Ikinadismaya ng Dalaga ang Nalaman Niya Tungkol sa Binatang Pinaka-Iibig Niya; Ano Kaya Iyon?
Isang umaga, ikinagulat ni Shaira nang makita niya sa palengke ang kababata niyang si Warren.
“W-Warren?”
Nagulat din ang binata nang makita siya ng dalaga.
“S-Shaira?”
“N-namamalengke ka?” tanong niya.
“A, eh…k-kailangan, eh,” sagot ni Warren.
Tinaasan ng kilay ng dalaga ang kababata at inismiran.
“Kailangan o gusto mo talaga?” inis na sabi ni Shaira na pinamewangan pa ang binata.
Pagkatapos niyang tarayan si Warren ay saka siya nagpapadyak na umalis.
“Edi tama pala ang mga naririnig ko sa iyo! Diyan ka na!”
“S-Shaira naman…sandali lang…”
“Pagbutihan mo ang pamamalengke ha, bumili ka na rin ng apron,” hirit pa niya.
Noon pa kasi niya nababalitaan iyon na palaging namamalengke ang binata at tila gustung-gusto pa nito ang ginagawa habang bitbit ang basket.
Noong nakaraang araw, nakasalubong niya at ng kaniyang kaibigang si Marie ang tiyahin nitong si Aling Mameng at ang pinsan nitong si Gemma.
“Good morning, tita. Nasaan po si Warren?” tanong niya.
“O, ikaw pala, hija. Nasa bahay siya at naglalaba,” tugon ng babae.
“Ano po? Naglalaba?”
“Oo at manunulsi pa raw siya pagkatapos maglaba, kaya hindi namin kasamang magsimba,” sabi naman ni Gemma.
“M-manunulsi?” aniya.
“Naku, ang hilig ni Warren sa mga gawaing pambabae! B*kla yata ‘yang si Warren, eh!” sabad naman ni Marie.
“Uy, grabe ka naman!” sabi niya sa di makapaniwalang tono.
“Bakit niya ginagawa ang mga trabahong pambabae kung hindi?” giit pa ng kaibigan.
“Huwag mo namang husgahan agad ang pamangkin ko! Ganoon lang tlaga iyon, masipag sa mga gawaing bahay at gusto lang talaga niyang ginagawa ang mga iyon,” pagtatanggol ni Aling Mameng.
Ang totoo, noon pa man ay may pagtingin na siya sa binata. Bukod kasi sa napakaguwapo nito ay napakabait din at mapagmahal sa pamilya. Pero nang malaman niya ang mga ginagawa nito’y parang hindi na niya ito gusto.
“Sayang! Ayoko kasi sa b*ding, eh!” sambit niya sa isip.
At nang magkita sila sa palengke at huling-huli niya ito sa akto ay tinabangan talaga siya at hindi niya binigyan ng tyansa na makapagsalita ng binata. Noong una ay ayaw sana niyang maniwala, pero malinaw na nga ang mga palatandaan.
“Kaya pala ganoon na lang kung iwasan niya ako, iyon pala’y iba ang gusto niya. Ang malas ko naman!” inis pa rin niyang sabi sa sarili.
Mula noon ay iniwasan na niya si Warren. Alam na naman niyang wala ring mangyayari.
Nang magkita sila ulit…
“Galit ka ba sa akin, Shaira?” tanong nito.
“A-ako magagalit? Ano naman ang ikagagalit ko sa iyo?” tugon niya.
“Eh, bakit mo ko iniiwasan?”
“Pwede bang huwag mo nang itanong?” aniya.
Pag-uwi ay naiyak siya dahil alam niyang nasaktan niya ang kababata.
“Naging unfair yata ako…kasalanan ba niya kung naging b*kla siya?” maluha-luha niyang sabi.
Kaya kinabukasan, hindi rin niya natiis ang binata. Ewan ba niya kung bakit kahit alam niya kung anong uri ng pagkatao nito ay gusto pa rin niya itong makasama kaya sinubukan niyang tanggapin kung ano si Warren. Ang importante ay magkaibigan pa rin sila. Dinalaw niya ito sa bahay para makapag-usap sila.
