Kahit na Matapang ang Alaga Niyang Aso, Ginagala Niya Ito sa Parke Upang Mapawi ang Kalungkutan Niya; Pati Bulsa Niya Pala’y Iiyak Dito
Tuwing sasapit ang alas kwatro ng hapon, agad nang maghahanda ang ginang na si Tanya upang maigala sa parke ang nag-iisa niyang kasama sa buhay, ang kaniyang aso.
Marami ang tutol sa ginagawa niyang ito dahil matapang at talagang nandadamba ang aso niyang ito ngunit kahit pa ganoon, ni minsan ay hindi niya naisip na ipagpaliban ang pagpasyal niya rito sa parke dahil sa kalungkutang nararamdaman niya sa sariling bahay.
Noon kasi, mga anak niya ang pinapasyal niya sa parke kapag sasapit na ang oras na ito. Naghahanda siya noon ng samu’t saring meryenda na pagsasaluhan nila ng kaniyang mga anak doon pagkatapos maglaro ng mga ito. Pawis man at marumi ang mga anak niya noon tuwing lalapit sa kaniya, tandang-tanda niya kung paano niya yakapin ang mga ito at isa-isang muling ayusan.
Ngunit ngayong may kaniya-kaniya nang buhay ang mga ito, ang asong dating tagabantay lang ng bahay nila ang siyang ginagala niya upang balikan ang masasayang araw na iyon.
Dahil nga noon ay nakatali lang ang asong ito, hindi ito sanay sa maraming tao dahilan upang palagi itong manahol o mag-amok sa tuwing may nakakasalubong silang tao.
“Igagala mo na naman ‘yang aso mo, Tanya? Talian mo kaya ‘yan para hindi makakagat?” payo ng isa niyang kapitbahay na agad niyang ikinainis.
“Matapang lang ‘to pero hindi ‘to nangangagat, ‘no! Saka, dog food ang kinakain nito kaya kung makakagat man ito, hindi ganoon kalala! Baka nga mas marumi pa ang laway mo rito, eh!” tugon niya kahit hindi siya sigurado sa impormasyong sinabi saka niya agad na hinabol ang asong nananahol ng mga batang naglalaro sa kalsada.
Habang sila’y naglalakad mag-amo sa daan, kahit sinong tao o aso ang kanilang makasalubong, tatahulan ito nang tatahulan ng kaniyang alaga. May isang ginang pa nga ang nagulat at biglang napaupo sa kalsada nang biglang tumahol ang aso niyang ito. Ngunit imbes na maalarma, tumawa lang siya nang malakas saka itinayo ang ginang at humingi ng tawad.
Ganoon man ang kayang gawin ng kaniyang aso, patuloy niya pa rin itong ginagala hanggang sa isang araw, may isang ginoo na lang ang lumapit sa kaniya.
“Sa inyo po ba ang asong iyon? Nakagat na niya ‘yong batang naglalaro roon sa palaruan. Baka naman pupwede niyong tulungan ‘yong bata,” sabi ng isang ginoo sa kaniya saka tinuro ang isang batang naiyak sa tabi ng palaruan habang ang aso niya ay panay ang tahol dito.
“Anong sinasabi mo riyan? Hindi nangangagat ang aso ko!” giit niya saka kinuha ang aso niyang panay pa rin ang tahol.
“Kitang-kita ko kung paano kagatin ng aso mo ‘yong bata! Responsibilidad niyo po ‘yong bata dahil aso niyo ang nakakagat!” pangungumbinsi nito sa kaniya.
“Hoy! Huwag ka ngang sinungaling, ha! Huwag mong pinagbibintangan ang alaga ko! Baka ‘yang sugat ng batang iyan ay nakuha niya sa paglalaro!” sabi niya nang makita ang sugat sa binti ng bata.
“Kitang-kita ko nga na kinagat siya!” giit din ng ginoo.
“Naku, bahala kayo riyan! Hindi ko ipapagamot ‘yan dahil wala kang proweba na alaga ko ang nakakagat d’yan!” sigaw niya pa rito saka siya nagmadaling umalis kasama ang alaga upang makatakas sa responsibilidad.
Kaya lang, bago pa man sila makalayo sa parke, hinarang na sila ng mga tanod at siya’y masinsinang kinausap upang maipagamot ang batang kalyeng iyon.
Todo tanggi man siyang aso niya ang nakakagat doon, wala na siyang magawa nang pakitaan siya ng bidyo ng CCTV na nagpapatunay na totoo nga ang sinumbong ng naturang ginoo.
Kahit pa labag sa kalooban niya ang maglabas ng malaking halaga ng pera upang ipagamot ang batang hindi niya naman kilala, ginawa niya pa rin ito upang huwag kuhanin ang aso niya.
Ang natatangi niyang ipon na halos kinsemil ay napunta lang sa pagpapagamot sa bata at sa mga gamot na kailangang inumin nito na talaga nga namang kaniyang pinanghinayangan.
Ito ang dahilan upang simula noon, hindi na niya iginala pa ang aso niyang ito nang walang tali. Minsan niya na lang din itong ipasyal dahil siya’y natatakot nang malagasan muli ng pera.
Nakakaramdam man siya ng lungkot tuwing sasapit ang alas kwatro ng hapon, gumagawa na lang siya ng paraan upang mapawi ito katulad ng pagtawag sa kaniyang mga anak o pagtingin sa litrato ng mga ito upang makaiwas lang sa ganoong klaseng insidente.
Sa ganitong paraan, nagagawa na niyang makumusta ang kaniyang mga anak, nasigurado niya pang hindi makakaperwisyo ng iba ang kaniyang alagang aso.