Inday TrendingInday Trending
Nilait at Nais Ipadakip ng Ginang ang Pulubing Lalaking Nanghihingi ng Barya; Hindi Niya Akalaing Malaki ang Maitutulong Nito sa Kaniya

Nilait at Nais Ipadakip ng Ginang ang Pulubing Lalaking Nanghihingi ng Barya; Hindi Niya Akalaing Malaki ang Maitutulong Nito sa Kaniya

“Diana, nasaan ka na? Kanina pa kami rito sa supermarket! Bilisan mo at baka maubusan tayo ng mga naka-sale!” sambit ng kaibigan sa kabilang linya ng telepono.

“Oo na! Paalis na ako! Hinihintay ko lang ang biyenan kong makauwi para maiwan ko si Chuchay! Alam mo na’t mahirap mamili kapag may kasama kang bata!” tugon naman ni Diana.

“O, basta, bilisan mo na at magsisimula na kaming mamili. Hindi ako nagbibiro at marami talagang tao ngayon! Ayaw kong maubusan!” dagdag pa ng kaibigan.

Naghintay pa ng bahagya itong si Diana sa pag-uwi ng kaniyang biyenan pero wala pa rin ito. Ilang beses na niya itong tinawagan ngunit hindi ito sumasagot. Kaya wala siyang ibang nagawa kung hindi bitbitin na lang ang anak na si Chuchay. Iniupo niya ito sa bandang likod ng sasakyan, kinuha niya ang ilang gamit at saka nagmaneho paalis.

Muli ay tumawag ang kaibigan nito.

“Konting paghihintay na lang dahil nagmamaneho na ako. I-text mo na lang kung saang banda ko kayo pupuntahan. Ikuha mo na lang din ako ng mga naka-sale na items para hindi rin ako maubusan!” pakiusap pa ni Diana.

Halos iharurot ng ginang ang sasakyan upang makapunta agad siya sa naturang supermarket. Pagdating niya ay nakita niyang maraming sasakyan sa parking at pahirapan makahanap ng paradahan.

May isang gusgusing may edad ng lalaki ang kumatok sa sasakyan.

“Ginang, tutulungan ko po kayong maghanap ng paparadahan. Kahit konting barya lang po,” pakiusap ng lalaki.

“Umalis ka nga at ang dumi-dumi mo! Baka mamaya ay madumihan mo pa itong sasakyan ko!” sambit ni Diana.

“Sa banda doon ay may nakita pa akong paparadahan. Kahit konting barya lang naman po. Pangkain lang,” dagdag pa ng lalaki.

“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Hindi ko nga kailangan ng tulong mo! Umalis ka na riyan at nagmamadali ako. Hindi ako magdadalawang isip na sag*saan ka kung mangungulit ka pa!” sigaw muli ni Diana.

Patuloy na nakikiusap ang pulubing lalaki.

“Bakit ba kasi nakakapasok ang mga kagaya mo sa ganitong establisyimento? Kanina ka pa pilit nang pilit na doon ako pumarada! Siguro may modus ka, ano? May kasabwat ka sigurong sindikato. Balak mong looban at pagnakawan itong sasakyan ko pag-alis ko. Humanda ka sa akin at irereport kita sa mga gwardiya!” gigil na gigil na sambit ni Diana.

Dahil ayaw ng pulubi na maagaw ang atensyon ng mga guwardiya at baka siya’y paalisin, humingi na lang siya ng dispensa kay Diana sabay alis.

“Huwag n’yo na po akong i-report sa mga guwardiya. Nais ko lang naman na maghanapbuhay kahit paano para may mailaman ako sa sikmura ng apo ko. Kanina pa kasi siya naghihintay sa akin. Kulang pa ang pera ko pambili ng pagkain,” wika pa ng lalaki.

Pag-alis ng pulubi ay agad na naghanap itong si Diana ng kaniyang paparadahan.

Ilang minuto rin siyang paikot-ikot sa parking lot at ilang beses na rin siyang tinawagan ng kaniyang mga kaibigan.

Nang makaparada at agad siyang bumaba ng sasakyan upang pumasok sa supermarket. Pagkakita pa lang niya sa kaniyang mga kaibigan ay wala nang patid ang kanilang pagkukwentuhan.

“O, kinuha na kita ng mga kaserola. Alam kong ito ang habol mo rito. Pinagkaguluhan ito kanina dahil bagsak presyo talaga!” saad ng kumare.

“Maraming salamat! Ang tagal ko kasing nakapag-park talaga! Pinainit pa ng pulubi ‘yung ulo ko kasi pilit nang pilit na tutulungan daw niya akong makahanap ng paradahan kapalit ng barya. Gusto niya doon sa bandang dulo. Hay, naku, halatang may balak siya sa sasakyan ko!” kwento ni Diana.

