Walang Awang Sinaktan ng Babaeng May Pusong Lalaki ang Sariling Ina; Paglipas ng Panahon ay Matinding Hirap Din ang Daranasin Niya
Beinte tres anyos na si Aya at kung tutuusin, dapat ay nag-aaral na siya sa kolehiyo pero mas pinili niyang tumigil at magtrabaho sa talyer. Handa naman ang nanay niyang si Aling Menyang na igapang ang kaniyang pag-aaral pero ayaw niya, mas gusto niyang kumita na lang ng pera kaysa pumasok sa eskwela.
Isa siyang babae na may pusong lalaki. Tanggap naman siya ng kaniyang ina pero malayo pa rin ang loob niya rito. Hindi rin niya alam pero basta, naaasar talaga siya sa ginang lalo na kapag nilalambing siya nito at pinagsasabihan sa tamang pagpili ng babae.
“Aya, anak, masaya akong masaya ka sa kung ano ka, pero piliin mong mabuti ang taong mamahalin mo, ayokong masasaktan ka,” wika ng kaniyang ina nang matiyempuhan siya nitong nagmamadali na sa pag-alis dahil male-late na siya sa pagpasok sa trabaho. Siguradong tatambay na naman kasi doon ang pokp*k na si Jelay na bago niyang girlfriend. Nakilala niya ang babae sa isang cheap na bar sa Ermita.
“Bakit? Humihingi ba ako sa iyo ng pera para sa dyowa ko? Huwag mo nga akong pakikialaman sa ginagawa ko!” inis niyang sabi rito sabay irap at taas ng kilay. Nasisimula na naman siyang mainis dahil mahilig itong makialam sa buhay niya.
“Anak, ang sinasabi ko lang, iyong girlfriend mong si Jelay, nakita ni Aling Nadia na nakatambay doon sa gym ni Mang Roque at nilalandi daw yung isa sa mga instructor dun na si Benjie. Baka kasi niloloko ka lang ni Jelay, pinagsasabay kayo,” sabi ni Aling Menyang.
“Eh ano bang pakialam mo? O, kung pineperahan ako, ano naman sa iyo? Kung pinagsasabay kami, ano naman ang pakialam mo? Tanda mo na pakialamera ka pa! Kung inggit ka, manlalaki ka na lang kung gusto mo!” gigil niyang sabi saka tinalikuran na ang ginang.
Sa sinabi ng anak ay bigla na lang tumulo ang luha ni Aling Menyang, nagtatanong kung saan ba siya nagkamali, bakit nagkakaganito ang anak niya?
Hindi iyon ang huling beses na nag-away silang mag-ina dahil sa pambababae niya. Isang gabi ay lasing na lasing siya, doon sila nag-inuman sa bahay nila kasama ang babaeng napick up nito sa Cubao. Nagulat ang nanay niya dahil habang tulog na tulog siya dahil sa matinding kalasingan ay ninanakawan na pala sila ng babeng bayaran na dinala nito sa kanila. Hawak nito ang alkansya ng nanay niya na nakatago sa aparador, ang wallet at ang selpon niya.
“Walang hiya kang babae ka!” malakas na sigaw ni Aling Menyang kaya nagising ang anak.
“Ang ingay mo naman! Istorbo ka!” bulyaw ni Aya sa ina.
“Ninanakawan tayo ng pokp*k na ito,” sumbong ng ina at akmang susugurin ang babae pero nagulat ang ale dahil hinawakan nang mahigpit ni Aya ang braso ng ina at ibinalya ito sa dingding. Dahilan upang mauntog si Aling Menyang, Mabuti na lang at hindi iyon pader kundi ay baka magkaroon ng seryosong epekto sa ulo nito.
“A-anak, aray ko! Tama na!” sabi pa ng ginang dahil hindi pa nakuntento ang anak at pinagtatadyakan pa ito sa tiyan at tagiliran. Hindi huminto si Aya hangga’t hindi nagmamakaawa sa sobrang sakit ang ina.
“Ang kulit mo kasi, eh, ang sabi ko sa iyo huwag mo akong pakikialaman! Dapat lang sa iyo ‘yan!” sabi pa ni Aya.
Maya maya ay biglang tumulo na lamang ang luha sa mga mata ni Aya habang inaalala ang nakaraan nilang mag-ina. Kung maibabalik niya ang panahon at ang oras. Sampung taon na ang nagdaan, matagal nang pumanaw ang nanay niya. Nagkasakit ng malubha si Aling Menyang, nagkaroon ito ng k*nser sa buto na ikinamat*y nito. Nagsisisi rin siya kung bakit hindi niya ito nagawang ipagamot noon na hindi pa malala ang karamdaman nito. Mas inatupag niya kasi ang paggasta sa girlfriend niyang si Jelay at sa iba pa niyang mga babae. Laking panlulumo rin niya na ipinagpalit din naman siya ni Jelay sa tunay na lalaki.
Ngayon ay sinisingil na siya ng karma sa lahat ng ginawa niya sa ina, mayroon din siyang malubhang sakit at nakaratay na lang siya sa higaan. Nakikipaglaban siya sa sakit na leukemia. Sinabi ng doktor na may taning na rin ang buhay niya, hindi na siya magtatagal.
“Patawarin mo ako, inay, sa lahat lahat. Ngayon po ay dinaranas ko na rin ang paghihirap na dinanas mo noon,” lumuluha niyang sabi habang hinihintay na dumating ang oras ng kaniyang paglisan sa mundo.
Maya maya ay biglang nagpakita sa kaniya ang kaluluwa ni Aling Menyang, nakangiti ito.
“Aya, anak ko. Matagal na kitang napatawad. Halika na, magpahinga na tayo,” sabi nito na hinawakan ang mga kamay niya.
Napangiti si Aya. “Salamat po, inay.”
Panatag na ang kalooban niya dahil sa wakas ay nakuha na niya ang pagpapatawad ng kaniyang ina. Kasunod niyon ay unti-unti nang pumikit ang kaniyang mga mata. Tuluyan na rin siyang pumanaw.
Tandaan na ang tanging hangad lang ng ina ay ang makabubuti sa anak dahil ang pagmamahal ng isang ina ay walang katulad.