Inday TrendingInday Trending
Labis ang Inis ng Ina sa Panganay na Anak dahil Akala Nila’y Pinagtataguan Sila Nito; Laking Gulat Nila nang Isang Tawag ang Nagsambulat ng Katotohanan

Labis ang Inis ng Ina sa Panganay na Anak dahil Akala Nila’y Pinagtataguan Sila Nito; Laking Gulat Nila nang Isang Tawag ang Nagsambulat ng Katotohanan

“Ang tagal naman ng padala mo, Kathleen. Ikaw naman ang nagsabi sa amin na humingi kami kapag may kailangan, bakit ang dating e parang nagmamakaawa pa kami sa tuwing kailangan namin ng pera?” naiinis na sambit ni Aling Sonya sa kaniyang dalagang panganay na anak.

“Pasensiya na po kayo, ‘nay, kung iyan ang tingin niyo. Pero kakapadala ko lang naman kasi po noong isang araw. Malaking halaga din po iyon. Ang akala ko ay kasama na roon ang panghanda ni Charlene sa kaarawan niya,” tugon naman ni Kathleen.

“Labing walong kaarawan ng kapatid mo at inaasahan mong magkakasya ang pinadala mo? Umaasa ang kapatid mo na magkakaroon siya ng malaking handaan. Ikaw ang nangako sa kaniya niyan!” sambit muli ng ina.

“Ang sabi ko po ay ipaghahanda ko siya. Pero hindi po enggrande, ‘nay. Pasensiya na talaga kayo dahil marami din po akong bayarin dito sa ibang bansa. Pinagkakasya ko lang po ang kinikita ko,” paliwanag ni Kathleen.

“Bahala ka! Hayaan mo na lang mapahiya ang kapatid mo! Makasarili ka! Para pera lang ay ipinagdadamot mo pa!” galit na ibinagsak ni Aling Sonya ang telepono.

Caregiver sa Amerika si Kathleen. Apat na taon na siyang nagtatrabaho sa ibang bansa ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang naiipon o naipupundar. Simula kasi nang napunta siya sa ibang bansa ay nag-iba na rin ang pamumuhay ng kaniyang pamilya.

Sinikap ni Kathleen na mapag-aral ang kaniyang sarili. Nang magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa ay agad niya itong sinunggaban. Dahil laki sa hirap, ang tanging pangarap lamang ng dalaga ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Ngunit nagbago ang lahat ng pananaw ng pamilya niya nang makatuntong siya ng Amerika.

Ang akala ng mga ito ay pinupulot lamang ni Kathleen ang lahat ng perang kaniyang ipinapadala. Kaliwa’t kanan ang hingi nila sa dalaga. Ngayon nga ay panay ang tawag ng kaniyang ina dahil nais daw ng kanilang bunso na maghanda ng bongga para sa kaniyang nalalapit na debut. Ngunit walang maibigay si Kathleen.

“Ano ang sabi ng ate, ‘nay? Magpapadala pa daw ba siya?” tanong ni Charlene sa ina.

“Ay, ewan ka riyan sa ate mo! Ang sabi ay pagkasiyahin na lamang daw ang pinadala niya noong isang araw! Magtiis ka sa simpleng handaan!” giit ni Aling Sonya.

“‘Nay, limangpung libong piso lang ang pinadala ng ate, para sa gown ko lang ‘yung matitira doon, e. Nasabi ko na sa mga kaibigan at mga kaklase ko na malaking handaan ito, mapapahiya ako!” wikang muli ng bunsong anak.

“Ikaw ang kumausap sa ate mo! Nagsasawa na akong manghingi sa kaniya. Ilang beses na akong tumawag, puro wala raw pera. Parang hindi nasa Amerika kung magsalita. Hirap-hirap pa niyang tawagan, akala mo ba!” pahayag ng ginang.

Hindi na maipinta ang mukha ni Charlene dahil sa inis sa kaniyang ate. Hindi niya kasi akalain na hindi pala magiging katulad ng kaniyang inaasahan ang pagdiriwang ng kaniyang kaarawan.

