Agad na Uminit ang Ulo Niya sa Baguhang Empleyado; Nakonsensya Siya nang Malaman ang Pinagdadaanan Nito
Nang malaman pa lang ni Cris na isang baguhang empleyado ang makakasama niya sa isang dokumentaryong kailangan niyang gawin, agad na siyang napakamot ng ulo.
“Huwag niyong asahang maganda ang kakalabasan ng dokumentaryong gagawin ko, ha? Isang baguhan ang gagawin niyong kanang kamay ko, pupwede namang isang batikan na rin para tiyak na bebenta sa madla ang dokumentaryo natin!” sabi niya sa mga kapwa niya batikang producer ng mga dokumentaryo, isang umaga habang sila’y nagkakape pagkatapos ng kanilang pagpupulong.
“Naku, Cris, imposibleng hindi ka makabuo ng isang magandang dokumentaryo! Ang galing-galing mo kaya! Kaya nga ‘yang baguhan na ‘yan ang binigay ko sa’yo, eh, para matuto rin siya ng mga teknik mo!” sagot ng pinakamataas sa kanila na ikinailing niya na lamang. “Matututo nga siya sa akin, magiging sakit naman siya sa ulo ko!” inis niyang tugon dito.
“Huwag ka namang gan’yan! Dumaan ka rin naman sa pagiging baguhan, eh. Saka marami ka pa namang magiging katuwang sa dokumentaryong iyan, masyado kang namomroblema agad, eh,” sagot naman nito kaya wala siyang nagawa kung hindi tumahimik na lang at tanggapin ang baguhang inilaan na maging katuwang niya.
Kinabukasan, kahit tamad na tamad siyang magpunta sa kanilang opisina dahil ngayon na ang araw ng umpisa ng paggawa niya ng dokumentaryo, maaga pa rin siyang nagtungo roon upang ayusin ang mga kamera, mikropono at kahit ano pang gamit ang kanilang gagamitin.
Nang maihanda na niya ang lahat, agad na rin siyang nagtungo sa lugar na paggagawaan nila ng dokumentaryo kasama ang kaniyang buong grupo.
Pagdating palang sa lugar na iyon, agad nang nag-init ang ulo niya nang makitang papetiks-petiks lang ang ginagawa ng baguhang dapat ay umaalalay sa kaniya.
“Ano, hindi ka ba kikilos d’yan? Hindi mo ba nakikitang kanina pa ako nagseset-up ng mga gamit dito?” sigaw niya rito na ikinataranta nito.
“Naku, sir, pasensya na po, tumawag lang po saglit ang nanay ko,” sagot nito sabay tabi ng selpon.
“Hindi ba alam ng nanay mo na nasa trabaho ka, ha? Baguhan ka palang gan’yan na agad ang ugali mo?” inis niya pang tanong dito.
“Pasensya na po, sir, hindi na po mauulit,” nakatungong sabi pa nito.
“Isang pagkakamali pa, ipapatapon na kita sa kabilang grupo! Ayusin mo ‘tong kamera!” bulyaw niya pa rito dahilan para agad itong matarantang tumulong sa iba nilang katrabaho.
Matapos nilang maiset-up ang kanilang mga dalang kagamitan, agad na niyang sinimulan ang paggawa ng dokumentaryo. Kaya lang, habang siya’y nagbibidyo, siya’y labis na nainis nang biglang tumunog ang selpon ng baguhang ito.
“Nananadya ka ba talaga?” inis niyang tanong dito.
“Hindi po, sir. Pasensya na po, marami lang pong tumatawag sa akin ngayon,” nakatungong wika nito.
“Artista ka ba? Akin na nga ‘yan!” bulyaw niya pa rito saka agad na kinuha ang hawak nitong selpon at ito’y binato niya sa malayo.
“Sir, huwag naman pong gan’yan. Gusto niyo po bang mag-yosi break muna tayo? Halika, ililibre ko po kayo ng sigarilyo roon sa tindahan!” sabi ng isa niyang katrabaho saka siya agad na hinila palayo dahilan para bahagyang maalis ang pagkainis niya.
Pagbalik nila, siya’y labis na nagtaka nang makitang napakaraming pagkain ang nakalatag sa isang mahabang lamesa. May isang ginang din ang masayang nag-aayos katuwang ng bagong empleyado habang nag-aagawan sa pagkain ang iba niyang katrabaho.
“Anong meron dito?” siga niyang tanong.
“Kaarawan po ng anak ko, sir! Pasensya na kayo kung hindi ako nakapagpaalam na dadaan ako rito, ha? Gustong-gusto ko po kasing surpresahin ang anak kong ngayon lang nakahanap ng trabaho sa loob ng limang taon. Nagkasakit po kasi ito sa isip, eh, mabuti na lang ayos na siya ngayon! Kaya sobrang saya ko na tinanggap niyo siya sa grupo niyo!” tuwang-tuwa sabi ng ginang na nagbigay sa kaniya ng labis na pangongonsenya dahilan upang tingnan niya ang binatang halatang takot na takot sa kaniya.
Doon niya napag-isip-isip na mali ang ginawa niyang pangmamaliit sa binatang ito na mayroon palang mapait na nakaraan. Ito ang dahilan para kaniya itong lapitan at agad na yakapin.
“Pasensya ka na sa inasal ko, ha? Maligayang kaarawan! Pangako, hahasain kitang maigi!” bulong niya rito na labis nitong ikinatuwa.
Simula noon, naging mabait siya sa binatang iyon. Matiyaga niya itong tinuruan hanggang sa matapos ang kanilang dokumentaryong talagang bumenta sa madla at nagbigay ingay sa social media na nagbigay ng magandang kita hindi lang sa kanilang kumpanya kung hindi pati na rin sa kanilang dalawa na naging utak ng naturang dokumentaryo.