Tinanggihan at Inihagis ng Anak ang Regalong Lumang Suklay ng Ama; Sa Dulo ay Pagsisisihan Niya Ito
Naabutan ni Criselle na nagbibilang ng pera ang kaniyang amang si Mang Samuel.
“O, ‘tay, binuksan n’yo na pala ang alkansya n’yo! Saan n’yo po ba gagastusin ‘yan?” tanong ng dalaga sa kaniyang ama.
“Nabalitaan ko kasing malapit na raw ikasal ang Ate Pamela mo. Nais ko siyang bigyan ng kahit muntik regalo sa araw ng kasal niya,” tugon naman ni Mang Samuel.
“Bakit po, ‘tay? Pinadalhan po ba niya kayo ng imbitasyon? Kinumbida po ba niya kayo sa kasal niya? Aba’y ano kaya ang nakain ng anak niyong iyan at biglang gusto tayong makita?” sambit muli ni Criselle.
“Hindi, anak. Walang dumating na imbitasyon dito. Nabalitaan ko lang sa tiyahin mo. Maging sila nga ay hindi inimbita. Nais ko lang na kahit paano ay may maabot na regalo sa kaniya para lang malaman niyang lagi ko siyang naaalala,” muling wika ng ginoo.
“‘Tay, tama na po ang paghabol n’yo kay Ate Pamela. Iba na po ang buhay niya ngayon. Tanggapin n’yo na po na tinalikuran na niya tayo. Hayaan na po natin siya sa gusto niya. Baka mamaya ay ipahiya lang tayo ni ate sa kasal niya. Talagang aawayin ko ‘yan!” wika pa ng dalaga.
“Naiintindihan ko naman ang Ate Pamela mo kung bakit ayaw niya sa atin. Nakakahiya talaga ang buhay na meron tayo. Pero alam kong sa kaibuturan ng kaniyang puso ay mananatili tayong pamilya niya,” pahayag naman ni Mang Samuel.
“Iyan ang akala n’yo! Kung talagang mahal tayo niyang anak n’yo ay ‘di sana’y kinausap man lamang niya kayo ngayong ikakasal na siya. Saka hindi po ba dapat kayo ang maghatid sa kaniya sa altar? Kung alam lang ng mapapangasawa niya ang sama ng ugali niyang si Ate Pamela ay tiyak kong hindi na siya nito pakakasalan pa!” galit na sambit ni Criselle.
“Iyan ang huwag mong gagawin, anak. Hayaan mo na ang Ate Pamela mo na mabuhay sa paraan na gusto niya. Intindihin na lamang natin siya,” saad pa ng ama.
Sampung taon na ang nakakalipas nang yumao ang ilaw ng tahanan ng mag-anak ni Mang Samuel. Mula noon ay nagdamdam na sa kaniya ang panganay na anak. Sa tingin kasi nito ay pinabayaan ni Mang Samuel ang kaniyang asawa.
Nagpunta si Pamela sa ibang bansa at doon nagtrabaho. Mula noon ay hindi na nakatanggap pa ng kahit isang tawag si Mang Samuel mula sa panganay nitong anak. Hanggang sa nabalitaan nga niyang tuluyan nang nagbago ang buhay nito.
Sa pagbabalik ni Pamela sa Pilipinas ay tuluyan na niyang tinalikuran ang kaniyang pamilya para magsimula ng panibagong buhay. Ayaw na sanang umuwi pa ng dalaga sa bansa ngunit nais ng kaniyang asawa na dito sa Pilipinas ikasal.
Nang mabalitaan naman ito Mang Samuel ay dali-dali niyang biniyak ang kaniyang alkansya upang sa muli nilang pagkikita ng anak ay may maibigay siyang regalo.
Laking pagkadismaya ni Mang Samuel nang malamang wala pa sa isang libo ang naipon niyang pera sa alkansiya.
“Mukhang mumurahing baso lang ang maibibigay ko sa kasal ng anak ko,” malungkot na wika ng matanda.