“O, Shaira napadaan ka?” gulat nitong sabi nang makita siya.
“Can we talk?” aniya.
“Sure,” maikling tugon ng binata saka siya pinapasok sa loob.
“Sorry nga pala sa mga nasabi ko sa iyo,” wika niya.
“Okay lang iyon. Ikaw naman kasi hindi kita maintindihan, minsan kasi bigla ka na lang nagsusungit nang walang dahilan. Ang mabuti pa ay panoorin mo ako sa ginagawa ko,” sabi ni Warren.
“Anong ginagawa mo?” tanong niya.
“Nabe-bake ako ng cake,” sagot nito.
“Wow, mukhang masarap, a! Can I help you?” alok niya.
“Of course,” nakangiting sabi sa kaniya ni Warren na hindi niya napigilang kiligin, ngumiti lang kasi ito ay para na siyang natutunaw sa sobrang kaguwapuhan nito. Pero bigla niyang ginising ang sarili na hindi na siya pwedeng mainlab sa lalaki dahil lalaki rin ang hanap nito.
Nang tikman ni Shaira ang cake na pinagtulungan nilang i-bake…
“Ang sarap! Ang galing mo naman! Sinong nagturo sa iyong mag-bake?”
“Wala, natutunan ko lang mag-isa. Kailangan ko kasing akuin ang mga trabaho ni mama dahil abala rin siya sa trabaho. Alam mo namang mula nang pumanaw si papa ay siya na ang naghahanapbuhay para sa aming magkakapatid. Kaya ngayong bakasyon ako sa pagpasok sa kolehiyo’y kailangang may katuwang si mama dito sa mga gawaing bahay, Saka kawawa naman ang iba ko pang mga kapatid kung sila lang ang gagawa rito. Kailangan ng ina ng mga kapatid kong maliliit pa kapag wala pa si mama kaya hangga’t nasa trabaho siya ay ako ang pumapapel na ina sa mga kapatid ko. Mahirap na gawain, pero kailangan, eh,” sagot ng binata.
Natahimik si Shaira sa mga sinabi ni Warren. Nakunsensiya tuloy siya, hindi tamang nag-isip siya ng hindi maganda rito, pinagbintangan pa niyang b*kla ang kababata niya pero hindi naman pala.
“May kasalanan kasi ako sa iyo. Huwag kang magagalit ha? Ano kasi…Sorry, p-pero akala ko kasi b-b*ding ka,” sabi niya.
Pagkasabi niya ay biglang humagalpak ng tawa si Warren.
“Oks lang ‘yon. Marami naman kayong nag-iisip niyan, eh,” tugon ng binata.
“Hindi ka galit sa akin?” nagtatakang tanong ni Shaira.
“Bakit naman ako magagalit sa lab ko?” sinserong sagot ni Warren saka hinawakan nito ang kamay ng dalaga.
“Ha?!”
“Nabigla ka, ano? Matagal na akong may pagtingin sa iyo, Shaira. Maaari ba akong manligaw?” diretsahang pagtatapat ng binata.
Hindi pa rin makapaniwala si Shaira na may gusto rin sa kaniya ang kababata.
“So, anong score ko sa iyo?” tanong nito.
“Eh, ano ba ang gusto mo?”
Dahil doon ay hindi na niya kailangan pang pahirapan si Warren. Ayos nang mahal din siya nito kaya pinayagan niya itong manligaw sa kaniya. Pagkaraan ng tatlong buwan ay sinagot niya ito.At makalipas ang ilang taon, pareho na silang nakapagtapos sa kolehiyo at may kaniya-kaniya nang trabaho, balak na nilang magpakasal at bumuo ng pamilya.
“Ngayong malapit na tayong ikasal, ano na ang itatawag ko sa iyo, papa ba o mama?” natatawang tanong ni Shaira nang maalala ang maling akala niya noon kay Warren.
Natawa rin ang nobyo. “Kahit ano, kung ano gusto mo, darling.”