Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Isang Babae ang Kaniyang Anak sa Kaibigan; Nang Bawiin na Niya na Ito ay Nagulat Siya sa Isinagot ng Anak

Iniwan ng Isang Babae ang Kaniyang Anak sa Kaibigan; Nang Bawiin na Niya na Ito ay Nagulat Siya sa Isinagot ng Anak

“Lisa! Lisa!” walang patid na pagkatok ni Thelma sa bahay ng kaniyang kaibigan isang hatinggabi.

Agad napabangon ang dalaga sa kaniyang pagkakatulog upang buksan ang pinto. Laking gulat niyang makita ang kaibigan bitbit ang anak nito.

“Lisa, baka pwedeng iwan ko muna dito saglit itong si Marie. Kailangang-kailangan ko lang talagang umalis at wala akong mapag-iiwanan sa kaniya,” nagmamadaling sambit ni Thelma.

“S-saan ka ba pupunta, Thelma? Saka paano ko maaalagaan itong anak mo? Alam mo namang wala akong kabuhayan. Kung ako nga lang mag-isa ay hindi ko na alam kung saan kukunin ang panggastos ko,” tugon naman ni Lisa.

“Kukunin ko rin naman siya sa’yo, Thelma. Saka ito ang isang daang piso. May gatas na rin siya dito sa bag. Kunin mo na siya, Lisa, kailangan ko na talagang umalis,” saad pa ng kaibigan.

Wala nang nagawa pa si Lisa kung hindi kunin ang kaawa-awang bata.

Ni hindi alam ng ginang kung saan tutungo si Thelma at kung bakit kailangan niyang iwan ang bata. Ang huli niyang balita rito ay mayroon na itong ibang kinakasama ngunit maayos naman ang trato raw nito sa bata. Kaya ganoon na lamang ang pagtataka ni Lisa sa kaniyang kaibigan.

Kahit na walang alam sa pag-aalaga sa bata ay pilit niyang kinalinga ang batang si Marie. Kalong-kalong niya ang bata habang nagtitinda siya ng mga gulay sa pwesto niya sa bangketa. Naaawa naman siya sa kalagayan ng bata.

“Thelma, buti sumagot ka na. Ilang araw na kitang tinatawagan. Kailan mo ba kukuninn ang anak mo? Nakakaawa na kasi siya. Kasama ko siya rito sa bangketa habang nagtitinda ako. Naiinitan siya. Mabuti na lang at hindi tag-ulan,” wika ni Lisa.

“Ikaw na muna ang bahala sa kaniya, Lisa. Basta isang araw ay pupuntahan na lang kita sa bahay at kukuhain ko si Marie,” saad nito sabay baba ng telepono.

Simula noon ay hindi na nagawa pang makausap ni Lisa ang kaibigan.

Araw-araw hinihintay ni Lisa ang pagdating ni Thelma upang kuhain ang anak nito. Ngunit dumaan na ang dalawang taon at ni anino ng kaibigan ay hindi pa rin nagpapakita sa kanila. Hanggang sa tinanggap na lamang ni Lisa na responsibilidad na niya ang batang si Marie.

Kahit nahihirapan ay pilit itinataguyod ni Lisa ang bata. Madalas nga siyang magkautang sa tindahan para lamang sa mga gatas at lampin nito. Kahit na kinukutya siya ng kaniyang mga kapitbahay ay wala siyang pakialam.

“Bigla ka tuloy naging isang ina, Lisa, kung ako sa iyo ay dadalhin ko na lang ang bata sa bahay-ampunan. Hindi na ‘yan babalikan pa ng magulang niya!” kantiyaw ng isang kapitbahay.

Ngunit hindi ito pinakinggan ni Lisa. Inari niya bilang isang tunay na anak si Marie.

Lumipas ang mga taon at naging dalaga na rin ang kaniyang anak-anakan. Hindi na itinago ni Lisa ang katotohanan sa dalaga sapagkat alam niya na isang araw ay malalaman din nito ang lahat. Nasa kolehiyo na ito at isang iskolar. Pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho upang siya ay makatapos.

“Pasensiya ka na, anak, at hindi ko magawang ibigay ang lahat ng pangangailangan mo. Kung maaari nga lang ay patigilin na kita sa pagtatrabaho at ituon mo na lang ang sarili mo sa pag-aaral ay gagawin ko,” saad ni Lisa sa dalaga.

“Wala pong kaso sa akin ‘yon, Nanay Lisa. Sobra-sobra na po ang naitulong niyo sa akin. Dapat nga po ay hindi na kayo nagtatrabaho pa. Para hindi na rin kayo nabibilad sa initan sa bangketa,” tugon ni Marie.

“Hayaan po ninyo, hindi po masasayang ang lahat ng paghihirap niyo sa akin, Nanay Lisa. Pangako ko po sa inyo na makakapagtapos ako ng pag-aaral. Aakyat kayo ng entablado at kayo ang magsasabit sa akin ng medalya,” saad ni Marie sa ina-inahan.

Laking tuwa naman ni Lisa sa kung paano naging mabait at responsableng bata itong si Marie. Ngunit hindi pa rin nawawala sa kaniyang isipan ang pangamba na isang araw ay bigla na lamang itong babawiin ng kaniyang ina.

