Hindi Namimili ng Isasakay ang Drayber ng Taxi; Isang Magandang Pabuya ang sa Kaniya’y Naghihintay
Halos hindi maipinta ang mukha ni Mang Celso dahil sa mabigat na trapiko. Wala na nga siyang makuhang pasahero ay naaaksaya pa ang gasolina ng minamanehong taxi dahil sa trapik. Halos dalawang oras ding hindi umusad ang mga sasakyan. Nais pa sana niyang bumiyahe ngunit hinihintay na ng kaniyang karelyebo ang taxi.
“Parang ang aga mo namang gumarahe, pare. Kaya pa ng isang pasada ‘yan!” sambit ni Damian sa kapwa drayber at kasamahan sa trabaho.
“Gagarahe na ako, pare, nakakahiya naman sa kapalitan ko. Baka siya naman ang mabawasan ang kita,” tugon naman ni Damian.
“Huwag ka kasing nagsasakay ng mga pasaherong alam mong dadaan sa trapik. Mahina kasi ang diskarte mo, pare! Mahilig kang magsakay ng kahit sino lang. Kung ang mga pasahero nga namimili ng taxi na sasakyan, dapat tayo rin. Huwag kang masyadong tapat sa trabaho mo kung hindi ay wala kang iuuwi sa pamilya mo!” saad muli ni Damian.
“Hindi naman ako makatanggi, pare, dahil mahuhuli na sa trabaho ‘yung huling sumakay sa taxi ko,” sagot naman ni Mang Celso.
Kahit paano ay may mauuwi namang kita si Mang Celso sa kaniyang pamilya sa pamamasada buong maghapon. Ngunit hindi ito sasapat sa iba pang bayarin. Inaalala kasi niya ang ang matrikula ng kaniyang anak na kailangan nang bayaran sa katapusan.
Kinabukasan ay nagkita muli si Celso at Damian sa paradahan ng mga taxi. Ipinagmamalaki ni Damian ang bago niyang biling selpon. Maganda ito at halatang mamahalin.
“Tingnan mo, Celso, kung ginagawa mo ang sinasabi ko sa’yong istilo ay hindi mo lang basta mababayaran ang matrikula ng anak mo kung hindi ay makakabili ka rin ng magandang selpon na tulad nito,” pagmamalaki ni Damian.
Ilang sandali lang ay dumating ang kapwa drayber at may bitbit na isang magandang balita.
“Narinig n’yo na ba ang balita, mga pare? Magbibigay raw ng bonus ang boss natin! Hindi pa kumpirmado ito pero sana nga ay totoo!” saad ng ginoo.
“Naku! Sana nga ay totoo ‘yang sinasabi mo dahil malaki-laki kasi ang babayaran kong matrikula. Malaking tulong talaga ‘yan para sa amin kung sakali!” wika naman ni Celso.
Panandaliang nabuhayan ng loob si Celso. Ngunit wala pa namang kasiguraduhan ang sinasabing ito ng kapwa drayber.
Nagpatuloy sa pagbiyahe ng taxi itong si Mang Celso. Hindi tulad ni Damian, walang tinatanggihang pasahero ang ginoo. Hindi rin siya nagpapadagdag ng bayad. Kung ano lamang ang nakalagay sa metro ay iyon lang din ang pinababayaran ni Mang Celso. Maswerte na siya kung magbibigay ng tip ang mga pasahero.
Bandang alas kwatro ay unti-unti nang bumibigat ang daloy ng trapiko. Nang maggabi na ay halos wala nang gustong bumyaheng sasakyan dahil tiyak na maiipit sila sa trapik. Isabay mo pa riyan ang biglaang pagbagsak ng ulan.
Isang matandang babae ang nasa waiting shed at naghihintay ng masasakyan. Nang matanaw nito ang taxi na minamaneho ni Damian ay agad niya itong pinara. Hinintuan ni Damian ang matandang pasahero. Pasakay na sana ang matanda ngunit pinigilan siya ng ginoo.
“Saglit ho, ginang. Saan po ba ang tungo n’yo?” tanong ni Damian sa matanda.
“Pakihatid mo naman ako sa Alabang. Wala na kasi talaga akong masakyan. Nahihirapan na akong makauwi,” paliwanag ng ale.
“Naku, malayo-layo pala, ginang. Napakatrapik po kasi. Maiipit tayo saka talo ako sa gasolina. Kung gusto n’yo po ay ihahatid ko kayo pero hindi na po natin susundin ang metro. Magkasundo na lang po tayo sa presyo,” saad pa ni Damian.
“Magkano ba ang sisingilin mo sa akin?” tanong naman ng matanda na bahagya nang nababasa sa ulan habang nakikipag-usap sa drayber.
“Isang libo at limang daan na lang po, ginang. Ihahatid ko na kayo niyan sa tapat mismo ng bahay n’yo!” tugon naman ng drayber.
“Naku! Napakamahal naman ng sinisingil mo sa akin. Wala akong dalang ganung kalaking halaga. Hindi mo ba p’wedeng bawasan man lang?” pakiusap ng matanda.
