Sa Pamamagitan ng “Kape” ay Itinaguyod ng Lalaking Ito ang Kaniyang may Sakit na Magulang; Paano nga ba Iyon Nangyari?
“Aling Maria, pabili po ng kape. ’Yong nasa stick lang ho, ’yong tigtatatlong piso,” tawag ni Mateo sa tindera ng sari-sari store na malapit sa kanilang tahanan, si Aling Maria.
“Ito na, hijo. Ito na naman ba ang iuulam ninyo ng nanay mo?” naaawang tanong naman nito sa kaniya na bagama’t nahihiya ay tinanguan niya.
“Ako lang po. Gulay po ang kay nanay.” Napakamot pa si Mateo sa kaniyang ulo. “E, naubos ho kasi ’yong sahod ko sa pang-maintenance ni nanay. Hindi po kasi maaaring malaktawan ’yon, sabi ng doktor, kaya tiis-tiis na muna ho ako sa kape,” nakangiti pang dagdag niya.
Nakita ni Mateo ang awa sa mukha ni Aling Maria. Bigla itong tumalikod. Hinabol naman niya ito nang tawag dahil hindi pa niya naiaabot ang bayad niya.
“Aling Maria, ’yong bayad ko po…”
Ngunit sa muling pagharap ni Aling Maria ay iniabot nito sa kaniya ang isang lata ng sardinas. “Huwag mo nang bayaran. Iyo na ’yan. Heto ang sardinas. Iulam mo, ha? Kailangan mong kumain nang maayos para makapagtrabaho ka rin nang maigi. Natutuwa ako sa kasipagan mo para maitaguyod ang nanay mo, hijo. Biruin mong pinagsasabay mo ang pag-aaral, pagtatrabaho at pag-aalaga sa nanay mo? Napakasipag mong bata.”
Nahihiya man ay hindi na tinanggihan pa ni Mateo ang bigay ni Aling Maria. “Salamat po, Aling Maria. Hayaan n’yo, kapag yumaman po ako ay babayaran ko ang kabutihan n’yo sa akin,” biro niya pa upang itago ang awang nararamdaman niya para sa sitwasyon nilang mag-ina.
Masarap ang naging kain ni Mateo nang gabing ’yon. Ilang araw na rin siyang nag-uulam ng kape, dahil nagpapaubaya siya sa kaniyang ina. Kailangan kasing masustansya ang kakainin nito kaya naman nagtitiis na lamang siya.
Itinimpla ni Mateo ang kapeng ibinigay sa kaniya ni Aling Maria. Kailangan niya iyon, dahil balak niyang tapusin ngayong gabi ang portrait na ipinagagawa sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kostumer. Isa sa mga sideline kasi ni Mateo ang gumuhit ng mga larawan sa tuwing may magpapagawa nito sa kaniya.
Ngunit ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang makitang napakaliit na ng kaniyang lapis. Hindi na niya iyon magagamit pa at wala naman siyang pambili ng bago. Sayang, dahil dalawang libo pa naman ang presyo noon kung sakali. Nanlulumo tuloy siyang napasalampak sa sahig, dahilan, kaya natabig niya ang iniinom na kape at tumapon iyon. Nabasa tuloy ang papel na dapat ay guguhitan niya!
Nasapo ni Mateo ang kaniyang ulo. Mangiyak-ngiyak niyang tinitigan ang papel na ngayon at mantsado na ng kape…ngunit isang ideya ang biglang pumasok sa kaniyang isip.
Tumayo siya at hinalungkat ang kaniyang mga gamit sa pagguhit. Mayroon siyang isang paint brush doon at sinubukan niyang isawsaw ’yon sa kapeng tumapon upang subukan kung maaari ba ’yong magamit sa pagguhit! Hindi naman siya nagkamali. Gumana ang kaniyang naisip at nabuo niya ang portrait na ipinagagawa sa kaniya! Ang ’di niya lang alam ay kung magugustuhan ’yon ng nagpapagawa.
“Bakit amoy kape itong gawa mo?” tanong ng kostumer ni Mateo nang i-deliver niya rito ang natapos nang portrait. Ipinaliwanag niya naman agad ang totoong dahilan kung bakit.
“Pasensiya na po kayo, sir. Kailangang-kailangan ko ho kasi talaga ng pera kaya ginawan ko na lang ng paraan. Kahit kalahati lang po ang ibayad n’yo sa akin ay okay na,” pakikiusap naman ni Mateo.
“Kalahati? E, sa ganda nitong gawa mo, gusto ko ngang bayaran ito nang doble pa sa presyong napag-usapan natin! Hindi ko akalaing maaari palang ipangguhit ang kape at napakaganda pa ng resulta nito! Bukod doon ay gusto ko rin ang aromang nanggagaling mula rito!” natutuwang sabi naman ng kostumer kay Mateo na agad niyang ikinagulat!
“T-talaga po?”
Hindi siya makapaniwala. Bigla siyang inabutan nito ng limang libong piso pagkatapos ay masaya siya nitong iniwan. Doon na nagsimulang makaisip ng mas magandang ideya si Mateo. Tumanggap siya ng mga kostumer na gustong magpagawa ng portrait na ‘kape’ ang ginamit sa pagguhit. Naisipan niya ring i-video ang proseso ng paggawa nito at i-post bilang content sa kaniyang vlog na kalaunan ay kumikita na rin sa dami ng nanunuod no’n!
Sa isang iglap ay naging matagumpay na ‘artist’ si Mateo na kilala rin sa bansag na “The Coffee Artist.” Kahit siya ay hindi makapaniwalang dahil lamang sa kapeng noon ay ginagawa lamang nilang pantawid gutom ay aangat ang buhay niya. Naipagamot din niya ang kaniyang inang sa wakas ay bumubuti na ang kalagayan. Naibalik niya rin ang kabutihan sa kaniya ni Aling Maria, at ngayon ay nakapagsisimula na siya ng negosyo bilang dagdag pangkabuhayan nila! Salamat sa tiyaga at sipag ng binatang ngayon ay nagbibigay inspirasyon na sa iba!