Kakaiba ang Naramdaman ng Dalaga sa Ginoong Nakilala sa Piging; Bandang Huli’y Maghihiwalay rin ang Kanilang Landas
“Kathy, hindi ka pa ba aalis? Malapit nang magsimula ang piging. Hindi maganda na mahuli ka dahil maraming kapita-pitagang tao ang dadalo sa pagtitipon na iyon,” sambit ni Yaya Tessie sa tatlumpu’t isang taong gulang na alaga.
“Sige, yaya, susunod na po ako sa baba. Bigyan n’yo lang po ako ng limang minuto pa at bababa na rin ako. Pakisabi na rin po sa driver na maghanda na at aalis na rin kami,” tugon naman ni Kathy.
Halos mag-iisang oras na ring pinakatitigan ni Kathy ang kaniyang sarili sa salamin. Tinitingnan niya ang bawat anggulo ng kaniyang mukha at katawan. Nais niyang maging perpekto sa gabi na iyon. Bawat kurba ay kaniyang sinisilip dahil gusto niyang mangibabaw ang kaniyang ganda.
Ngunit sa kabila ng karangyaan at kagandahan ay bakas sa mga mata ni Kathy ang lumbay. Kinuha niya ang kaniyang selpon at saka isinilid sa kaniyang maliit na bag. Handa na siyang pumunta sa piging.
“Ayos ka lang ba kahit ikaw lang mag-isa? Gusto mo bang sumama ako, hija? Kahit maiwan lang ako sa sasakyan. Nais ko lang masiguradong ayos ka,” saad ni Yaya Tessie sa alaga.
“Hindi na po kailangan, yaya. Kaya ko po ito. Manatili na lamang po kayo dito sa bahay at magpahinga. Sandali lang po ako sa piging. Tatapusin ko lang ang mga kailangan kong gawin tapos ay uuwi rin po ako kaagad. Hindi naman po talaga ako mahilig sa mga gano’ng pagtitipon. Kilala n’yo naman ako,” wika pa ni Kathy.
“Kaya nga gusto kitang samahan, Kathy. Basta kung kailangan mo ng makakasama ay tawagan mo lang ako. Siya nga pala, napakaganda mo lalo, Kathy. At mas gaganda ka pa kung makakakita ako ng isang matamis na ngiti sa iyong mga labi,” sambit pa ng yaya.
Isang matipid na ngiti ang ibinigay ni Kathy sa tagapag-alaga.
Bata pa lamang si Kathy ay si Yaya Tessie na ang nag-aalaga sa kaniya. Abala kasi ang kaniyang mga magulang sa negosyo. Kaya kabisado na ni Yaya Tessie kung may dinaramdam ang alaga.
“Napakaganda ni Ma’am Kathy, ‘no, Manang Tessie. Sigurado akong maraming naiinggit sa katayuan niya dahil nasa kaniya na ang lahat,” saad ng isa pang kasambahay.
“Sana nga’y makuha niya ang lahat ng ninanais ng kaniyang puso. Sana kahit sa gabing ito lang ay makalimutan niya ang kaniyang mga problema,” wika naman ni Yaya Tessie.
Samantala, halos lahat ay nakatingin kay Kathy nang dumating ito sa pagtitipon. Maraming lalaki ang nais na kumausap sa kaniya ngunit hindi niya ito pinaunlakan. Dahil ayaw niyang makipag-usap at gusto lamang niyang mapag-isa ay nagpunta siya sa terasa.
Doon niya ininom ang hawak niyang champagne habang nakatingin sa tanawin.
Maya-maya ay may narinig siyang isang boses mula sa hindi kalayuan.
“Ang ganda ng siyudad sa gabi, ano? Ibang-iba ang itsura kaysa sa umaga. Parang ang kalmado lang ng lahat,” saad ng isang lalaki.
“Kanina ka pa ba nandito? Pasensya na kung nakaistorbo ako. Sige, aalis na ako at babalik na lang ako sa party,” nahihiyang sambit ni Kathy.
“Naku, ayos lang sa akin. Kung gusto mong mapag-isa ay ako na lang ang aalis,” wika naman ng lalaki.
