Inday TrendingInday Trending
Nawala ang Tuta ng Magkapatid; Makalipas ang Ilang Buwan ay Laking Gulat Nila sa Pagbabalik Nito

Nawala ang Tuta ng Magkapatid; Makalipas ang Ilang Buwan ay Laking Gulat Nila sa Pagbabalik Nito

“Mga anak, halikayo! Nanganak na ang aso nating si Isa, tingnan niyo ang kaniyang mga tuta. Ang liliksi na agad at ang tataba!” sambit ni Mang Edong sa kaniyang mga anak na sina Mark at Kaye.

Tuwang-tuwa naman ang dalawang bata habang pinagmamasdan ang mga bagong silang na tuta ng kanilang alagang aso.

“Tatay, ipapamigay po ba natin ang lahat ng tutang iyan? Pwede po ba tayong magtira kahit isa? Anim naman po iyan, e,” pakiusap ni Mark sa kaniyang ama.

“Aba naman, oo. Magtitira tayo kahit isa, anak. Sige, mauna na kayong pumili riyan at alam niyo namang buntis pa lamang itong si Isa ay marami na ang nais na humingi ng kaniyang mga tuta,” saad naman ni Mang Edong.

Hindi na natagalan pa ang magkapatid sa pagdedesisyon dahil napukaw agad ng pinakamataba ngunit pinakamaliit na tuta ang kanilang mga damdamin.

“Iyon pong isa, tatay,” sambit ng magkapatid habang ituturo ang tutang napili.

“Cute po kasi siya at parang napakasarap makalaro,” saad naman ni Kaye.

“O, sige. Sa inyo na iyang tuta na iyan. Basta, ipangako ninyo na aalagaan niyo siya ng maayos. Ngayon pa lamang ay mag-isip na kayo ng pangalan para sa kaniya,” wika muli ng ama.

Matagal na hinintay ng magkapatid na Kaye at Mark ang panganganak ng kanilang alagang aso. Matagal din nilang inawitan ang ama na mag-iiwan sila ng tuta. Sa totoo lang kasi ay ayaw na sana ni Mang Edong ng isa pang alaga dahil maliit lamang ang kanilang bahay. Ngunit dahil sa walang habas na pangungulit sa kaniya ng kaniyang mga anak ay napapayag rin siya.

Nang makita niya ang tuta na nais ng dalawang bata ay hindi na rin siya nakatanggi pa dahil sa nakakagigil nitong itsura.

Lumipas ang mga araw at talagang nakita ni Mang Edong na inaalagaan ng kaniyang mga anak ang mga tuta, lalo ang tuta nila. Nang isang buwan na ang lumipas ay isa-isa nang ipinamimigay ni Mang Edong ang mga tuta.

“Kung pwede lang sana, tatay, silang lahat na lang ang kupkupin natin,” malungkot na wika ni Kaye.

“Hindi ko po kaya na ipamigay ang mga tuta at mahiwalay sa nanay nila at mga kapatid, tatay. Sana ay hindi na lamang sila ipamigay,” wika naman ni Mark.

“Maging ako ay nalulungkot din mga anak. Ngunit kailangan natin silang ipamigay. Responsibilidad kasi ang pagkakaroon ng isang alaga. Kung hindi natin ito magagampanan ay mas kawawa sila,” paliwanag ng ama.

Hanggang dumating na si Mang Rene, isang karpintero sa ginagawang bahay malapit sa mag-aama. Simula kasi nang gawin ang tahanan ng kanilang kapitbahay ay napalapit na ang lalaki kay Mang Edong.

“Ang cute naman niyang hawak na tuta ng anak mo, pare. Baka pwedeng iyan na lang ang hingin ko?” saad ni Mang Rene sa ginoo.

“Naku, pare, maiiwan ang isang iyan kasi nais ng mga anak ko. Tingnan mo nga at hindi na mahiwalay sa kanila,” tugon naman ni Mang Edong.

“Naku, ‘wag niyong pababayaan iyan at baka mawala. Marami ang magnanais diyan sa tutang iyan,” wika pa ng lalaki habang kinukuha naman ni Mang Edong ang tuta na para sa kaniya.

“Ito na, pare, ang tuta mo. Alagaan mo siyang mabuti. Kung malaki nga lang itong bahay namin at bakuran ay hindi ko na lang ipapamigay ang mga ito,” wika ng ama ng mga bata.

