Inday TrendingInday Trending
Laging Pinapalayas ng Kinasama ang Isang Lalaki dahil sa Kawalan Nito ng Pera; Hindi Niya Akalaing Dating Pag-Ibig ang Muli Niyang Makikita

Laging Pinapalayas ng Kinasama ang Isang Lalaki dahil sa Kawalan Nito ng Pera; Hindi Niya Akalaing Dating Pag-Ibig ang Muli Niyang Makikita

“Ate, baka pwedeng makautang ulit sa’yo kahit pambili lang ng gatas ng mga bata para bukas. Kulang kasi ang kinita ko mula sa pamamasada. Matumal ngayong araw. Pangako ko kapag nakaluwag ay babayaran talaga kita,” pakiusap ni Jong sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Gina.

“O heto,” sabay abot ng ginang ng pera sa kapatid.

“Huwag mo nang bayaran iyan at bilhan mo na ng gatas ang mga bata. Bakit parang nitong mga nakaraang araw ay lagi kang nagigipit?” pagtataka ng kaniyang Ate Gina.

“Tanghali na kasi ako nakakabyahe, ate, gawa ng ako pa rin kasi ang umaasikaso sa mga bata,” tugon naman ni Jong.

“Ano ang ginagawa ng kinakasama mong si Lyka? Bakit hindi siya ang mag-alaga sa mga bata?” pagtataka ni Gina.

Nawalan ng imik si Jong sa tanong ng kapatid.

“Ayaw ko nang magkwento, ate. Ayokong mag-iba ang tingin mo sa kaniya. Siya pa rin naman ang ina ng dalawa kong anak,” sambit ni Jong.

“Alam mo noon pa man ay hindi ko na gusto iyang si Lyka. Ikaw lang naman ang nagpupumilit sa babaeng iyan! Kung si Emily kasi ang nakatuluyan mo ay hindi sana ganiyang buhay ang aabutin mo!” sermon ng kapatid.

“Tama na, ate. H’wag na nating ibalik pa ang nakaraan. Salamat dito sa bigay mo. Kailangan ko nang umuwi sa bahay at baka kailangan na rin ako ng mga bata,” paalam ni Jong sa kapatid.

Laking pag-aalala ang nararamdaman ni Gina sa kaniyang nakababatang kapatid na si Jong. Mula noon kasing magsama sa iisang bubong si Jong at Lyka ay hindi na maitanggi ang malaking pagbabago sa kaniyang kapatid. Bakas sa mukha nito at namamayat na katawan ang pagod na kinakaharap sa araw-araw.

Ngunit ayaw namang magsalita ni Jong tungkol sa tunay niyang dinaranas sa kanilang tahanan. Ayaw kasi niyang maapektuhan ang dalawa niyang anak na pawang mga bata pa.

Pag-uwi ni Jong sa kanilang bahay ay mura agad ang isinalubong ni Lyka sa kaniya.

“Umuwi ka pa! Kanina pa nagugutom itong mga bata. Tapos ganiyang kaliit lang na gatas ang dala mo? Bukas ay ubos kaagad iyan!” pagbubunganga ni Lyka kay Jong.

“Mahina talaga ang biyahe. Hayaan mo, bukas ay babawi ako. Maaga akong aalis,” sambit naman ni Jong habang agad na inasikaso ang kaniyang mga anak.

“O nasaan ang kinita mo? Para may lamunin naman kami dito bukas. H’wag mong sabihing ito na lahat iyon! Kakaunti itong gatas, Jong!” sambit muli ni Lyka.

Nang iabot ni Jong ang kaunting perang kaniyang inuwi ay ibinalibag pa ito ni Lyka sa kaniya.

“Ano ‘yan? Saan aabutin ang perang ‘yan! Letseng buhay ‘to. Hindi ka na talaga makakalasap ng masarap na pagkain kahit minsan!” walang tigil sa pagdadaldal ang kinakasama.

Kahit na naririndi na itong si Jong sa mga sinasabi ni Lyka ay pilit niya itong tinitiis alang-alang sa mga bata. Ngunit sa tuwing maliit ang kita ni Jong ay lagi siyang binubungangaan ng kaniyang kinakasama. Hanggang sa isang araw ay pinalayas siya nito.

“Bumalik ka na sa inyo! Wala kang pakinabang!” sigaw nito habang ibinabato ang mga damit ni Jong palabas ng bahay.

Napilitan na rin si Jong na umalis ng bahay at tumuloy muna sa kaniyang Ate Gina.

“Pang ilang beses na iton pinapalayas ka, Jong, sa tuwing wala kang naiuuwing pera. Ano ba talaga ang balak mo diyan kay Lyka?” saad ni Gina sa kapatid. Hindi na kasi nito matiis pa ang mga ginagawa ni Lyka kay Jong.

“Hindi lang naman ako makaalis ng tuluyan sa bahay dahil sa mga anak ko, ate. Alam ko kasing hindi sila maaalagaan ni Lyka ng maayos,” saad ni Jong.

