Tutol na Maging “Retirement Plan” ng mga Magulang ang Panganay na Anak; Mapapahiya Siya sa Bwelta ng Ina
Papasok na sana ng bahay si Carmen nang mapansin siya ng kumare at kapitbahay na si Sion.
“Mare, ilang buwan na lang ay magreretiro ka na. Handa ka na ba sa bagong buhay na kahaharapin mo? Matagal ka ring nagturo sa eskwela kaya tiyak akong maninibago ka kapag nariyan ka na lang sa bahay,” saad ni Sion sa ginang.
“Sa totoo lang ay hindi na nga ako makapaghintay na magretiro. Sa wakas ay dito na lang ako sa bahay at mapagsisilbihan ko na ang asawa ko. Hindi na ako kailangan pang maging abala ng buong araw dahil sa mga lesson plan at mga inihahandang kagamitan para sa pagtuturo. Gusto kong i-enjoy ang buhay na kasama siya,” paliwanag naman ni Carmen.
“Mahirap ding magretiro, ano? Hindi naman ganoon kalaki rin ang makukuha mong pensyon. Nakahanda na ba kayong mag-asawa ngayong hindi na gano’ng kalaki ang papasok sa inyong pera? Alam mo kasi nahirapan talaga kami ng asawa ko nang magretiro siya. Lalo na at matanda na tayo. Kung anu-ano na ang mga sakit na nararamdaman natin. Sabagay at malalaki naman na ang mga anak mo at may magagandang trabaho. Kahit na may sari-sarili nang pamilya ay maganda naman ang kita kahit paano, ano? Mabuti na lang at napagtapos mo sila,” muling sambit ni Aling Sion.
Ang hindi alam ng magkumare ay naririnig ni Joshua, panganay na anak ni Carmen, ang kanilang usapan. Bigla na lamang umentra ito sa pag-uusap ng dalawa.
“Aling Sion, mawalang galang na po sa inyo. Tiyak akong nabubuhay pa rin kayo sa makalumang mundo kaya ganiyan pa rin ang inyong pag-iisip. Hindi na po uso na sa anak mo ipapasagot ang lahat kapag tumanda ka na. Hindi po retirement plan ang mga anak. Iyan po ay isang nakakainis na ugali nating mga Pilipino. Pag-aaralin ang anak at saka kapag nakapagtapos na ay ipapasagot ang lahat. Nariyang pag-aaralin ang mga nakakabatang kapatid at kailangang maging daan para makaahon sa kahirapan. Kawawa naman po ang mga anak kapag ganyan ang pag-iisip ng magulang!” sabat ni Joshua sa kanilang pag-uusap.
Parang napahiya naman si Aling Sion at si Carmen sa tinurang ito ng binata. Nanghingi na lamang ng paumanhin si Carmen sa kumare dahil sa inasal ng anak.
“Ano ka ba naman, Joshua! Bakit mo sinagot ng ganun si Sion? Hindi naman ganun ang gusto niyang ipahiwatig. Saka natural lang naman sa mga magulang na humingi ng tulong sa mga anak kapag sila ay tumatanda na,” sambit ni Carmen sa anak.
“Naiinis po kasi ako sa tuwing maririnig ko na bahala na ang mga anak sa kanilang mga magulang kapag tumanda na ang mga ito. Parang ang dating kasi sa akin ay kailangan kong bayaran ang mga responsibilidad na ginawa n’yo sa amin! Dapat kasi ay putulin na ang ganiyang kaugalian! Parang tinatanggalan ng karapatan ang mga anak na magkaroon ng masaya at maginhawang pamumuhay dahil sa mga responsibilidad na iniatang sa kaniya,” sagot pa ni Joshua.
Alam ni Carmen na hindi magpapatalo ang anak sa pakikipagdiskusyon kaya hindi na niya ito pinatulan pa.
Lumipas ang ilang buwan at tuluyan nang nagretiro itong si Carmen. Dahil wala nang sweldo at naghihintay pa ng pensyon ay minabuti nitong magtayo ng isang tindahan. Magkatuwang sila ng kaniyang asawa sa kanilang munting negosyo.
