Inday TrendingInday Trending
Pinabayaan ng mga Anak ang Sariling Ama at Kinalimutan pa ang Kaarawan Nito; Hagulgol Sila Nang Mawala Ito

Pinabayaan ng mga Anak ang Sariling Ama at Kinalimutan pa ang Kaarawan Nito; Hagulgol Sila Nang Mawala Ito

Maagang gumising si Mang Narding para maglinis ng bahay. Ilang araw na rin siyang hindi nakakapagwalis at nakakapag-alis ng mga alikabok.

Isang linggo kasi siyang naratay sa higaan dahil sa trangkaso. Sa edad na sitenta’y tres ay mahina na ang kaniyang katawan at madalas na siyang dapuan ng mga karamdaman.

Pumanaw ang kaniyang asawa sampung taon na ang nakakaraan dahil sa sakit sa puso. Dati siyang magsasaka at karpintero pero ngayon ay hindi na niya nagagawa dahil madali na siyang mapagod kaya maghapon na lamang siyang nasa loob ng bahay. Mahina na rin ang mga tuhod niya kaya hirap siyang makalakad. Ang tanging gumagabay sa kaniya ay ang lumang tungkod.

Isang araw, lumabas siya sa kaniyang bahay at nagpunta sa kapitbahay niyang si Mang Simon. Medyo nakakaangat sa buhay ang matandang lalaki pero mabait ito at palakaibigan kaya isa ito sa mga malalapit niyang kaibigan.

“Uy, pare kumusta na, maayos na ba ang pakiramdam mo? tanong ng matanda. “O, ano tatawag ka?” sabi pa nito. May telepono kasi ito sa bahay kaya dito palaging nakikitawag si Mang Narding.

“Oo, pare. Pasensya ka na ha?”

“Walang problema.”

Maya maya…

“Hello? O, Francis? Pupunta ba kayo rito?” nakangiting sabi ng matanda, saglit na nagsalita ang anak nitong kausap sa kabilang linya at unti-unting nawala ang ngiti sa kaniyang labi. “A, ganoon ba, sige…n-naiintindihan ko naman, eh..kailan kaya kayo makakapunta rito?” tanong pa niya pero hindi pa siya tapos magsalita ay ibinaba na ng anak ang tawag.

May tatlong anak si Mang Narding, ang dalawa ay may asawa na at ang bunsong anak na lalaki ay binata pa pero sa Canada na ito nakatira. Mga propesyunal ang mga anak niya, ang panganay ay doktora, ang ikalawa ay arkitekto at ang bunso ay inhinyero. Mga asensado na ang mga ito at mayayaman na.Kahit mahirap silang mag-asawa ay iginapang nila ang mga anak sa pag-aaral hanggang sa makatapos ang mga ito sa kolehiyo. Pero nang mamat*y ang kaniyang misis ay nagbago ang lahat, ang akala ng mga anak niya pati siya ay mamamat*y na rin dahil hindi na siya naaalalang dalawin ng mga ito buhat nang may mga narating na sa buhay. Ang nakakalungkot, nakalimutan ng mga ito na kaarawan niya ngayon.

“Papa, birthday ngayon ni lolo, ‘di ba?” sabi ng anak ni Francis na si Kevin. Malapit kasi ito sa lolo at talagang kabisado ang petsa ng kaarawan ng matanda.

“Oo nga, hayaan mo na, bawi na lang tayo sa ibang araw, anak. Marami kasi akong pasyente ngayon sa ospital at saka ‘di ba mamayang gabi pupunta tayo ng mama mo sa mall? Bibilhin ko na ‘yung gusto mong laruan,” nakangiting sabi ng lalaki sa anak.

“P-pero, papa si lolo po ang may birthday, ‘di ba dapat siya po ang binibigyan natin ng gift?” tanong pa ng bata.

“Kevin, makapaghihintay naman ang lolo mo. Saka matanda na siya, hindi na niya kailangan ang regalo,” wika ni Francis.

Ganoon din naman ang paniniwala ng ibang anak ni Mang Narding na sina Oliver at Melissa na lagi lang namang nariyan ang tatay nila na maaari nilang bisitahin kahit kailan. Masyado kasi silang abala sa kani-kanilang mga trabaho kaya wala silang oras ngayon.

Pero makalipas ang isang linggo, nagulat ang mga anak ng matanda nang makatanggap sila ng tawag mula sa kapitbahay nilang si Mang Simon.

