po. Akala ko kasi’y kayo si Rodolfo. Ilang dekada na rin po kasing hinihintay ng ale na iyon ang kaniyang minamahal. Hindi ko lang masabi sa kaniya na baka hindi talaga siya mahal ng kaniyang kasintahan dahil hindi man lang ito nagpakita upang magpaliwanag. Hangad kong isang araw ay makita na niya ang kaniyang hinihintay o makuha na niya ang hinahangad niyang pagtatapos sa kanilang kwentong pag-ibig,” saad ng dalaga sabay alis na sana.
“Alam kong naging duwag ako, hija. Hindi ko man lang siya naipaglaban sa mga magulang ko noon. Sumunod lang ako sa kanila nang ipakasal nila ako sa anak ng kanilang kaibigan. Pero ano ang gagawin ko ngayong pamilyado na akong tao? Kahit na magpakita ako sa kaniya’y hindi na rin namin p’wedeng ipagpatuloy ang aming pag-iibigan. Araw-araw man siyang naghihintay, araw-araw ding akong sumisipot rito ngunit hindi nagpapakita sa kaniya,” nakayukong wika ng ginoo.
“Sa tingin ko po’y karapat-dapat naman ang aleng iyon para sa paliwanag ninyo. Kung hindi man magiging kayo bandang huli mas mainam po sanang palayain n’yo na siya mula sa alaala ng kahapon,” wika pa ng dalaga. Tuluyan nang tumalikod si Paula upang puntahan ang kaniyang Tiya Maricel.
Nagulat si Maricel nang makita ang pamangkin sa loob ng palengke. Ipinakilala niya ito sa ilang suki niya roon. Ilang sandali pa ay pauwi na rin sila.
Habang naglalakad pauwi ay napatanaw si Paula sa may plaza. Napangiti siya nang makita ang ale at ang ginoo na nag-uusap. Napayakap pa si Rodolfo sa dating kasintahan. Tinuro naman niya ito sa kaniyang tiyahin.
“Totoo nga ang sinasabi ng babaeng iyon? May hinihintay pala siya talaga. Mabuti naman at dumating na ang lalaking iyon. Matatapos na rin ang paghihintay niya,” wika ni Maricel.
Kinabukasan ay bumalik sa plaza si Paula upang kumuha muli ng larawan. Ito na ang huling araw niya sa probinsya at kinabukasan ay uuwi na siya ng Maynila.
Pagdating niya sa plaza ay nakita niyang bakante na ang inuupuan ng ale. Batid niyang nagwakas na rin ang paghihintay nito.
Habang abala siya sa pagkuha ng larawan ay may tumapik sa kaniyang likuran. Nagulat siya nang makita ang babae.
“Nagkausap na kami ni Rodolfo. Masaya ako na sa loob ng mahabang taon ay natuldukan na rin ang paghihintay ko. Mahal ko siya kaya nagdesisyon kaming palayain na rin ang isa’t isa. Hindi ako nanghihinayang sa mga taong ginugol ko sa paghihintay, dahil higit pa roon ang kayang gawin ng tunay na nagmamahal. Maraming salamat nga pala sa iyo. Binanggit sa akin ni Rodolfo ang ginawa mo. Kahit kailan ay hindi kita malilimutan. Ako nga pala si Celia. Hanggang sa muli,” saad pa ng ale.
Kakaibang kaligayahan ang naramdaman ni Paula ng mga sandaling iyon. Hindi niya akalain na ang simpleng bakasyon niyang iyon ay magiging makabuluhan.
Sa pagbalik niya ng Maynila ay marami siyang aral at karanasan na babaunin at ibabalik tanaw.