Lumipas ang mga araw at mahahalata mo na iba talaga ang pagtingin ng ginoo sa alagang tuta ng mga bata. Kahit na kasi pilit na nakikipaglaro sa kaniyang amo ang tutang ibinigay ni Mang Edong kay Mang Rene ay hindi niya ito pinansin. Nakatuon ang kaniyang atensyon sa tuta ng magkapatid.

Hanggang isang araw ay bigla na lamang nawala ang alagang tuta ng magkapatid. Kahit saan nila ito hanapin ay hindi nila matagpuan.

“Baka kinuha na ng mga nagbabasura. Madalas kasi ay may nakikita akong umaaligid sa bakuran niyo. Siguro ay sinisipat ang tuta niyo,” sambit ni Mang Rene kay Mang Edong.

Ngunit malakas ang kutob ni Mang Edong na may kagagawan ang ginoo sa pagkawala ng kanilang alagang tuta. Napailing na lamang ang ginoo habang pinagmamasdan ang dalawang anak na lumuluha sa lungkot at pag-aalala sa alaga.

Alam niyang isang araw ay lalabas din ang katotohanan.

“Hahanapin ko siya hanggang kaya ko, mga anak. H’wag na kayong umiyak,” sambit ng ama sa mga bata.

Ngunit mag-iisang buwan na ay hindi pa rin nakikita ang mga aso. Hanggang sa natapos na rin ang ginagawang bahay ng kanilang kapitbahay. Hindi na rin nila nakita pa si Mang Rene sa lugar na iyon.

Tinanggap na lamang ng mag-aama na hindi na nila makikita pa ang kanilang alagang tuta.

“Hayaan niyo mga, anak. Kapag nanganak ulit itong si Isa ay mag-iiwan tayo ng isang tuta. Ipanalangin na lamang natin na kung san man napunta ang alaga niyo ay pinapakain siya doon nang maayos at inaalagaan,” saad ng ginoo sa kaniyang mga anak.

Makalipas ang ilang buwan ay nagpunta sa parke ang mag-aama. Laking gulat nila nang makita si Mang Rene doon na kasama ang asong kamukhang kamukha ng kanilang alagang tuta.

“Malakas din ang kutob ko, mga anak na iyon ang alaga niyo,” saad ni Mang Edong sa mga bata.

Ngunit malaki na ang aso at wala na silang patunay sa kanilang paratang sa ginoo.

Nang matanaw naman ni Mang Rene ang mag-aama ay tila nagmamadali itong umalis.

Naisipan ng mga bata na tawagin ang kanilang alagang aso. At sa nakakagulat na pagkakataon ay hindi nila inaasahan na lilingon ito. Nang matanaw ng aso ang mga bata ay dali-dali itong tumakbo patungo sa kanila. Walang patid sa pagkawag ang buntot nito at pagtahol na animo’y sabik na sabik sa kaniyang mga amo.

“Kukunin ko na ang alaga ko at uuwi na kami,” saad ni Mang Rene.

Ngunit hinarang na ni Mang Edong ang pagkuha ng ginoo sa aso.

“Noon pa man ay malakas na ang loob ko na ikaw ang nagnakaw sa alaga ng mga anak ko. Kung ayaw mong humantong pa tayo sa mga awtoridad ay iwan mo na ang asong ito at umuwi ka na. Nakakalungkot lamang isipin na itinuring kitang kaibigan ngunit ganito pa pala ang gagawin mo. Magnanakaw ka!” galit na sambit ni Mang Edong sa ginoo.

Dahil ayaw nang mapahiya pa ni Mang Rene sa mga tao sa parke ay napilitan na lamang itong tumalikod sa mag-aama at saka umalis. Naiwan sa piling ng mag-aama ang aso.

Napayakap na lamang ang dalawang bata sa alagang aso habang hindi ito magkamayaw sa galak na makitang muli ang kaniyang mga orihinal na amo. Hindi nila akalain na sa tagal ng panahon ay kilala pa rin sila nito.

Masayang umuwi sina Mang Edong, Mark at Kaye sa kanilang tahanan. Walang mapaglagyan ang tuwa ng dalawang bata sapagkat matapos ang matagal na pangungulila ay muli na nilang kapiling ang kanilang alagang aso.

Advertisement