Inday TrendingInday Trending
Prinsipyo ng Dalaga’y Maghanap ng Mayamang Lalaki Upang Makaahon sa Kahirapan; Pagsisisihan Niya Ito Kalaunan

Prinsipyo ng Dalaga’y Maghanap ng Mayamang Lalaki Upang Makaahon sa Kahirapan; Pagsisisihan Niya Ito Kalaunan

Matagal nang pangarap ni Sandra ang makapagnobyo ng lalaking mayaman. Ito lang kasi ang tanging paraan na nakikita niya para makaahon siya sa kahirapan. Malakas din naman ang loob niya na p’wede itong mangyari dahil maganda siya at marami rin ang nagkakagusto sa kaniya.

Isang araw, todo ang gayak ng dalaga. Inimbita kasi siya ng isang kaibigan sa party. Dahil maykaya ang kaibigan niyang ito’y sigurado s’yang may mayayaman din itong mga kakilala na magsisipagdalo. Pagkakataon na niya ito para makadagit ng nobyo.

“Anak, saan ka na naman pupunta? Bakit hindi ka na lang pumirmi muna dito sa bahay at nang matulungan mo ako? Masama kasi ang pakiramdam ko at umatake na naman itong pag-ubo ko. Ikaw na muna ang pumunta sa mga tiya mo para mamalantsa. Sayang din kasi ang kikitain natin doon,” saad ng may sakit na inang si Alicia.

“‘Nay, nakita n’yo namang bihis na bihis na ako tapos gusto n’yo lang akong pagplantsahin kina Tiya Rosa. Alam n’yo namang kapag nakikita ako noon ay kung anu-ano ang sinasabi niya sa akin! Naiinis na ako!” sagot ni Sandra.

Muli namang nakiusap sa kaniya ang ina.

“Nais lang naman ng tiya mo na mapabuti ka kaya binibigyan ka ng pangaral. Tingnan mo kasi ‘yang sarili mo, anak. Pinag-aaral kita pero huminto ka. Wala ka rin namang ibang ginagawa rito sa bahay at palagi ka pang umaalis kasama ang mga kaibigan mo,” wika pa ng ina.

“Naku, ‘nay, sesermunan mo na naman ba ako? Saka n’yo na ako pagsabihan dahil purgang purga na ako riyan. Hayaan n’yo at ito na ang huling pagkakataon na poproblemahin n’yo ako. Hintayin n’yo lang na makahanap ako ng mayaman na nobyo!” bwelta pa ng dalaga.

Nagsasalita pa si Aling Alicia nang talikuran siya ng anak. Napailing na lang ang ginang. Hindi naman niya mapagbuhatan rin ng kamay ang anak dahil ayaw niya itong saktan at baka mamaya’y lalong magrebelde. Ngunit ikinatatakot niya ang prinsipyo nito sa buhay.

Tumuloy sa party itong si Sandra. Sadyang gumayak siya upang mapansin siya ng mga kalalakihang naroon. Hindi naman siya nagkamali dahil marami ang nagpakilala sa kaniya.

“Grabe ka talaga, Sandra, baliw na baliw na naman ang mga kaibigan ng kuya ko sa’yo! Halos lahat sila’y gusto kang makilala!” saad ng may kaarawan na si Jenna.

“Hindi na ako magiging plastik sa iyo, Jenna, pero sa mga lalaking nagpakilala sa akin, sino ba ang may totoong binatbat sa kanila?” tanong ni Sandra.

“Talagang seryoso ka ba sa tanong mo na ‘yan? Talagang ang batayan ng pagpapaunlak mo sa kanila na manligaw sa iyo ay batay sa katayuan nila sa buhay?” natatawang tanong naman ng kaibigan.

“Nagpapakatotoo lang ako. Mahirap na nga ang buhay namin tapos ay hahanap pa ako ng mahirap din. Saan na lang kami tutungo, ‘di ba?”

