Inday TrendingInday Trending
Imbis na Paunlakan ay Nagalit pa ang Magkapatid sa Paanyaya ng Ina; Laking Pagsisisi Nila nang May Mangyaring Masama Dito

Imbis na Paunlakan ay Nagalit pa ang Magkapatid sa Paanyaya ng Ina; Laking Pagsisisi Nila nang May Mangyaring Masama Dito

“Kuya, tumawag si Mama sa akin. Nais niyang pumunta raw tayo sa bahay niya sa darating na Linggo. Naglalambing na dalawin naman daw natin siya. Makakapunta ka ba?” tanong ni Raymond sa kaniyang Kuya Ringo.

“Susubukan ko, Ray, hindi ako makakapangako. Ang dami ko kasing kailangang gawin sa opisina. Ngayon nga ay mag o-overtime na na naman ako. Ikaw na lang muna kaya ang pumunta at sa susunod na Linggo na lang kami ng pamilya ko,” mungkahi naman ng nakatatandang kapatid.

“Kaya nga ako tumawag sa iyo, Kuya, dahil hindi rin ako makakapunta. Ang dami ko ring kailangang gawin. Nag-aaya pa ang boss ko na samahan ko raw siya sa planta. Hindi ko naman masabi kay mama dahil baka magdamdam na naman iyon sa akin. Sabi pa niya ay magluluto siya ng paborito mong kare-kare,” muling pahayag ni Raymond.

“Bahala na, Ray. O kaya tawagan ko na lang si Mama mamaya at ako na ang magpapaliwanag sa kaniya,” sambit naman ni Ringo.

Pagkatapos ng usapan ng magkapatid ay agad tumawag si Ringo sa kaniyang ina upang magpaliwanag.

“Ma, baka p’wedeng sa susunod na Linggo na lang kami pumunta riyan. Hindi ako p’wede dahil naka-kompromiso na ako sa trabaho. Si Raymond din pala ay hindi p’wede dahil may lakad sila ng boss niya. Kailangan kasi namin ang mga trabaho namin, Ma, kaya sana ay huwag kang magtampo,” paliwanag ni Ringo sa inang si Teresa.

“Anak, kasi gustung-gusto ko na kayo makita pati ang mga apo ko. Miss na miss ko na kayo. Lagi lang akong mag-isa rito sa bahay. Isang buwan na mula nang huli n’yo akong dalawin. Saka isa pa ay may iaabot ako sa inyong magkapatid,” pagpupumilit ng kaniyang Mama Teresa.

“Ma, sa susunod na Linggo na lang po. Hindi po ba makakapaghintay ‘yan? Importante kasi ang mga kailangan naming gawin sa trabaho. Unawain n’yo naman,” muling giit ng panganay.

“Ipagluluto kita ng kare-kare, anak. Saka ano ba ang paborito ng asawa at anak mo nang mapagluto ko rin sila? Itatanong ko rin kay Raymond kung ano ang gusto ng pamilya niya. Mamamalengke na ako bukas para nakahanda na sa darating sa Linggo,” wika muli ni Teresa.

“’Ma, huwag naman kayong makulit. Sinabi na pong sa susunod na Linggo na nga lang ‘di ba? Hindi naman p’wedeng nagpaplano kayo nang basta na lang. Isipin n’yo rin naman kaming mga anak n’yo na may binubuhay na pamilya. May mga responsibilidad kami, ‘Ma! Ura-urada naman kasi kayong magdesisyon. Sa susunod ay tatanungin n’yo muna kami!” naiinis nang sambit ni Ringo.

“Pasensya ka na, anak. Sadyang namimiss ko lang kayo. Sige, sa susunod na Linggo na lang kapag wala na kayong gagawing magkapatid. Pasensya na sa pang-aabala ko,” bakas ang lungkot sa boses ni Teresa.

Wala nang nagawa pa si Teresa kung hindi hintayin ang susunod na Linggo. Araw-araw siyang nag-iisip ng ihahanda para sa pagdating ng kaniyang mga anak at mga pamilya nito.

