Pumili ng Bigating mga Ninong at Ninang ang Ginang para sa Anak; Bandang Huli’y Mapapahiya Siya sa Kaniyang Layunin
Halos hindi na magkandaugaga itong si Tina sa pagpaplano ng binyag ng unang anak na si Dahlia. Nais niyang maging perpekto ang lahat sa gaganaping piging. Dahil nga kaisa-isang anak pa lamang itong si Dahlia ay nais ibigay ni Tina ang pinakamaganda at pinakamagarbong party para sa anak.
“Kailangan ba talaga ang lahat ng ito? Aba’y parang birthday party na ito ng anak natin. Napakaraming bisita at pumili ka pa ng mahal na restawran. Kaya ba ng budget natin ‘yan, Tina?” tanong ni Rex sa asawa.
“Unang anak natin itong si Dahlia, Rex. Saka ayaw kong mapahiya sa pamilya at mga kaibigan ko. Kung konti lang ang iimbitahin ko ay baka magtampo ang iba. Saka maibabalik naman ang ilang gagastusin natin dahil pumili ako ng mga ninong at ninang na tiyak na magbibigay ng malaking pakimkim!” tugon naman ng ginang.
“Sinu-sino ba ang mga kinuha mong ninong at ninang para sa binyag ni Dahlia? Ang nais ko kasi ay ‘yung mga ka-close lamang talaga natin dahil masisigurado nating magiging maganda ang pagtingin nila para sa ating anak,” saad muli ng ginoo.
“Pumili ako ng mga ninong at ninang na bigatin. May mga doktor, abogado, inhinyero saka ang iba ay nasa ibang bansa. Kailangan maging wais tayo sa pagpili ng ninong at ninang. Lalo na kapag mamamasko na ang anak natin. Baka mapahiya itong si Dahlia at walang matanggap na regalo,” pahayag naman ni Tina.
“Ano ka ba naman, Tina! Kapag nalaman ‘yan ng mga kinuha mong ninong at ninang ay baka kung ano ang isipin sa atin. Saka hindi naman talaga ‘yan ang layunin ng pagkakaroon ng mga ninong at ninang. Sila ang tatayong pangalawang magulang sa ating anak. Sila rin ang magbibigay gabay sa anak natin,” paliwanag naman ng mister.
“Kaya nga! Nais mo bang magkaroon ng pangalawang magulang ang anak natin na salat sa buhay? Pabayaan mo na ako sa gusto ko, Rex. Tayo rin naman ang makikinabang nito!” wika pa ng ginang.
Nagpatuloy sa pagpaplano itong si Tina. Habang tumitingin siya ng mga post sa social media ay nakita niya ang dating kaklaseng si Grace na nagtatrabaho sa Amerika at kakauwi lang nito sa Pilipinas. Agad niya itong pinadalhan ng mensahe upang imbitahing maging ninang ng kaniyang anak.
“Grace, narito ka na pala sa Pilipinas. Sa susunod na linggo ay binyag ng anak ko! Gusto kitang kunin sanang ninang. Sana ay makapunta ka!” paanyaya ni Tina.
Nagulat si Grace sa natanggap na mensahe dahil matagal na rin nang huli silang nag-usap nitong si Tina at ngayon ay kinukuha pa siyang ninang ng anak nito.
Hindi naman nakatanggi si Grace sa paanyaya ng dating kaklase. Pinaunlakan niya ito.
“Sige ba, nakakatuwa naman at napili mo akong ninang! Pupunta ako sa binyag. Isasama ko ang pamangkin ko,” tugon naman ni Grace.
Samantala, masaya si Tina sa pagpayag ni Grace sa kaniyang imbitasyon.
“Tiyak akong malaki ang ibibigay nitong si Grace dahil kakagaling lang nitong Amerika. Baka nga bigyan pa niya ito ng mga laruan dahil napapansin kong lagi siyang pinapasalamatan ng mga pamangkin sa ibinigay na mga regalo,” saad ni Tina kay Rex.