“May punto ka naman d’yan. Kung seryoso ka talaga sa tanong mo ay ang isasagot ko ‘yung si Stephen. Anak siya ng isang mayamang negosyante. Ang sabi ng kuya ko’y siya ang pinakayamayan sa kanilang magkakaibigan. Maraming nagkakagusto d’yan pero mabilis daw ma-turn off sa mga babae,” kwento pa ni Jenna.

Alam na alam ni Sandra ang kaniyang gagawin para mapansin siya ng mga lalaking tulad ni Stephen. Magpapanggap siyang hindi niya ito papansinin upang isipin ng binata na hindi siya tulad ng ibang babaeng nagkakandarapa dito. Sa ganitong paraan ay lalong maghahangad ang binata na makilala siya.

Nagtagumpay nga ang plano ni Sandra. Ilang sandali pa ay nilapitan na rin siya ni Stephen at nagpakilala.

Buong gabi silang magkasama at nagkausap at tiyak si Sandra na may kakaibigang kilig na naramdaman sa kaniya si Stephen.

“Alam mo, hindi pa ako napatawa ng babae gaya ng tawa ko ngayong gabi. Ibang klase ka. Pakiramdam ko tuloy ay matagal na tayong magkakilala,” wika ng binata.

Ang hindi alam ni Stephen na ang lahat ng ito’y patibong lang ni Sandra. Alam nito ang gagawin upang mapaikot sa kamay ang binata.

“Ako rin, Stephen. Kita mo naman, hindi ako basta lang nakikipagkilala sa mga lalaki. Pero may kakaiba akong nararamdaman sa’yo. Hindi ko lang matukoy pero magaan ang damdamin ko sa’yo. Sa palagay ko’y mapagkakatiwalaan kita,” saad pa ng dalaga.

Nagtama ang kanilang mga tingin. Akma sanang maglalapat ang kanilang mga labi nang biglang umiwas si Sandra.

“Hindi ako ganoong uri ng babae, Stephen. Alam kong ang tulad mo ay madaling nakukuha ang mga babae pero ibahin mo ako,” seryosong sambit ng dalaga.

“P-pasensya ka na, Sandra. Hindi ko sinasadya. Talagang hindi ko na kasi maipaliwanag ang nararamdaman ko sa’yo,” paliwanag ng binata.

Sa nangyaring ito ay lalong nahulog ang loob ni Stephen sa dalaga. Mula noon ay lagi na niya itong tinatawagan at niyayayang magdate.

“Aalis ka na naman ba, Sandra? Kailan mo ba ako matutulungan dito sa bahay? Walang magbabantay sa mga kapatid mo. Kailangan ko pang tumanggap ng labada,” saad ng maysakit na ina.

“Bahala na sila sa buhay nila, ‘nay, malalaki naman na ang mga ‘yan. Noong ganyang edad ko’y hindi n’yo rin naman ako inalagaan. Sinasama n’yo lang ako sa paglalabada n’yo pero pinabayaan n’yo rin naman ako! Kung gusto n’yo’y isama n’yo na lang din sila! Basta’t huwag n’yo nang pakialaman ang pag-alis ko! Malapit ko nang matupad ang pangarap kong makaahon sa hirap!” sigaw ni Sandra sa kaniyang ina.

“Anak, mahal kita at ayaw kong maligaw ka ng landas. Pero hindi tama ang prinsipyo mo na ‘yan. Kayang-kaya mong makaahon sa hirap sa sarili mong pagsisikap. Hindi mo kailangang humanap ng lalaking mayaman para umasenso ka,” pangaral ng ina.

“Sa tingin mo ba’y may pag-asa pang gumanda ang buhay ko rito? Tingnan mo nga ang sarili mo, ‘nay! Kung kayo sana ni tatay ang nagsumikap ay maganda sana ang buhay naming magkakapatid! Ang lalakas kasi ng loob n’yong mag-anak pero hindi n’yo naman kayang buhayin! Kung ano man ang prinsipyo ko ay labas na kayo roon. Huwag n’yo na akong pakialaman dahil hindi n’yo rin naman ako matutulungang umasenso sa buhay!” galit pang sigaw ng dalaga.