“Hindi ko kasi talaga matagalan ang mga pagtitipon na tulad nito. Ngunit kailangan kong dumalo dahil alam mo na, dahil sa negosyo. Minsan nga parang gusto ko na lang kumawala. Tumakbo nang malayo doon sa lugar na malayong-malayo sa buhay ko. Pero naiisip ko rin na maraming tao ang nais makipagpalit sa pwesto ko. Pero bakit gan’on? Bakit–” biglang natigilan si Kathy.
“Bakit parang hindi ka masaya?” dugtong ng lalaki.
Isang malungkot na tingin lamang ang naisagot ni Kathy.
“Naku, pasensya na! Marami na ata akong nainom. Pasensya ka na sa akin. Sige, aalis na ako,” nagmamadaling wika ni Kathy.
“Ayos lang. Parehas lang siguro tayo ng nararamdaman kaya pareho tayong narito ngayon. Ako nga pala si Lance Cordero. At kung iniisip mo kung pamilya ba namin ang may-ari ng malaking mga gasoline stations sa Pilipinas ay tama ka,” natatawang sambit ng lalaki.
“Ako nga pala si Kathy– Catherine Romero. Mula sa pamilya ng mga fast food chains. Ikinagagalak kitang makilala,” sambit naman ng babae.
Hindi maintindihan ng dalawa kung bakit tila magaan ang loob nila sa isa’t isa. Nang gabing iyon ay ilang oras silang nanatili sa terasa para magkwentuhan. Matagal na rin ata ang panahon simula nang madama ni Kathy ang gano’ng pakiramdam. Sa matagal na panahon ay nakalimutan niya ang kaniyang mga responsibilidad at nagsimulang maramdaman niya ulit na siya ay si Kathy.
Hindi namalayan ng dalawa na patapos na ang piging at ilang mga tao na lamang ang naroon. Kanina pa may tumatawag sa selpon ni Kathy pero hindi niya ito napapansin.
Hanggang sa napansin ng dalawa na sila na lamang ang tao sa lugar na iyon.
“Malalim na pala ang gabi. Kailangan ko nang umuwi,” sambit ni Kathy kay Lance.
“Magkikita pa ba tayong muli, Kathy? Mauulit pa kaya ang mga gabing tulad nito?” tanong naman ng ginoo.
“Sigurado akong magku-krus muli ang ating mga landas. Pero, Lance, alam naman natin pareho na hindi na ito mauulit pa. Masaya ako na nakasama kita ngayong gabi ngunit ayaw kong magkasala,” pahayag pa ni Kathy sabay dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ng ginoo.
Iniangat niya iyon hanggang sa parehas nilang pakatitigan ang kanilang mga singsing.
“Parehas na tayong kasal, Lance. Kailangan na tayo ng mga asawa natin. Kanina bago ako pumunta sa piging na ito ay dapat kasama ko ang asawa kong si Robert ngunit abala siya. Abala siya sa pagtugon sa maraming bagay ngunit hindi sa akin na kaniyang asawa. Ngunit isa sa mga responsibilidad na nakaatang sa akin ay maging isang mabuting asawa,” pahayag pa ni Kathy.
“Bakit hindi na lang kita nakilala noong una pa lang, Kathy? Sana ay hindi na lang ako pinagkasundo ng mga magulang ko. Pero salamat sa iyo dahil sa unang pagkakataon ay naranasan kong lumigaya. Kahit sandali lang,” saad naman ni Lance.
Naghiwalay ng landas si Lance at Kathy ng gabing iyon na may lungkot sa kanilang mga puso. Sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga asawa’y kailangan nilang kalimutan ang mga sandaling nakakalimot sila sa kanilang mga responsibilidad.
Sa pag-uwi ni Kathy sa bahay ay sinalubong siya ng kaniyang Yaya Tessie.
“Mukhang nag-enjoy ka sa party, Kathy, at ginabi ka na ng uwi,” bungad ng matandang yaya.
“Kung p’wede lang na itigil ko ang oras, yaya, ay ginawa ko na. Pero kailangan kong bumalik sa tunay na mundong aking ginagalawan,” saad naman nI Kathy.