Dahil hindi na makatiis si Charlene ay kusa na niyang tinawagan ang kaniyang ate upang sabihin ang kaniyang nais. Ngunit hindi na sumasagot sa mga tawag sa telepono ang kaniyang ate.

“Akala ko ba ay malaking pagdiriwang ang kaarawan mo, Charlene? Bakit hanggang ngayon ay tila hindi pa kayo naghahanda? Hindi ba sa isang linggo na ‘yun?” usisa ng isang kapitbahay.

“Hay, naku! Ewan ko riyan kay ate. Mangangako tapos hindi naman tutuparin!” tugon ng dalaga habang nakakunot ang noo.

“Mayabang na talaga ang anak kong iyon! Mantakin mo, hingan mo ng konti ay kung anu-ano na ang isusumbat. Akala mo ay ang daming nagawa para sa amin! Ang taas ng tingin sa sarili. Ni hindi nga sinasagot ang mga tawag namin. Baka inuna na ang landi at nag-asawa na roon!” pagsingit naman ni Aling Sonya.

“Baka naman kung ano na ang nangyari, Sonya. Kinukumusta mo ba ang anak mo roon? Aba, sabi ng pamangkin ko na nasa Amerika din, mahirap daw ang buhay doon dahil malaki ang gastos sa upa at mga bilihin,” pahayag ng kapitbahay.

“Maganda ang trabaho ni Kathleen sa Amerika! Ang laki-laki ng sinusuweldo niya. Ang sabihin mo ay habang tumatagal ay lumalaki na ang ulo. Gusto niya, kung ano lang ang ipinadala niya ay iyon lang ang pagakakasyahin. Kawawa itong kapatid niya at mapapahiya sa kaarawan niya,” saad muli ni Aling Sonya.

Lumipas ang ilang araw at wala pa ring sagot at tawag na nagmumula kay Kathleen. Sobra ang inis ni Aling Sonya dahil akala niya’y pinagtataguan na sila ng kaniyang anak.

Hanggang sa isang tawag ang kaniyang natanggap.

“Kayo po ba ang ina ni Kathleen?” saad ng isang lalaki sa telepono.

“Kasamahan po ako ni Kathleen sa trabaho. Nais lamang po namin ipabatid sa inyo na yumao na po ang anak ninyo,” pahayag ng lalaki.

Laking gulat ni Aling Sonya.

“Nagbibiro ka ba? Noong nakaraan lamang ay nakausap ko pa siya. Tapos ay sasabihin mong yumao na? Kung wala kang magawa ay tigilan mo ang pagtawag sa akin!” sigaw ni Aling Sonya.

“Matagal na pong may karamdaman ni Kathleen. Ilang buwan na rin po siyang hindi nakakapasok sa trabaho. Wala po akong dahilan para gumawa ng kwento. Sa ngayon po ay kailangan niyong makipag-ugnayan sa embahada para maiuwi ang kaniyang mga labi,” saad pa ng kasamahan ni Kathleen.

Nanlambot ang tuhid ni Aling Sonya sa kaniyang mga narinig. Muling nagbalik sa kaniyang alaala ang huling usapan nila ng kaniyang anak. Nanumbalik din sa kaniyang isipan ang lahat ng sinabi niya sa anak simula nang hindi na ito matawagan. Ang akala niyang nagdadamot na anak ay nakikipaglaban pala sa karamdaman nang mag-isa.

Malungkot niyang ibinalita kay Charlene ang nangyari sa ate nito. Labis na nabigla ang dalaga. Parehas silang nagsisisi sa mga sandaling iyon.

Hindi na napigilan ni Aling Sonya ang maluha. Lalo pa at alam niya sa kaniyang puso na hindi siya naging isang mabuting ina sa kaniyang panganay na anak. Ngunit kahit anong pagsisisi ay hindi na nito maibabalik pa ang mga sandali na sana ay naipadama niya ang pagmamahal at kalinga sa panganay na anak na si Kathleen.

Advertisement