“Huwag mo nang intindihin ang inis mo na ‘yan! Halina’t mamili na tayo. Doon sa banda roon ay may pinagkakaguluhan sila. Malamang ko’y mga imported na pagkain na naman ‘yan!” wika ng kaibigan.

Masayang-masayang namili itong si Diana kasama ang kaniyang mga amiga. Kuha rito at kuha roon ng mga bagsak presyong tinda.

Naputol ang masayang pamimili ng magkakaibigan nang makarinig ng anunsyo sa buong supermarket.

“Ipinapatawag po sa customer service area ang may-ari ng sasakyang may plakang ACV 234,” paulit-ulit na anunsyo.

Nang maalala ni Diana na ito ang numero ng kaniyang sasakyan ay agad siyang nakipag-ugnayan sa mga tauhan ng naturang supermarket.

“Ginang, sumama po kayo sa amin at may nangyari sa sasakyan ninyo,” saad ng guwardiya.

Dali-dali namang sumama itong si Diana upang tingnan ang nangyari sa kaniyang sasakyan. Malayo pa lang ay nakita na niyang basag ang bintana ng kaniyang sasakyan at malapit na nakatayo doon ang pulubing lalaking kaninang nangungulit sa kaniya.

“Sinasabi ko na nga ba at walang gagawing mabuti ang lalaking iyan!” sambit ng ginang.

Dali-daling sinugod ni Diana ang lalaki at binulyawan.

“Ang kapal ng mukha mo! Akala mo ba’y hindi mo pagbabayaran ang ginawa mo? Ipapahuli kita sa pulis. Sisiguraduhin kong makukulong ka! D*monyo ka!” patuloy sa pagsigaw si Diana habang sinasaktan ang naturang lalaki.

Inawat naman siya agad ng mga guwardiya at ilang tauhan.

“GInang, huwag n’yo pong gawin ‘yan sa kaniya. Ang dapat nga po ay magpasalamat kayo sa kaniya. Hindi n’yo ba alam na iniligtas ng lalaking ito ang buhay ng iyong anak? Binasag niya ang bintana ng sasakyan mo upang mailabas ang anak mo dahil humihingi na ito ng saklolo at hindi na makahinga! Iniwan mo ang anak mo sa loob ng sasakyan sa ilalim ng init ng araw. Maaaring mawalan ng buhay ang anak mo, at ikaw pa ang makukulong!” saad ng gwardiya.

Doon lang naalala ni Diana ang kaniyang anak.

“Si Chuchay! Oo nga pala at kasama ko si Chuchay! Sa sobrang pagmamadali ay nakalimutan ko na ang anak ko! Nasaan ang anak ko? Gusto ko siyang makita! Ayos lang ba siya?” nawala na sa sarili itong si Diana.

“Salamat sa lalaking ito at ligtas ang anak n’yo. Pero kailangan muna kayong makausap ng mga awtoridad dahil sa pangyayaring ito. Sa sobrang sabik ninyong mamili ay nakalimutan mo ang sarili mong anak,” saad naman ng isang namamahala.

Hiyang-hiya si Diana sa kaniyang inasal. Labis ang paghingi niya ng kapatawaran sa pulubing lalaki.

“Utang ko sa iyo ang buhay ng anak ko, ginoo. Hindi ko alam kung paano ko maitatama ang aking pagkakamali. Mabuti na lang at nakita mo agad ang Chuchay ko,” naluluhang wika ni Diana.

“Habang kinakausap kita kanina’y nakita kong may batang natutulog sa iyong likuran. Nang lingunin kita palabas ng iyong sasakyan ay napansin kong wala kang kasamang bata. Nagdadalawang isip pa akong lapitan ang sasakyan mo dahil natakot ako sa iyong ibinibintang. Mas paniniwalaan kasi ng tao ang isang kagaya mo kaysa sa isang pulubing kagaya ko. Pero nang matanaw kong hinahampas na ng bata ang binata ay hindi na ako nagdalawang isip na iligtas siya,” paliwanag pa ng pulubi.

Lalong nanliit si Diana sa kaniyang mga narinig.

Nang araw ding iyon ay kinausap si Diana ng mga awtoridad tungkol sa pagpapabayang kaniyang nagawa. Mabuti na lang at napatunayan niyang hindi na ito muling mangyayari pa. Malaking kahihiyan ito para sa ginang dahil marami ang nakakaalam ng nangyari.

Samantala, bilang pasasalamat ay binigyan ni Diana ng limampung libong piso ang naturang pulubi upang makakuha ito ng disenteng matutuluyan at makapagsimula ng maliit na negosyo. Batid niyang kulang pa ang halaga na ito upang kabayaran sa pagliligtas nito sa buhay ng kaniyang anak. Ngunit hindi naman matatawaran ang aral na natutunan ni Diana sa pangyayari.

Advertisement