Ngunit isang araw na lamang bago ang nakatakdang petsa ay tumawag ang magkapatid. Hindi raw makakapunta ang mga ito dahil may kailangang tapusin muli sa kani-kanilang mga trabaho.

Labis ang lungkot ni Teresa. Lumapit siya sa mga larawan ng anak na nakasabit sa dingding at pinakatitigan ang mga ito.

“Ang hirap pala talagang mag-isa lalo na kapag matanda ka na. Rogelio, kung narito ka sana ay may katuwang ako. Ngayon ay naghihintay na lamang ako na mabigyan ng oras ng mga anak mo. Minsan naiisip ko tuloy kung may mali ba sa pagpapalaki natin sa kanila o sadyang marami lang talaga silang responsibilidad,” sambit ni Teresa habang kinakausap ang larawan ng asawa.

Kahit nagtatampo ay patuloy na tinatawagan ni Teresa ang kaniyang mga anak. Kinukulit pa rin niya ang mga ito na dalawin siya dahil may nais daw siyang ibigay.

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan ngunit hindi pa rin nadadalaw nila Raymond at Ringo ang ina.

Hanggang sa isang araw ay may natanggap silang tawag mula kay Teresa. Halata sa boses nito ang pagkataranta at takot.

“Ma, ano’ng nangyayari? Bakit ganyan ang tono ng boses n’yo?” pag-aalala ni Raymond.

“Raymond, anak, tawagan mo ang kuya mo! Hindi ko alam kung ano ang nangyari pero naibigay ko ang lahat ng mga alahas at pera ko sa isang lalaki. Kumatok siya sa bahay at inalok ako ng kung anu-ano. Hindi ko na maalala pa kung ano ang nangyari basta nang mahimasmasan ako ay nalimas na ang lahat!” naghuhuramentadong sambit ng ina sa kabilang linya ng telepono.

Sa pag-aalala ay agad na nagtungo ang magkapatid sa bahay ng kanilang ina. Dinatnan nila na naroon na ang mga pulis at hindi na alam ng ina ang kaniyang gagawin.

“Mga anak, buti ay narito na kayo. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko! Nabiktima ako ng pambubudol!” umiiyak na sambit ni Teresa.

“Huwag n’yo na pong alalahanin ‘yon, ‘Ma. Ang mabuti ay hindi kayo nasaktan! Anu-ano ba ang nakuha sa inyo at magkano ang halaga?” tanong ni Ringo sa ina.

“Nalimas ang mga alahas ko pati na rin ang alahas ng papa n’yo. Ang pinakamasakit sa akin ay nakuha rin nila ang dapat ay ibibigay ko sa inyo. Kinuha ko na ang halos lahat na ipon namin ng papa n’yo nang mapaghatian n’yo nang magkapatid. Nagtira lang ako ng kaunti. Sapat para sa akin,” paliwanag ng ina.

Dito na biglang naalarma ang magkapatid.

“Magkano po ang pera na ‘yon, ma?” muling tanong naman ni Raymond.

“Halos isang milyon ang natangay sa akin, mga anak! Nakalaan ang perang iyon para sa inyong magkapatid at sa inyong pamilya! Ngayon ay wala man lamang akong maiiwan sa inyo!” patuloy sa paghagulgol si Teresa.

Bahagyang nanlambot ang mga tuhod ng magkapatid nang malaman nila ang halagang nakuha sa ina. Labis na panghihinayang sapagkat pinakinabangan lamang ito ng iba. Nagsisisi tuloy sila kung bakit hindi pa nila pinaunlakan noon ang ina nang nag-imbita ito.

Ngunit ang lalong nakakabahala ay ang kaligtasan ng kanilang Mama Teresa. Malaki kasi ang tiyansa na balikan ng mga sindikato ang matanda. At baka kapag wala nang makuha dito ay lalong gawan pa ng masama.

Nakapagdesisyon ang magkapatid na kupkupin muna ang ina. Salitan sila sa pangangalaga kay Teresa. Napagtanto nila ang kahalagahan ng buhay ng kanilang ina matapos ang mga nangyari.

Nakuhaan man ng malaking halaga si Teresa ay nagpapasalamat ang lahat na iyon lamang ang nangyari sa kaniya.

Advertisement