Renewal of Vows ang Sorpresa ng Magkakapatid sa Kanilang mga Magulang; Isang Lihim ang Naungkat Nang Dahil sa Kanilang Balak
“Alam ko na… bakit hindi na lang renewal of vows!”
Sabay-sabay na napatingin sina Rhodalie, Rosalie, at Rowanie sa kanilang ateng si Rodralie. Kasalukuyan silang nagpaplano kung paano nila sosorpresahin ang kanilang mga magulang sa silver anniversary ng mga ito.
“Bright idea ate! Oo nga ‘no? Parang maganda nga iyan. Ginagawa rin iyan ng mga couple eh. Tama iyan na lang! Tapos, ang honeymoon nila, sasama na tayo sa bakasyon! Nasasabik na ako!” pagsang-ayon naman ni Rowanie, ang bunso.
“Wait lang, kung renewal of vows, naku kailangan nating upuan iyang maigi. Kailangan nating planuhin. Kasi para lang iyang ikakasal din. Kailangan may invitation, may programme, saka may reception din. Siyempre iimbitahan din natin ang mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala natin,” pagtaliwas naman ni Rhodalie, ang sumunod kay Rodralie.
“Oo nga. Sang-ayon ako kay Ate Rhodalie,” saad naman ni Rosalie, ang pangatlong anak. “Kung ganiyan kabongga ang gagawin natin, dapat lang talaga na mapaghandaan natin. Kaya ba nating maglaan ng oras para pagplanuhan ang lahat ng ito?”
“Ako, oo. Para naman kina Mama at Papa eh. Isisingit ko sa schedule ko,” sabi ni Rowanie.
“O kung hindi natin kakayanin, puwede naman tayong kumuha ng wedding planner o coordinator para wala na tayong gagawin. Magbabayad na lang tayo. Less stress pa,” giit ni Rodralie.
“Naku, ate, gastos lang iyan. Tayo-tayo na lang din ang mag-asikaso para mas matuwa sina Mama at Papa. ‘Yong gagastusin natin sa wedding planner na kayang-kaya naman natin, puwede pa nating gamitin sa honeymoon nila para makasama naman tayo sa bakasyon,” mungkahi naman ni Rosalie.
At nagkaisa na ang apat na magkakapatid. Naghatian na rin sila ng distribusyon para sa pag-aasikaso sa mga kakailanganin sa gagawing renewal of vows ng kanilang Mama at Papa sa silver anniversary nila. Si Rodralie ang bahala sa pag-aasikaso sa simbahan, sina Rhodalie at Rosalie naman sa reception, at si Rowanie naman ang maghahanap ng mga itineraryo para sa honeymoon.
Nagtungo na si Rodralie sa inaakala niyang simbahan na pinagkasalan ng kanilang mga magulang subalit walang maibigay na kopya ng marriage certificate ang naturang simbahan. Ayaw niyang hingin ang kopya sa mga magulang dahil baka mabuko ng mga ito ang kanilang sorpresa kaya minabuti niyang magtungo na lamang sa nag-iisang simbahan sa kanilang bayan, dahil tiyak namang doon nagpakasal ang dalawa. Wala raw ikinasal sa kanila na Mr. and Mrs. Rodolfo at Natalie Mendoza sa taong sinasabi niya.
“Bakit kaya wala silang marriage certificate sa simbahan na iyon?” nagtataka si Rodralie.
Minabuti niyang magtungo sa munisipyo dahil baka sa huwes ikinasal ang dalawa, subalit wala rin umanong tala o record ng kasalang naganap sa ganoong mga pangalan. Bagay na ipinagtaka ni Rodralie.
“Baka naman sa ibang simbahan sila ikinasal? O baka sa ibang huwes o munisipyo?”
“Ang mabuti pa, tanungin natin si Tita Nessa,” mungkahi ni Rosalie. Si Tita Nessa ang kaisa-isang kapatid ng kanilang Mama.
Nagsadya nga ang apat sa bahay ng kanilang Tita Nessa. Napatda naman si Tita Nessa sa dahilan ng pagsadya ng magkakapatid.
“Renewal of vows? Hindi ba’t ginagawa lamang iyon kapag kasal na ang mag-asawa?” takang paglilinaw ni Tita Nessa.
“Opo, tita. Tama po kayo. Iyan po ang balak naming sorpresa sa silver anniversary nina Mama at Papa,” sagot ni Rodralie.
“Paano mangyayari iyon eh hindi naman kasal ang Mama at Papa ninyo?” sagot ni Tita Nessa.
Napatulala at nabigla ang magkakapatid. Tila nalaglag ang kanilang mga panga sa rebelasyon ng kanilang Tita Nessa.
“H-Hindi k-kasal? Tita, paano nangyaring hindi kasal sina Mama at Papa?” nabubulol na untag ni Rowanie.
“Hindi pa ba sinasabi sa inyo ni Natalie? Mabuti pa, sila ang kausapin ninyo. Ayokong sa akin manggaling ang lahat,” payo ni Tita Nessa. Pansin nilang iwas na iwas ito.
Umuwing tahimik sa isa’t isa ang magkakapatid. Palaisipan sa kanila ang lahat. Hindi pala kasal ang kanilang Mama at Papa? Tumanda at nagsilakihan silang lahat na magkakapatid na hindi nila alam ang katotohanan sa pagsasama ng kanilang Mama at Papa?
Kaya ba sa tuwing nagdiriwang ng anibersaryo ang dalawa, anibersaryo lamang at hindi “wedding anniversary?” Na sila lamang ang nag-akalang kasal naman ang dalawa dahil iyon ang kanilang kinalakhan: isang masaya at halos perpektong pamilya? Mga katanungang nais masagot ng apat na magkakapatid.
“O-oo, anak. Hindi kami kasal ng Papa ninyo. Hiwalay na ang Papa ninyo sa una niyang misis pero hindi pa sila annulled. Iyan ang katotohanan,” pag-amin ng kanilang inang si Natalie nang tanungin nila ito sa kanilang natuklasan.
“Patawarin ninyo kami kung inilihim namin sa inyo ang lahat,” saad naman ng kanilang amang si Rodolfo.
“Pero mga anak, huwag kayong malungkot. Nabalitaan kasi namin na sumakabilang-buhay na kamakailan ang dating asawa ng inyong Papa dahil sa katandaan. Biyudo na ang Papa ninyo. Kung gayon, maaari na kaming magpakasal,” masayang balita ni Natalie, na labis namang nagpasaya sa apat na magkakapatid.
Kaya naman, hindi na renewal of vows ang naganap kundi tunay na kasalan na. Natuloy din ang sorpresa ng magkakapatid para sa kanilang mga magulang, gayundin ang regalo nilang honeymoon ng mga ito, kasama sila.