Sa kaniyang paglilibot sa bayan ay napadpad siya sa tindahan ng mga surplus.
“Naalala ko ang sabi ni Pareng Nando, dito daw siya nakabili ng murang mga muwebles. Lahat daw ng narito ay galing ibang bansa,” bulong niya sa sarili.
Marahan siyang pumasok sa tindahan upang maghanap ng p’wede niyang ibigay sa kaniyang anak na kakasya sa kaniyang dalang pera.
Natuwa si Mang Samuel sa kaniyang mga nakita sa loob ng tindahan. Kahit na gamit na at may kalumaan ang ibang mga bagay ay talagang magaganda pa rin ito.
Isang lumang suklay na may salamin ang pumukaw ng kaniyang paningin. Bigla niyang naalala ang mahaba at magandang buhok ni Pamela.
“Tiyak akong matutuwa ang anak ko nito dahil alam kong gusto niyang laging maayos ang kaniyang buhok,” maligayang sambit muli ni Mang Samuel sa sarili.
Agad niyang binili ang lumang suklay. Laking tuwa niya nang malaman niyang dalawang daang piso lamang ito. Bumili siya ng kahon at ng pambalot at dali-dali siyang umuwi ng bahay upang balutin ang regalo.
“Bukas ay dadalhin ko ang regalong ito sa kasal ng ate mo. Kapag nakita niya ito ay tiyak kong matutuwa siya, anak,” sambit ni Mang Samuel kay Criselle.
Napapailing na lang si Criselle dahil ayaw magpapigil ng kaniyang ama.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay ayos na ayos na si Mang Samuel. Kinakabahan man ay mas nananaig sa kaniya ang pagkasabik na muling makita ang panganay na anak.
Hinintay niyang matapos ang seremonya sa simbahan. Patuloy ang kaniyang pagluha habang tinatanaw ang anak na suot ang trahe de boda nito. Napakaganda ni Pamela noong araw na ito at talagang kay laki na ng pinagbago ng itsura nito.
Nang matapos ang kasal ay kumuha ng tiyempo si Mang Samuel upang makalapit sa anak. Nang matanaw ni Pamela ang ama ay agad niya itong nilapitan.
“Anong ginagawa n’yo rito? Hindi ba sinabi ko nang wala ng nag-uugnay sa atin? Kalimutan n’yo na ako!” naiinis na sambit ni Pamela.
“A-anak, narito lang naman ako para ibigay itong regalo ko sa’yo. Tapos ay aalis na ako. Sige na, anak, buksan mo!” pakiusap ni Mang Samuel na pilit na inaabot ang dalang regalo.
Pabadog na kinuha ito ni Pamela at saka dali-daling binuksan.
“Isang suklay?! At luma pa talaga! Aanhin ko naman ang walang kwentang bagay na iyan? Dalhin mo na ang suklay na ito at umuwi ka na! Hindi ka imbitado dito! Parang awa mo na, patahimikin mo na ang buhay ko dahil ayaw ko nang bumalik sa hirap ng buhay natin noon!” bulyaw pa ni Pamela sabay tapon ng regalo ng ama.
Ilang sandali pa ay biglang lumapit si Criselle. Sinundan pala nito ang ama.
“Sumosobra ka na! Wala namang nagawang masama sa iyo si tatay ngunit kung itrato mo siya ay parang isang hayop! Tara na po, ‘tay, at umuwi na tayo. Pabayaan n’yo na ‘yang babaeng ‘yan. Matagal naman na tayong tinalikuran niyan dahil kinakahiya niya ang mahirap nating buhay! Kapag kami ang yumaman ni tatay, sinisiguro ko sa iyo na hinding hindi ka makakalapit sa amin!” sigaw ni Criselle.
Inakay na ni Criselle pauwi ang ama pagkatapos nitong pulutin ang regalo na inihagis ng nakatatandang kapatid.
“Kalimutan n’yo na po si Ate, ‘tay. Paulit-ulit lang po tayong masasaktan,” saad pa ng dalaga.