Ayos naman ang pamumuhay ng mag-asawa. Sa katunayan nga ay para silang bagong kasal dahil sa tagal ng panahon na sila’y magkasama, ngayon lamang nila nagagawang mag-asawa ang mga hilig na walang inaalalang trabaho.
Tahimik na sana ang buhay ng mag-asawa nang biglang dumating si Joshua sa kanilang bahay.
“‘Nay, lilipat muna kami ng pamilya ko dito sa bahay. Doon kami sa dati kong kwarto. Nagresign kasi ako sa trabaho. Kung magrerenta pa kami ay lalo kaming magigipit,” sambit ng panganay kay Carmen.
“Bukas naman ang bahay na ito para sa inyo, anak. Pero p’wede ko bang malaman kung bakit ka nagresign? Hindi ba’t maganda naman ang sweldo mo sa banko?” pagtataka ng ina.
“Napapagod na po kasi ako sa trabaho ko. Laging maraming kailangang gawin. Saka ililipat na raw kasi ako ng branch. Malayo kaya lalo akong mahihirapan!” sagot naman ni Joshua.
Pinatuloy sa bahay ng mag-asawa ang anak na si Joshua sa pag-aakalang panandalian lamang ito at maghahanap din agad ito ng trabaho. Ngunit lumipas ang ilang buwan at talagang iniasa na ni Joshua ang kaniyang pamilya sa kaniyang mga magulang.
“Anak, kailan ka ba hahanap ng trabaho? Akala ko ba’y panandalian lamang ito? Alam mo namang parehas na kaming retirado ng tatay mo at maliit lang ang kinikita namin sa tindahan,” sambit ni Carmen sa anak.
“Hindi ko pa kayang magtrabaho, ‘nay. Saka isa pa, anak at mga apo n’yo naman ang mga tinutulungan n’yo!” sagot naman ni Joshua.
“Hindi naman ako nagdadamot sa iyo, anak. Ang sa akin lang ay kailangan mong gampanan ang responsibildad mo sa pamilya mo. Hindi ka p’wedeng nakasandal lang sa amin nang tuluyan. Matatanda na kami at nagawa na rin naman namin ang responsibilidad namin sa iyo bilang magulang,” paliwanag ni Carmen.
“Bakit? Natatapos lang ba ang responsibilidad n’yo bilang magulang kapag nagkapamilya na ang anak? Anak n’yo pa rin naman ako!” giit pa ni Joshua.
“Ngunit sa iyong responsibilidad naman ang pagbuhay sa pamilya mo, Joshua. Huwag mo na kaming pahirapan pa ng tatay mo. Hindi ako nagdadamot, anak. Kung anong meron kami ng tatay mo ay bukas-palad naming ibibigay, pero may hangganan. Natatandaan mo ba ‘yung sinasabi mo sa akin na dapat ay itigil nang gawing retirement plan ang anak ng kanilang mga magulang? Pagtatapusin ng pag-aaral tapos ay iaasa na ang responsibilidad na magbigay ng magandang buhay? Hindi naman ganun ang ginawa namin sa inyong magkakapatid ng tatay mo! Kung naniniwala ka sa konsepto na iyon ay dapat maniwala ka rin na hindi dapat gawing bangko ang mga magulang. Nabigyan na namin kayo ng magandang edukasyon na maaari n’yong sandata sa pagpapamilya. Responsibilidad mo nang bigyan ng magandang buhay ang sarili mong pamilya. Huwag mo na kaming bigyan ng sakit ng ulo, anak. Kaya mo namang magtrabaho dahil malakas ka pa at may pinag-aralan,” pahayag ni Carmen sa anak.
Napahiya si Joshua sa tinuran ng ina. Ang lahat ng sinabi ng lalaki noon ay tila bumalik sa kaniya ngayon. Kahit na sa isang banda ay labag sa kalooban ni Carmen ang pagsasalita ng masakit sa anak ay kailangan niya itong gawin upang matauhan si Joshua at magsimulang kumilos muli para naman sa sariling pamilya.
Nagsimulang magbanat ng buto muli si Joshua para matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Gayunpaman, nakaagapay pa rin sina Carmen at asawa nito sa pagsuporta sa pamilya ni Joshua habang wala itong sapat na ipon.
Matitiis man ng mga anak ang kanilang mga magulang, ngunit walang magulang ang kayang tumiis sa kanilang mga anak.