Buong Akala ng Binata’y Nahanap na Niya ang Tunay na Pag-Ibig; Isang Pangyayari ang Magpapatanto sa Kaniya ng Lahat
“Ramil, saan ka na naman nanggaling? Kanina pa kita hinihintay at kailangan ko nang bumalik sa palayan. Bantayan mo muna saglit itong si Anna at hindi ko siya maisasama ngayon,” saad ni Luisa sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Ate, naman! Umuwi lang ako rito para magpalit ng damit. Pumayag na ‘yung nililigawan ko na magkita kami mamaya sa plaza. Ibalato mo naman sa akin ito,” pakiusap ng binata.
“Kapag hindi ako nakabalik sa palayan ngayon ay wala tayong kakainin bukas. Wala rin akong ipapabaon sa iyo. Pakiusap naman, Ramil, sandali lang naman ito,” sambit pa ng ginang.
Tanging sina Ramil, Luisa at anak nitong si Anna ang magkakasama sa bahay. Nasa sinapupunan pa lang ang bata ay umalis na ang ama nito. Ang mga magulang naman ng magkapatid ay yumao na rin. Kaya naman si Luisa na ang gumagawa ng lahat ng responsibilidad upang sila ay mabuhay.
Hirap siya dahil hindi naman sapat ang kaniyang kinikita sa pagiging magsasaka. Bukod kasi sa may binubuhay siyang anak ay pinag-aaral pa niya si Ramil.
Samantala, ito namang si Ramil, komo binata ay gusto rin maranasan ang ginagawa ng iba na nasa edad niya. Madalas ay hindi niya nauunawaan ang sakripisyo ng kaniyang Ate Luisa.
Kaya naman sa oras na ito ay inis na inis siya dahil kailangan niyang bantayan ang pamangkin at hindi siya makakasipot sa tagpuan nila ng nililigawan.
“Minsan na nga lang magkaroon ng pagkakataon para mai-date ko ‘yung gusto ko, hindi pa pinayagan dahil kailangang magbantay ng pamangkin! Kapag nakatapos talaga ako ng pag-aaral ay mag-aasawa na ako at hihiwalay na ako d’yan sa nanay mo!” asar na wika ni Ramil.
Pakiramdam ni Ramil ay hindi siya makapagdedesisyon nang malaya hanggang nasa poder siya ng kaniyang kapatid. Kaya ganoon na lang ang pagsisikap niya na makatapos ng pag-aaral nang sa gayon ay makabukod na siya.
Lumipas ang panahon at nakapagtapos na nga ng pag-aaral itong si Ramil. Hindi pa man siya nakaka pagtrabaho ay may nakarating na kay Luisa na hindi magandang balita.
“Ano itong naririnig kong namanhikan ka na raw doon sa pamilya ni Tessa? Ni hindi mo pa nga naihaharap sa akin ang babaeng iyan, Ramil! Marami akong hindi magagandang balita na naririnig tungkol sa kaniya!” wika ni Luisa.
“Bakit kailangan ko pang ipakilala sa iyo, ate? Ako naman ang pakikisamahan niya at hindi ikaw. Sa akin naman siya magpapakasal,” pabalang na sagot naman ng binata.
“Hindi madali ang bumuo ng pamilya, Ramil. Kaka-graduate mo pa lang ng kolehiyo. Maghanap ka na muna ng trabaho at ibahin mo man lang ang landas ng buhay mo,” muling wika ng nakakatandang kapatid.
“Ano ba ang gusto mo, ate? Bayaran kita sa lahat ng ginastos mo sa akin? Pinagtapos mo lang ba ako ng pag-aaral nang sa gayon ay ako naman ang maghirap para itaguyod itong pamilyang ito? Bakit hindi mo na lang ako hayaang magpakasal kay Tessa? Wala akong pakialam sa mga naririnig mo tungkol sa kaniya. Lahat ng iyon ay nakalipas na at tanggap ko kung ano o sino siya. Ang mahalaga ay nagmamahalan kami! Ayaw mo lang akong magpakasal dahil gusto mong ako na ang maging breadwinner ng pamilyang ito!” sambit muli ni Ramil.
Sumama ang loob ni Luisa sa kaniyang mga narinig.
“Iyan ba talaga ang paniniwala mo? Para sabihin ko sa iyo, Ramil, pinag-aral kita hindi para tulungan ako. Pinagtapos kita ng pag-aaral para hindi mo maranasan ang hirap na naranasan ko at ng anak ko. Pero kung sa tingin mo ay kaya mo na at tingin mong nakita mo na ang babaeng tunay na nakatakda para sa iyo’y gawin mo na ang gusto mo,” tanging nasabi ni Luisa.
Ipinagpatuloy ni Ramil ang kaniyang planong pagpapakasal kay Tessa kahit na tutol ang kaniyang Ate Luisa.
Agad na umalis sa bahay ang binata at nakisama na kaniyang magiging kabiyak. Sa araw mismo ng kasal ay hindi man lang imbitado si Luisa at ang anak nito. Matagal ring hindi nagkausap ang magkapatid. Nakikibalita na lang siya sa lagay ni Ramil at ng asawa nito. Masaya siyang malaman na nakahanap na ito ng trabaho at maganda naman ang takbo ng buhay.