“Hello? Ito ba ang anak ni Pareng Narding? Nakita lang namin ang numerong ito sa pitaka niya. Ang tatay ninyo bigla na lamang nahilo at nawalan ng malay,” nag-aalaang sabi nito.

Agad na napasugod ang dalawang anak na nasa Pilipinas, maging ang bunsong na nasa Candana ay napauwi rin at ganoon na lamang ang panlulumo nila nang makita ang ama na nakaratay sa ospital, wala itong malay dahil na-stroke ito. Pansin din nila na sobra itong nangayayat at bumagsak ang katawan.

“Tatapatin ko na kayo, sa lagay ng tatay ninyo ngayon, malabo na maka-survive pa siya. Malala ang naging epekto ng stroke niya. Brain de*d na siya. Ang mga aparato na lamang na nakakabit sa kaniya ang bumubuhay sa kaniya. Napakaliit ng chance na makarekober pa siya,” pagtatapat ng doktor.

Pare-parehong nagsi-iyakan ang tatlong anak sa harapan ni Mang Narding na parang lantang gulay na nakahiga sa kama ng ospital. Ang mas nakakadurog ng puso ay tila hinintay lang sila ng matanda na makumpleto bago sumuko ang katawan nito at tuluyang nang pumanaw.

Kahit nagluluksa ay pinilit ng mga anak na asikasuhin ang lamay ng kanilang ama. Naisip nilang ayusin ang bahay nito para doon iburol ang matanda. Mas lalong bumuhos ang kanilang luha nang malaman ang naging kalagayan nito nang iwan nila. Ang bahay na bato na dati nilang tinitirhan na hangang ngayon ay hindi pa rin napapalitadahan at ang bubong ay may mga butas na.

“Nakatira kami ng aking mag-iina sa maganda at maayos na bahay samantalang si tatay ay naiwan sa bulok at pangit na bahay na ito,” lumuluhang sabi ni Francis.

Ang pinakanakatawag pansin sa kanila ay ang maliit na kahon na nakapatong sa ulunan ng papag nito. Binuksan nila iyon at laking gulat nila nang makita ang laman nito. Mga lumang litrato nilang magkakapatid, nakasulat doon ang petsa at taon ng kanilang mga kaarawan. May mga nakatiklop ding maliliit na papel na naroon at nang basahin nila ay mas lalo silang napahagulgol.

Mga sulat iyon ng kanilang ina para sa bawat isa sa kanila, birthday greetings nito para sa kanila sa bawat taon na lumipas. Hindi nagawang maibigay sa kanila iyon ng matanda dahil hindi naman nito alam kung paano ibibigay sa kanila, sa tagal ba naman ng panahon na hindi nila ito dinalaw at saka hindi nito alam gumamit ng email, hindi rin nito alam kung saan sila susulatan dahil kahit address nila ay hindi nila ibinigay rito. Tanging mga numero lang nila sa telepono ang ibinigay nila. Kahit kailan ay sila nakalimutan ng kanilang ama, kahit ang mga kaarawan nila ay tandang-tanda nito, pero sila hindi man lang nila ito nagawang batiin sa mismong kaarawan nito. Lahat sila ay nakalimot.

“Ginawa ito ni tatay para sa atin, pero hindi man lang natin naalala ang kaarawan niya,” hagulgol ng ikalawang anak na si Oliver.

Nakita rin nila ang mga damit ng matanda na sira-sira at luma na. Hindi na rin ito nakakabili ng bago dahil tinitipid nito ang kakarampot nilang ipinapadala rito.

“Ako ay nakakapamasyal sa abroad, pero hindi ko man lang naibili ng branded na mga damit si tatay,” umiiyak na sabi ng bunsong anak na si Melissa.

Bumawi ang tatlong anak sa burol at libing ni Mang Narding. Ginastusan nang husto ang ataul at ang mga biniling bulaklak ay ubod ng mahal. Sa kabila ng lahat ay matinding pagsisisi pa rin ang nararamdaman nila dahil kahit gumastos pa sila ng mahal ay hindi na iyon makikita ng tatay nila. Nagsisisi sila na sana ay kaarawan nito nila ibinuhos ang kanilang pera at hindi sa burol at libing nito. Ano pa ang silbi ng pera nila kung wala na ang kanilang ama, hindi na maibabalik ng kanilang yaman ang buhay nito.

Habang nariyan pa ang ating mga magulang, iparamdam natin sa kanila ang ating pagmamahal para hindi natin pagsisihan na hindi natin iyon naipadama sa kanila sa oras na sila ay mawala na.

Advertisement