Hanggang sa isang araw ay dumating na ang kinatatakutan ni Lisa, ang muling pagbabalik ni Thelma. Kitang-kita ang malaking pagbabago nito. Halata mo sa kaniya na nakakaangat na siya sa buhay.

“Alam kong marami akong pagkakautang sa iyo, Lisa. Narito ako para bayaran sa’yo ang lahat. Nais ko na ring kunin ang anak ko,” wika ni Thelma sa kaibigan.

“Hindi ko naman pinapabayaran sa iyo ang lahat ng iyon. Masaya ako na napalaki ko si Marie. Ang gusto ko lang ay alagaan mo siya. Saka, Thelma, bakit mo nga ba iniwan ang anak mo sa akin?” tanong ni Lisa sa kaibigan.

“Noong gabi na iyon ay pilit akong isinasama ni Roger. Kinailangan niyang magtago dahil may atraso siya. Hindi ko pwedeng isama noon si Marie. Iniwan ko siya sa’yo sapagkat alam kong hindi mo siya pababayaan. Ngunit makalipas lang ang ilang taon ay naghiwalay din kami ni Roger. Nakakilala ako ng isang mayamang negosyante at ngayon ay ito na ako, kayang-kaya ko nang buhayin ang anak ko,” pagmamalaki pa ni Thelma.

“Bakit malakas ang pakiramdam ko na ayaw mong ibigay sa akin ang anak ko, Lisa?” muling sambit ng kaibigan.

“Hindi naman sa ganoon, Thelma. Naiisip ko lang na hindi ganoong kadali pala ang nais mo. Napamahal na rin ako kay Marie. Hindi ko lang akalain na kukunin din pala siya sa akin,” pahayag ng ni Lisa.

“Dapat simula pa lang ay napaghandaan mo na ‘yan sapagkat alam mong hindi naman talaga siya sa iyo. Ako ang nagluwal sa kaniya at mas may karapatan ako kaysa sa’yo. Saka mas mabibigyan ko siya ng magandang buhay. Isang bahay na hinding-hindi mo kayang ibigay sa kaniya,” sambit pa ni Thelma.

Alam ni Lisa na tama ang sinasabi ng kaniyang kaibigan. Pilit man niyang ipaglaban ang posisyon niya kay Marie ay wala siyang karapatan dito dahil hindi niya ito anak. Ngunit sa mga taon na sila ay magkasama ng anak-anakan ay hindi niya akalaing kaya niyang magmahal ng higit pa sa naibigay niya sa bata.

Maya-maya ay dumating na si Marie mula sa paaralan. Nagulat siya nang sabihin ni Lisa na ang babae sa kaniyang harapan ay ang tunay niyang ina.

“Halika na. H’wag ka nang magdala ng kahit anong damit sapagkat kaya kitang ibili ng bago. Hindi ka na magtatrabaho pa at tanging pag-aaral mo na lang ang aatupagin mo kapag ikaw ay nasa piling ko,” saad ni Thelma sa anak.

Ngunit pumiglas ang dalaga.

“Hindi po ako sasama,” sambit ni Marie sa ina.

“Pasensiya na kayo pero hindi po ako sasama sa inyo. Hindi ko po iiwan ang Nanay Lisa ko,” dagdag pa ng dalaga.

“Ngunit ako ang tunay mong ina. Mas mapapabuti ang buhay mo sa akin. Kaysa dito na nahihirapan ka!” sambit muli ni Thelma sa anak.

“Kung sa pera lamang po ang tinatanong ninyo ay salat talaga kami. Pero kahit kailan ay hindi ako nahirapan sa piling ni Nanay Lisa. Walang sandali na hindi niya ipinaramdam sa akin na hindi ako nag-iisa at hindi ko kailangang mangulila sa magulang. Dahil ba ganoon kabilis niyo na lang ako pinamigay ay ganoon lang din kabilis niyo akong mababawi? Hindi po ako bagay na ipinahiram niyo lang at kailangang isauli.

Kayo nga po ang nagluwal sa akin pero si Nanay Lisa ang nagpakain sa akin. Kaya kahit anong katayuan namin sa buhay ay hinding-hindi ko siya iiwan sapagkat ganoon din ang ginawa niya sa akin,” pahayag ni Marie sa ina.

Hindi na napigilan pa ni Lisa na bumagsak ang kaniyang mga luha. Hindi niya akalain na bandang huli ay siya pala ang pipiliin ng kaniyang anak.

Dahil ayaw nang sumama kay Thelma ng kaniyang anak ay wala na siyang nagawa kung hindi ipaubaya si Marie kay Lisa. Napagdesisyunan niyang magpapadala na lamang ng panggastos upang makabawi naman sa kaibigan at sa anak.

Labis na ikinatuwa ni Lisa ang pananatili sa kaniya ng anak. Nang tanungin niya ito kung bakit ay napayakap na lamang siya sa itinugon ng dalaga.

“Simple lang naman po ang sagot, ‘nay. Dahil kayo ang nanay ko at mahal na mahal ko kayo. Hindi man po ako sa inyo galing ay alam kong minahal niyo ako higit pa sa buhay niyo. Kaya sasamahan ko kayo sa hirap at sa ginhawa, nanay,” lumuluhang sambit ni Marie.

Advertisement