Isang araw ay tinangkang dalawin ni Luisa ang kaniyang kapatid upang kumustahin. Ngunit imbes na paunlakan siya nito’y pinagtabuyan pa siya.
“Tama lang ang ginawa mo, Ramil, ngayong maganda na ang buhay mo’y saka ka lang lalapitan ng ate mo. Ano pa nga ba ang gusto niya? E, ‘di ang manghingi sa iyo ng pera!” sulsol ni Tessa.
Mula noon ay hindi na muling pinapasok ni Ramil ang kaniyang Ate Luisa sa kanilang buhay.
Hanggang sa isang araw, sobrang sakit ng tiyan ni Ramil at hindi na siya makakilos pa.
“Uminom ka na muna ng mainit na tubig para kumalma ang tiyan mo. Baka may nakain ka lang na hindi akma sa iyong sikmura,” saad ng asawa.
Ngunit hindi talaga tumigil ang pagkirot ng kaniyang tiyan hanggang sa kinailangan na siyang dalhin sa ospital.
“Ganito na ba kalala ang sakit ng tiyan mo para magpadala ka pa dito sa ospital? Alam mo namang malaking gastusin ito!” sambit ni Tessa.
“Pasensya ka na, mahal, hindi ko lang talaga kaya pa ang sakit. Nararamdaman ko na ito noon pa pero binabalewala ko lang. Ngayon talaga’y hindi ko na kaya pang balewalain,” hirap na saad ni Ramil.
Nang masuri ng mga doktor si Ramil ay nagulat silang malaman na may k*nser ito.
“Kailangan nang magsimula ng gamutan kung hindi ay baka tuluyan nang kumalat ang sakit sa kaniyang katawan. Pero tatapatin ko na po kayo, hindi ito madaling proseso at hindi rin biro ang halaga na kailangan sa pagpapagamot,” saad ng doktor.
Sa puntong iyon pa lang ay tila nagbago na si Tessa. Hindi nararamdaman ni Ramil na may kasama siya sa kaniyang laban sa matinding karamdaman.
Hindi pa man nagsisimula ang gamutan kay Ramil ay may ipinagtapat sa kaniya ang asawa.
“Iiwan na kita, Ramil, hindi ko kayang mabuhay na mag-aalaga lang ako ng may sakit na asawa. Hindi ito ang pangarap ko! Isa pa, matagal na kaming may relasyon ni Ramil. Kahit hindi naman ito nangyari sa iyo’y iiwan pa rin kita,” walang awang sambit ng misis.
Halos pinagsakluban ng langit at lupa itong si Ramil. Ngayon pa siya iniwan ng kaniyang asawa gayong may matindi siyang pinagdadaanan. Sa puntong iyon ay ayaw na niyang mabuhay.
Nang mabalitaan naman ito ni Luisa ay agad niyang pinuntahan ang kapatid.
“Iuuwi na kita sa bahay, Ramil, at ako na ang mag-aalaga sa ito. Magpakatatag ka at labanan mo ang karamdamang ito. Hindi pa huli ang lahat. Habang may buhay, may pag-asa. Gagaling ka! Sa tulong ng Diyos, gagawin ko ang lahat para gumaling ka!” wika ni Luisa.
Napaiyak na lang si Ramil sa labis na pagsisisi. Kahit na hindi maganda ang naging trato niya sa nakatatandang kapatid ay ito pa rin pala ang tutulong sa kaniya bandang huli.
Ginawa nga ni Luisa ang lahat upang ipagamot ang kapatid. Nariyang lumapit na siya kung kani-kanino upang manghingi ng tulong. Nagkanda baon-baon na rin siya sa utang sa kaniyang amo, masigurado lang na may pampagamot si Ramil.
Hindi naging madali ang lahat ngunit napagtagumpayan ng dalawa ang hamon na ito sa kanilang buhay. Sa wakas ay gumaling na rin si Ramil.
“Maraming salamat at hindi mo ako iniwan, ate. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa iyo. Kung p’wede ko lang ibalik ang panahon ay gagawin ko. Labis talaga akong nagsisisi. Hanap ako nang hanap ng tunay na pag-ibig. Hindi ko alam na na buong buhay ko ay malapit lang ito sa akin– walang iba kung hindi ikaw, ate. Kayo ni Anna na aking pamilya ang tunay na nagmamahal sa akin,” naluluhang wika ni Ramil.
Mula noon ay naging maayos na ang relasyon ng magkapatid. Hindi naglaon, nakahanap na ng trabaho itong si Ramil at pinatigil na rin niya sa pagsasaka ang kaniyang ate nang sa gayon ay mapagtuunan na nito ng buong atensyon ang anak.
Sa pangalawang buhay na ibinigay kay Ramil, nangako siyang gagamitin ito upang siya naman ang makatulong sa kaniyang nakatatandang kapatid na tunay na nagmamahal sa kaniya.