“Anak, sa iyo na lang ang suklay na iyan. Pasensya ka na sa akin kung laging ang ate mo na lang ang nasa isip ko. Hindi na tuloy kita nabigyan ng atensyon. Itago mo ‘yan. Ako mismo ang pumili at bumili niyan,” saad ni Mang Samuel.
Lumipas ang ilang taon at hinayaan na lang ng mag-ama si Pamela sa gusto nito. ‘Di nagtagal ay nagkaroon ng malubhang sakit si Mang Samuel at sa kasamaang palad ay tuluyan na itong namaalam.
Samantala, naging maayos naman ang pamumuhay ni Criselle. Kahit paano ay may naipundar na rin ito. Nakapangasawa rin ito ng lalaking maykaya sa buhay.
Isang araw ay muling nakita ni Criselle ang lumang suklay na bigay ng kaniyang ama.
“Nakakatuwa ang suklay na ito. Bigay ito sa akin ng tatay ko. Luma na ito noong ibigay niya. Pero hanggang ngayon ay parang hindi kumukupas ang ganda niya,” saad ni Criselle sa asawa.
“Maganda ang pagkakayari nitong suklay, mahal. Baka mamaya ay antigo ito. Nakita ko na ang itsura ng mga ganitong suklay dati, hindi ko lamang matandaan kung saan. Gusto mo bang ipasuri natin?” wika naman ng asawa.
Agad na ipinasuri ng mag-asawa ang lumang suklay sa isang eksperto. At laking gulat nilang malaman na ito pala’y nagkakahalaga ng milyon-milyong piso!
“Pagmamay-ari ang suklay na ito ng isang monarkiya sa Denmark. Matagal na itong hinahanap at nagkakahalaga ito ng isang daang milyon sa pera natin! Hindi ako makapaniwala na natagpuan n’yo ito!” saad ng eksperto.
Nang malaman ng mag-asawa ang halaga ng naturang suklay ay agad silang nagpaabot ng tawag sa embahada ng Denmark upang ipabatid ang suklay na nasa kanilang pag-aari.
Agad silang inilipad sa ibang bansa upang sila mismo ang magsauli ng antigong suklay. At nakuha nila ang kanilang pabuya.
Mabilis na kumalat ang balitang ito sa buong mundo.
Nang makita ni Pamela ang kaniyang kapatid sa telebisyon ay labis niya itong ikinagulat. Hindi niya akalain na makakakuha ito ng malaking halaga. At higit pa roon, nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita niya ang lumang suklay na ireregalo dapat ng kaniyang ama ang may dahilan ng lahat ng ito.
Nanlambot ang tuhod ni Pamela sa balitang ito. Labis din ang kaniyang panghihinayang dahil sa laki ng kayamanang nakuha ng nakababatang kapatid. Sinubukan ni Pamela na kausapin si Criselle sa pagbabakasakaling babahagian siya nito. Ngunit ito lamang ang naging sagot ng kapatid.
“Kay tagal hinintay ni tatay na kausapin mo kaming muli at magbalik sa amin. Kahit kailan ay hindi pinabayaan ni tatay si nanay. Hindi niya kasalanan kung bakit tayo mahirap. Pero ikaw, nagkaroon ka ng pag-asa na umunlad ang buhay mo ngunit hindi mo man lang kami naalala. Hindi mo man lang nagawang kumustahin si tatay. Ngayon ay narito ka para sa iyong parte? Mas nanaisin ko pang ibigay sa ibang nangangailangang ‘di ko kaano-ano ang pera kaysa sa iyo. Matagal mo nang pinutol ang pagiging magkapatid natin. Kaya makakaalis ka na,” matapang na sambit ni Criselle.
Napahiya ng lubos si Pamela. Kasalanan din naman niya kung bakit tumigas nang gano’n ang puso ni Criselle.
“Patawarin mo ako, ‘tay. Pero mabubuhay ang alaala n’yo dahil gagamitin ko ang perang nakuha ko para tumulong sa ibang mga taong nangangailangan,” bulong ni Criselle habang nakatitig sa kalangitan.