“Lagi kasi sa bingguhan si Lyka. Madalas ay nagpupunta din doon ang iba niyang kaibigan at minsan ay nag-iinuman sila. Alam mo minsan gusto ko na lang siyang iwan dahil naririndi na rin ako sa kaniya. Puro pera ang nais pero hindi man lamang magpakaasawa sa akin. Kaso naaawa ako sa mga anak ko. Minsan nga ay nais ko na silang isama sa pamamasada,” hindi na napigilan pa ni Jong ang maiyag habang naglalahad sa kapatid.

“O siya, tama na iyan. Dumito ka na muna sa akin hanggang kailangan. Hayaan mo at gagawa ako ng paraan upang mabawi natin ang mga bata,” saad ni Gina.

Lumipas ang mga araw at laging malungkot itong si Jong dahil hindi na niya nakikita pa ang kaniyang mga anak. Habang nagmumuni-muni siya sa labas ay hindi niya inaasahan na makita ang dati niyang kasintahang si Emily.

“Narito ba si Ate Gina? Nagpaluto kasi siya kay nanay ng pansit. Ang sabi niya ay narito ka raw kaya naisipan kong ako na ang magdadala para makumusta naman kita,” nakangiti ngunit nahihiyang sambit ng dalaga.

Inanyayahan ni Jong na pumasok ng bahay si Emily para makapag-usap sila. Hindi na sinayang pa ni Jong ang mga pagkakataon na iyon upang humingi ng tawad sa dating kasintahan.

“Siguro ay kinakarma na ako ngayon, Emily, dahil sa nagawa ko sa’yo. Kung hindi sana ako nakipag-inuman sa mga kaklase ko noon at pinuntahan na lang kita sa bahay ay hindi mangyayari na mabuntis ko si Lyka. Sana ay tayo pa rin hanggang ngayon. Pero hindi ko pinagsisisihan ang dalawang mga anak ko, nagsisisi lang ako na sana ay ikaw ang nanay nila. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko sa’yo,” saad ni Jong kay Emily.

“Matagal na kitang pinatawad, Jong. Alam ko namang ginawa mo lang din ang tama at pinanagutan mo ang nagawa mo kay Lyka. Siguro may mga bagay o mga taong hindi lang talaga inadya para sa atin,” pahayag naman ng dalaga.

Simula ng araw na iyon ay napapadalas na ang pag-uusap ng dating magkasintahan. Habang lumilipas ang mga araw ay nanunumbalik kay Jong ang mga dahilan kung bakit nga ba niya minahal noon si Emily. Hindi pa rin nagbabago ang dalaga at mabuti pa rin ang kalooban nito.

Si Emily ang naging sandigan ni Jong sa mga pagkakataong labis ang kaniyang kalungkutan dahil ayaw ni Lyka na ipakita man lamang sa kaniya ang kaniyang mga anak. Laging naroon si Emily sa kaniyang tabi at dahil dito ay hindi na maiwasan ni Jong na muling umibig sa dalaga.

Hanggang isang araw ay pinasya niyang aminin na ang kaniyang nararamdam.

“Alam kong hindi na ako karapat-dapat para sa iyo, Emily. Pero nais ko lang sabihin sa’yo na naibaon lamang ng panahon ang pag-ibig ko sa’yo pero naririto ka pa rin sa puso ko. Ngunit alam kong hindi na ako karapat-dapat para sa’yo,” pahayag ni Jong.

“Alam mo ba, Jong, kung bakit hindi pa ako nag-aasawa? Dahil alam kong isang araw ay babalik kang muli sa akin. Ayaw ko naman kasing sirain ang pamilya na naitaguyod mo. Ngunit kung nais mo talagang makasama ako sa pagkakataong ito ay hindi ko na ito palilipasin pa. Matagal kong hinangad ang pagbabalik mo sa akin,” sambit naman ni Emily.

Alam nila Emily at Jong na marami ang tututol sa kanilang pag-iibigan ngunit handa nila itong ipaglaban. Labis naman ang tuwa ni Gina na malaman niyang nagkabalikan na ang dalawa.

Gumawa sila ng paraan para makuha kay Lyka ang dalawang bata. Lumapit sila sa mga abogado upang makuha ang kustodiya ng mga anak ni Jong.

Dahil na rin sa hindi inaalagaan ni Lyka ang kaniyang mga anak at hindi nito ginagampanan ang responsibilidad bilang isang ina ay mabilis napagdesisyunan ng korte na mapunta kay Jong ang dalawang bata.

Tuluyan na ring nakipaghiwalay si Jong kay Lyka at ipinagpatuloy niya ang naudlot nilang relasyon ni Emily.

Malugod namang tinanggap ni Emily ang mga anak ni Jong at itinuring itong kaniya.

Minsan sumasagi sa isip ni Jong ang panghihinayang na sana ay kay Emily na lamang siya nagkaanak upang hindi magulo ang kaniyang pamilya. Ngunit alam niyang may dahilan ang Diyos. Kung sabagay ay hindi rin naman kaya ni Jong na wala ang kaniyang dalawang anak.

Advertisement