Mahilig Humingi ng kung Anu-ano ang Dalaga sa Kaniyang Manliligaw; Karma pala ang Aabutin Niya sa Kaniyang Pagiging Laki sa Layaw

“Iphone?!” bulalas ni Mark matapos marinig kung anong klaseng cellphone naman ngayon ang nais ipabili sa kaniya ng nililigawang si Natasha. “Natasha naman! Alam mo ba kung gaano kamahal ’yon?!” napapakamot sa ulong tanong niya pa rito na mabilis namang ikinahalukipkip nito.

“E, sa gusto ko ’yon, e!” maktol naman ni Natasha. “Sobrang outdated na nitong cellphone na ibinigay mo sa akin dati kaya gusto ko naman ngayon ’yong latest!” katuwiran pa nito at animo batang nagpapadyak sa harap ng binata.

Hindi naiwasang mapangiwi ni Mark sa asal ng babaeng nililigawan. Sa totoo lang ay asar na asar na siya rito. Buhat nang ligawan niya ito ay wala na itong ginawa kundi ang humingi na lamang nang humingi sa kaniya ng kung anu-ano kahit pa alam naman nitong mahirap lang siya! Pagkatapos, kapag naibigay na niya sa dalaga ang gusto nito ay para na lang siyang basurang dinidispatsa nito at inietsapwera, na saka lamang muli nito maalala kapag may kailangan itong ipabili o kapag may gusto itong hingiin sa kaniya.

Mahal na mahal ni Mark si Natasha kaya naman halos dalawang taon din siyang nagtiis sa ganoong gawain ng dalaga, ngunit nitong huli ay parang nakadarama na siya ng pananawa. Paano kasi ay nakita niya ito sa isang mamahaling kainan, habang may kasama itong ibang lalaking mukhang kaeskuwela nito. Sa totoo lang ay nagpupuyos ngayon sa galit si Mark, ngunit pinipigilan niya ’yon dahil iba ang balak niyang gawin. Nais niyang bigyan ng leksyon ang dalaga na alam niyang hindi nito malilimutan.

“Sige. Bukas na bukas din ay ibibigay ko sa ’yo ang gusto mo,” kunwari’y pagpayag pa ni Mark, bago nito inisang hithit ang natitirang sigarilyong hawak nito.

Nakipag-ugnayan siya sa kaniyang mga kabarkada nang araw na ’yon. Upang makapasok siya sa eskuwelahang pinapasukan ni Natasha ay kinailangan nilang maghanap ng unipormeng katulad ng ginagamit nito, pati na rin ng wig na kapareho ng buhok ng dalaga. Pagkatapos ay walang pakundangan siyang nakialam sa isa sa mga locker sa loob ng eskuwelahan na sinigurado niyang may lamang cellphone katulad ng hinihiling ni Natasha!

“Wow!” Halos magningning ang mga mata ng dalaga nang iabot ni Mark sa kaniya ang isang bagong-bagong selpon na siyang hinihiling niya. Wala sa loob na napayakap pa siya sa binata at binigyan ito ng matamis na halik kahit pa napipilitan lamang siya.

Ang totoo ay hindi naman gusto ni Natasha si Mark. Ginagamit lamang niya ito dahil bukod sa ito lang ang nanliligaw sa kaniya ay kayang-kaya niya itong pasunurin sa lahat ng gusto niya. Ibinibigay din nito ang lahat ng layaw niya, tulad ng ginagawa ng kaniyang mga magulang noong hindi pa naghihirap ang mga ito. Ngayon kasi ay wala na silang pera dahil nalugi na ang dati nilang negosyo.

Advertisement

Ipinagyabang pa ni Natasha ang kaniyang bagong cellphone sa mga kaeskuwela. Manghang-mangha naman ang mga ito lalo pa at bihira lang sa mga estudyanteng katulad nila ang magkaroon ng ganoon dahil sa mahal ng presyo nito. Pakiramdam tuloy ni Natasha ay sikat na siya dahil doon. Ngunit mabilis na napalis ang kaniyang kaligayahan, nang ipatawag siya ng kanilang principal sa opisina nito.

“Aha! Tama nga ang nakita namin sa CCTV, Natasha! Ikaw nga ang kumuha ng cellphone ng isa sa mga kaeskuwela mo!” galit na anas ng kanilang principal na ikinagulat naman ni Natasha.

Agad siyang tumanggi sa inaakusa nito sa kaniya, ngunit ipinakita sa kaniya ng mga ito ang kuha ng CCTV na nagpapatunay na siya nga ang nagbukas ng isa sa mga locker at kumuha ng naturang cellphone!

Hindi alam ni Natasha kung papaano ipaliliwanag na hindi siya ang mag kagagawan nito kundi ang kaniyang manliligaw na si Mark, ngunit paano siya paniniwalaan ng mga ito gayong walang sinuman sa kaniyang mga kaibigan ang nakakakilala sa binata? Bukod pa roon ay malinaw na malinaw ang kuha ng CCTV, kaya naman wala na siyang nagawa pa kundi ang ibalik ang naturang cellphone at sabihin sa mga magulang niya ang nangyari.

Napatalsik sa nasabing eskuwelahan si Natasha. Dahil doon ay inilipat na lamang siya ng ina sa isang pampublikong paaralan at pinagbawalan na siyang gumamit ng gadget. Isang malaking leksyon ang natutuhan ni Natasha sa nangyari. Alam niyang kasalanan niya kung bakit nagawa ’yon ni Mark sa kaniya. Ngayon ay nagsisisi siya dahil hindi na maaalis sa kaniyang pagkatao ang kahihiyang idinulot ng ibinigay sa kaniya nitong karma!