Inday TrendingInday Trending
Kitang-Kita ng Matandang Ito ang Tangkang Pagnanakaw ng Isang Binata; Maiiyak Ito sa Hakbang na Kaniyang Gagawin

Kitang-Kita ng Matandang Ito ang Tangkang Pagnanakaw ng Isang Binata; Maiiyak Ito sa Hakbang na Kaniyang Gagawin

Kasalukuyang nanananghalian noon si Mang Alonzo, doon mismo sa bangketa kung saan siya nagtitinda ng mga gulay at prutas. Katulad ng dati ay wala na naman siyang kasabay, dahil nag-iisa na siya sa buhay buhat nang mawala sa mundo ang kaniyang mga magulang. Nag-iisang anak lang kasi si Mang Alonzo, at dahil sa hirap ng kaniyang buhay ay hindi na siya naghangad na mag-asawa pa. Sarili pa nga lamang niya ay hirap na siyang buhayin, ano pa kaya kung magkakaroon pa siya ng mga bibig na pakakainin?

Nasa ganoon siyang akto nang biglang mahagip ng kaniyang paningin ang isang binata. Naroon ito sa tabi ng panaderyang katapat ng kaniyang pwesto. Hawak nito ang sariling sikmura, habang nayuyukong tinititigan nang masama ang mga paninda ng aleng may-ari ng naturang panaderya. May mga tinapay kasi itong naka-display sa ibabaw ng salaming lalagyan nito ng mga tinapay.

Naiiling si Mang Alonzo. Base pa lang sa tingin ng nasabing binata ay alam na niyang may masama itong balak na gawin. Mukhang sa sobrang pagkalam ng sikmura nito ay napipilitan na lamang itong mag-isip na pagnakawan ang panaderya. Para bang sa alaala ni Mang Alonzo ay nanumbalik siya sa kaniyang kabataan. Halos ganitong-ganito rin siya noong bago pa lang siyang nauulila ng kaniyang mga magulang. Wala kasi siyang alam sa buhay noon dahil bulakbol siya kaya’y ’di ’tapos ng pag-aaral. Hindi naman niya akalaing dahil sa pagkasunog ng kanilang tahanan ay mawawalan din siya ng mahal sa buhay.

Doon na natutong dumiskarte si Mang Alonzo. Wala naman kasi siyang ibang aasahan kundi ang kaniyang sarili. Iniwasan niya noong gumawa ng masama kaya naman kahit papaano, ngayon ay maganda pa rin ang buhay niya, bagama’t siya ay nag-iisa.

“Bata, kung ako sa ’yo, ititigil ko na ’yang nasa isip ko,” ani Mang Alonzo, kasabay ng marahan niyang pagtapik sa balikat ng binatang nakasilip ngayon sa nasabing panaderya.

Napaigtad naman ito. Agad na naglumikot ang mga mata ng binata, dahil nabuko na ni Mang Alonzo ang balak niya bago pa man niya ito magawa. Tatakbo pa nga sana siya, kung hindi lang mabilis na nahila ng matanda ang kaniyang patpating braso…

“Pasensiya na po, manong! Gutom na gutom lamang po talaga ako. Wala pa naman po akong nakukuha! Pakiusap po, huwag n’yo akong saktan!” pakiusap pa ng binata kay Mang Alonzo na noon ay napangisi naman habang may kung anong hinuhugot mula sa kaniyang tagiliran.

Nakasukbit kasi doon ang plastic na pinaglalagyan niya ng kaniyang baunan. Hindi inubos ni Mang Alonzo ang kaniyang pananghalian upang hatian na lamang ang binatang halata niyang nagugutom nga lamang talaga. Pagkatapos ay bumili siya ng tinapay sa panaderya. Iyong bagong luto, at habang mainit-init pa’y kanila iyong pinagsaluhan.

“Maraming salamat po, manong! Sorry po talaga at muntik na akong makagawa ng masama dahil sa gutom!” namumualam na sabi sa kaniya ng binata.

Sinagot iyon ni Mang Alonzo sa pamamagitan ng pagtapik niya sa ulo nito. “Walang anuman ’yon, hijo. Ulila ka na rin ba at nag-iisa ka rito sa daan?”

“Hindi po. Ang totoo po ay naglayas ako sa amin dahil hindi nasunod ng magulang ko ang layaw ko. Pero ngayon po ay pinagsisisihan ko na ’yon, ngunit hindi ako makauwi dahil wala na akong pera. Nadukutan ako kagabi at wala akong pamasahe pabalik sa Maynila,” saad pa ng binatilyo.

Napailing naman si Mang Alonzo. Pagkaraka’y walang pagdadalawang isip siyang dumukot ng isang libo sa kaniyang belt bag. “Ipon ko ’yan. Ipangdaragdag ko sana sa puhunan ko, pero mukhang mas kailangan mo ito. Siguradong hinahanap ka na ng mga magulang mo kaya umuwi ka na,” sabi niya pa na muli ay ipinagpasalamat naman ng binata.

Bago sila maghiwalay nang araw na ’yon ay ipinangako ng binata sa kaniya, na napag-alaman niyang nagngangalang Paul, na babalikan siya nito. Hindi naman siya nito binigo, dahil nagbalik nga si Paul makalipas ang tatlong araw, kasama ang mga magulang nito, dala ang isang surpresa!

Dinagdagan kasi ng mga magulang ni Paul ang puhunan ni Mang Alonzo! Anak-mayaman pala ito kaya’t laki sa layaw. Malaki ang pasasalamat ng mga magulang nito kay Mang Alonzo dahil maraming natutuhan sa kaniya ang binata. Buhat nang araw na ’yon ay hindi na muling naging mag-isa sa buhay si Mang Alonzo dahil itinuring siyang ikalawang ama ni Paul.

Advertisement