Inday TrendingInday Trending
Pinagbawalan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak na Lumapit sa Ibang Bata; Marurumi raw Kasi ang mga Ito at Nakakadiri

Pinagbawalan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak na Lumapit sa Ibang Bata; Marurumi raw Kasi ang mga Ito at Nakakadiri

“Naku, huwag ka r’yan, anak! Dirty d’yan!” animo nandidiring anas ni Melody sa apat na taong gulang niyang anak na si Melody, nang makita niyang akmang hahawakan nito ang kamay ng kalaro nitong bata. Mabilis siyang tumakbo sa kinaroroonan nito at agad na inilayo ang anak sa kalaro nito.

Masama tuloy ang tingin sa kaniya ng nanay ng batang sinabihan niyang ‘dirty’ o marumi, habang naglalakad siya palayo, karga ang anak niya upang iuwi na lamang ito sa kanilang bahay.

“Napakaantipatika talaga ng babaeng ’yan! Masiyadong maselan! Hindi niya ba alam na minsan ay masama rin ang sobrang linis sa katawan? Sinabihan pang marumi ang anak ko!” galit na sabi pa ng ina ng bata sa isa pang nanay na naroon din sa palaruang iyon sa parke ng kanilang village.

“Sus! Ganiyan talaga ’yan. Akala mo kung sino kapag nagsalita. Lagi niyang pinagbabawalang makipaglaro ang anak niya sa ibang bata, kasi baka mahawa raw ito ng karumihan,” iiling-iling pang sagot ng ikalawang nanay.

Narinig iyong lahat ni Melody dahil hindi pa naman siya tuluyang nakalalayo sa kanila. Ganoon pa man ay wala siyang pakialam. Para sa kaniya ay hindi dapat niya kausapin ang mga ito dahil baka mamaya ay marumihan pa silang mag-ina.

Totoong maselan si Melody. Wala naman siyang sakit o kondisyong nagiging dahilan kung bakit siya ganoon. Ang totoo ay laki nga siya sa hirap at sanay siya sa lahat ng dumi noong siya ay bata pa, ngunit nagbago ’yon nang makapag-asawa siya ng mayaman. Bigla siyang naging matapobre. Bigla siyang naging maarte. Ngayon, pati ang anak niya ay ganoon din niya pinalalaki, kaya naman madalas ay laman sila ng tsismisan sa kanilang lugar.

Lingid sa kaalaman ni Melody, dahil sa ginagawa niyang iyon kaya mahina ang resistensiya ng kaniyang anak. Hindi kasi ito nae-expose sa mga bacteria kaya wala ring kakayahan ang katawan nitong kontrahin ’yon. Masiyado siyang malinis at umaabot na iyon sa puntong, pinipigilan niyang ma-develop o mabuo ang resistensiya ng anak niya sa mga ganoon.

Isang araw ay pumutok ang balitang may kumakalat daw na epidemiya sa kanilang lugar. Dahil doon ay halos ikulong na ni Melody ang anak na si Monica. Hindi niya ito pinalalabas man lang kahit hanggang sa kanilang bakuran. Maging siya ay naging bihirang lumabas ng bahay. Tanging ang kanilang kasambahay lamang ang inuutusan niyang lumabas sa tuwing kinakailangan…ngunit laking pagtataka ni Melody nang kahit anong gawin niya ay tinamaan pa rin sila ng nasabing sakit.

Silang dalawa ng kaniyang anak ay nagkaroon ng trangkaso. May tumutubo ring maliliit na butlig sa kanilang buong katawan na talaga namang hindi nagpapatulog sa kanila sa gabi dahil sa sobrang kati. Dahil doon ay kinailangan nilang lumabas ng bahay upang magpunta sa ospital, at doon ay nabunyag sa kanilang mga kapitbahay ang nangyari.

“Yuck! Ang arte-arte n’yan, ’tapos siya pa pala ang unang tatamaan ng sakit! Susmariyosep, anak! Pumasok ka rito’t isara mo ’yang gate. Baka mahawa ka pa sa sakit ng mag-inang ’yan!” galit na sabi ng isa sa mga kapitbahay ni Melody na noon ay nagawa niya ring insultuhin.

Matapos ang araw na ’yon, tila biglang nabaliktad ang sitwasyon. Kung noon ay si Melody at ang anak niya ang madalas lumayo sa mga tao, ngayon ay sila na ang pinandidirihan. Sila na ang nilalayuan. Kahit noong gumaling na sila ay animo sila isang malaking bacteria kung tingnan ng kanilang mga kapitbahay na agad nagsisipasok sa kanilang mga bahay sa tuwing dadaan ang mag-ina! Nagsasara pa ng pintuan ang mga ito.

Nakaiinsulto pala ’yon. Hindi mapigilan ni Melody na maawa sa sarili at ganoon din sa kaniyang anak dahil sa nararanasan nilang diskriminasyon sa ibang tao, na dati ay siya namang gumagawa at nagpaparanas sa kanila! Napakatindi pala ng balik ng karma kapag ito ay gumanti, kaya ngayon ay labis na ang pagsisisi ni Melody sa kaniyang naging pag-uugali.

Lumipas ang ilang taong ganoon ang trato sa kaniya ng mga kapitbahay, hanggang sa unti-unti ay bumalik sa normal ang lahat at nakalimutan na ng mga tao ang nangyari. Nang makakita ng pagkakataon si Melody ay nanghingi siya ng tawad sa mga taong nasaktan niya noon dahil sa kaniyang pagiging sobrang selan na humahantong na sa pang-iinsulto niya sa ibang tao, Mabuti na lang at pinatawad siya ng mga ito, at naging maayos din ang lahat sa wakas.

Advertisement