“Ganun po talaga ang singilan sa ganitong oras. Umuulan pa po. Saka kailangan n’yo rin kasing bayaran ang pabalik ko. Baka wala akong masakay na pasahero. Kung ayaw n’yo ay maghanap na lang po kayo ng iba!” bulyaw ni Damian sa matanda.
“O sige, maghahanap na lang muna ako ng iba. Hindi ko talaga kaya ang sinisingil mo,” saad ng ale.
Hindi pa man natatapos ang sinasabi ng matanda ay iniharurot na ni Damian ang taxi palayo.
Mabuti na lamang at kasunod lang ni Damian itong si Mang Celso. Hinintuan ng ginoo ang kawawang matanda.
“Ale, sakay na po kayo. Ihahatid ko po kayo kung saan kayo pupunta,” alok ni Mang Celso sa matanda.
“Maraming salamat! Hirap na hirap na ako sa pagkuha ng masasakyan. Umuulan pa naman. Nga pala, sa Alabang ang tungo ko, ayos lang ba sa iyo?” tanong ng ginang.
“Kahit saan pa po ‘yan, ginang. Ako na po ang bahala sa inyo. Sabihin n’yo na lang po ang eksaktong address nang makauwi na kayo,” wika pa ni Mang Celso.
“Baka naman mahal ang singilin mo sa akin, wala akong ibabayad,” pag-aalala muli ng ale.
“Sa metro po tayo magbabase, ale, pero kung ano po ang maibibigay n’yo ng maluwag sa puso n’yo ay ayos lang. Mahirap na po kasi talagang maghanap ng masasakyan ngayon. Lalo na at malayo po ang kailangan niyong uwian,” saad pa ng ginoo.
Isinakay ni Mang Celso sa mimamanehong taxi ang matandang ale. Masaya naman ang ginang sapagkat maayos ang serbisyong ibinigay ng ginoo sa kaniya. Habang nasa byahe ay nagkwentuhan muna ang dalawa.
Makalipas ang ilang oras na pagmamaneho ay pinapasok ng matandang ale ang taxi sa isang eksklusibong subdivision.
“Narito kasi ang bahay ng amo ko. Nakipagkita kasi ako sa anak ko kanina. Hindi ko naman alam na mahirap palang umuwi,” saad ng matandang ale.
Huminto sila sa isang napakalaking bahay. Maging si Mang Celso ay namangha sa estilo ng mansyon.
Bago bumaba ang ale ay tiningnan nito ang metro at saka nagbigay ng bayad sa drayber.
“Kahit kalahati na lang po ang ibayad n’yo ginang. Mamaya rin naman po ay may makakasalubong ako at may maisasakay ako pabalik. Pagarahe na rin naman po ako,” sambit pa ni Mang Celso.
“Napakabuti talaga ng kalooban mo, Celso. Sana lahat ng drayber ay katulad mo. Dahil diyan ay may nais akong ibigay sa iyo na munting regalo,” saad ng ale.
Maya-maya ay lumabas sa bahay ang isang humahangos na lalaki.
“Ma, saan na naman po kayo nagpunta? Ang sabi ng mga katulong ay hindi man lang kayo nagsama ng drayber! Mabuti na lang pala at naisakay kayo ng isa sa mga taxi natin!” saad ng lalaki nang mapansin ang taxi ni Mang Celso.
Labis na nagugulumihanan si Mang Celso. Laking gulat din niya nang makita ang may-ari ng kompanya ng taxi na kaniyang pinagtatrabahuhan.
“Ayos lang ako, anak. Maayos magmaneho itong si Celso at tunay na mabuting tao. Kuhain mo nga ang booklet ko ng tseke at bibigyan ko ng gantimpala ang ginoong ito. Labis niya akong pinahanga. Isa siyang huwarang empleyado,” saad pa ng matandang ale.
Ang matandang ginang palang ito ang tunay na may-ari ng kompanya ng taxi na pinagtatrabahuhan ni Mang Celso. Dati itong pagmamay-ari nilang mag-asawa ngunit nang yumao ang mister ay pinasa na niya ito sa mga anak. Nais subukin ng ginang ang galing ng kanilang mga empleyado kaya nagbigay siya ng isang pagsubok.
Ilang taxi na pala ang tumatanggi sa kaniya dahil sa mabigat na daloy ng trapiko, umuulan at malayo ang destinasyon na kailangang puntahan. Ngunit hindi nag-atubili si Mang Celso na tulungan ang ginang.
Binigyan ng may-ari ng malaking pabuya itong si Mang Celso. Kinabuksan ay nagulat na lamang ang ginoo nang makita na nakapaskil ang kaniyang larawan sa kanilang opisina. Naroon din ang may-ari ng kompanya at ang matandang ina nito. Binigyan nila ng parangal si Mang Celso at ginawang magandang halimbawa sa pagiging isang mahusay na drayber.
Labis naman ang inggit ng ilang drayber nang malaman ang malaking halaga na ibinigay ng mag-ina bilang pabuya kay Mang Celso. Lubos namang napahiya si Damian nang malaman na ang kaniyang tinanggihan pa lang isakay sa taxi ay ang ina ng mismong may-ari ng kompanya.
“Karapat-dapat si Celso sa karangalan na ito dahil tapat siya sa kaniyang serbisyo,” saad ng matandang may-ari.