Ang hindi alam ni Sandra ay naroon si Stephen upang siya ay surpresahin. Ngunit ang binata pa ang nasurpresa nang makita ang tagpong ito.

Napakunot ang mga mata ni Stephen at nabitawan nito ang mga dalang bulaklak para sa dalaga.

“Totoo nga ang sinabi mo sa akin, Sandra. Kakaiba ka nga sa lahat ng babaeng nakilala ko. Dahil sa lahat ng babae’y ikaw lang ang nakilala kong walang respeto sa kaniyang magulang. Nang malaman kong galing ka sa mahirap na pamilya’y hindi nagbago ang tingin ko sa iyo. Galing din ang mga magulang ko sa hirap at nagsumikap sila kaya maganda ang buhay namin. Ngunit wala kang karapatan na sumbatan ang nanay mo kung hindi niya maibigay ang buhay na nais mo. Walang magulang na nais na maghirap ang kaniyang anak. Sana man lang ay tinulungan mo siya upang kahit paano’y maging maginhawa ang buhay na nararanasan n’yo ngayon,” pahayag ni Stephen.

Pilit na nagpapaliwanag itong si Sandra ngunit hindi na siya pinakinggan pa ng binata. Nagmamakaawa siya na muli siyang balikan nito.

“Tingnan mo ang ginawa mo sa akin, ‘nay! Kung hindi mo kasi ako pinagsabihan ng kung anu-ano ay hindi naman makikita ni Stephen ang lahat! Abot kamay ko na ang pangarap kong maalis sa lugar na ito pero hinadlangan n’yo na naman!” umiiyak na wika ni Sandra.

“Ikaw ang humahadlang sa sarili mo, anak. Labis akong nasasaktan dahil sa mga sinabi mo. Pero anak kita at nais ko pa rin ay kung ano ang makakabuti para sa iyo. Ngunit kung hindi mo na talaga kaya ang mabuhay nang kasama kami ng mga kapatid mo ay bukas ang pinto. Umalis ka na, anak,” lumuluhang sambit ni Aling Alicia.

Sa labis na galit ay tuluyan ngang umalis si Sandra. Nagmalaki pa siya sa kaniyang ina na sa kaniyang pagyaman ay hindi na niya lilingunin pa ang pamilya.

Ilang taon ang nakalipas at nabalitaan na lang ni Alicia na nakisama ang kaniyang anak sa isang lalaking nagpanggap na mayaman. Ngunit nang maikasal siya rito’y sugarol pala at tulak ng ipinagbab@wal na gamot. Dahil doon ay naging miserable lalo ang buhay nito.

Isang araw ay bigla na lang nakita ni Alicia ang anak sa labas ng kanilang bahay. Umiiyak ito at maraming sugat at pasa sa katawan. Dala-dala nito ang kaniyang mga gamit.

“‘Patawarin n’yo po ako, ‘nay, hindi po ako nakinig sa inyo. Pinagmalakihan ko pa kayo. Patawad po! Sana’y may puwang pa rin ako sa bahay na ito!” lumuluhang sambit ni Sandra.

Niyakap na lamang ni Aling Alicia ang anak.

“Matagal ko nang hinihintay ang pagbabalik mo, anak. Hindi pa huli ang lahat para magbagong buhay. Narito kami ng mga kapatid mo at susuportahan ka namin,” saad naman ng ina.

Bandang huli’y napatunayan ni Sandra na tama ang kaniyang ina. Ginamit niya ang isa pang pagkakataon na ito upang maging maayos ang kaniyang buhay. Ngayon ay tuluyan nang nag-iba ang prinsipyo niya sa buhay. Pilit siyang nagsusumikap nang sa gayon ay makaahon ang kaniyang pamilya sa hirap.

Advertisement