“Huwag kang maghangad ng ganiyan, Tina. Hindi tama ‘yan. Kunin mo siyang ninang hindi dahil sa kaya niyang ibigay kung hindi dahil sa kaniya niyang gampanan ang maging isang magandang halimbawa para sa anak natin,” wika naman ni Rex.
“Tumigil ka na nga sa mga sinasabi mo, Rex. Nagiging praktikal lang naman ako. Tingnan mo, pasasalamatan mo pa ako bandang huli dahil maayos ang pinili kong maging ninong at ninang ni Dahlia,” wika pa ng misis.
Dumating ang araw na pinakahihintay ni Tina. Ngunit malapit nang magsimula ang binyagan ay iilan pa lamang ang mga ninong at ninang na nasa simbahan.
“Hindi raw makakarating ang ilan sa kanila dahil maraming gagawin. Simulan na natin ang binyagan,” saad ni Tina sa asawa.
Nang matapos ang binyag ay agad silang nagtungo sa handaan. Naroon na ang lahat ng kamag-anak at kaibigang inimbitahan ng mag-asawa.
Hindi naman makapaghintay si Tina na buksan na ang regalo at mga pakimkim para kay Dahlia.
Nang matapos ang kainan ay agad nang binayaran nila Tina at Rex ang balanse nila sa restawran.
“Ang laki naman ng binayaran natin, Tina. Halos maubos na ang lahat ng ipon natin d’yan!” saad ni Rex.
“Minsan lang naman binyagan ang anak natin. Saka may mga pakimkim naman tayong nakuha. Tiyak akong malaki ang binigay ni Grace dahil makapal ang sobre,” sambit ni Tina.
Pag-uwi sa bahay ay dali-daling binilang ni Tina ang mga pakimkim. Ngunit laking unsyami niya nang makitang limang daang piso lamang ang ibinigay ni Grace para sa kaniyang anak. Makapal lamang ito dahil puro tig-bebente pesos.
Halos wala pa sa kalahati ng babayaran ang naipong pakimkim ng mag-asawa. Sa inis ni Tina ay nagawa niyang padalhan ng mensahe muli si Grace.
“Grabe naman, Grace, inimbita kita sa binyag ng anak ko para maging ninang pero limang daan lang ang binigay mo. Naturingan pang galing kang Amerika. Nagsama ka pa ng pamangkin!” sambit ni Tina.
Labis na nayamot si Grace nang mabasa niya ang mensaheng ito ng dating kaklase. Hindi niya tuloy maiwasan na sagutin ito.
“Nakakatawa ka naman, Tina. Ang akala ko ay bukal sa loob mo ang pagpili sa akin bilang ninang ng anak mo. Kahit na hindi naman tayo talaga ganung kalapit ay tinanggap ko ang paanyaya mo. Hindi porket galing akong Amerika ay marami na akong salapi. Umuwi ako ng Pilipinas dahil nawalan ako ng trabaho sa ibang bansa. Hindi ko na kaya pang tustusan ang mahal na pamumuhay sa Amerika kaya nagdesisyon akong umuwi na lang dito. Kahit na gipit ako ay pinilit ko pa ring magbigay. Pasensya ka na kung iyan lang ang nakayanan ko. Pero ang regalo kong iyan sa anak mo ay bukal sa puso ko. Kung ito pala ang sukatan mo ng pagkuha ng ninong at ninang ay kalimutan mo nang ninang ako ni Dahlia. Maraming salamat sa paanyaya mo. At sana’y pagpalain ang iyong anak na huwag maging katulad mo,” tugon naman ni Grace.
Lalong nagngitngit ang kalooban ni Tina sa sagot sa kaniya ni Grace. Nais sana niyang sagutin muli ang mensahe ng dating kaklase ngunit naka-block na siya dito.
Nang makita naman ng pamangkin ni Grace ang ginawang ito ni Tina ay agad niyang ipinost sa social media ang palitan ng mensahe ng dalawa. Umani ng sandamakmak na masamang reaksyon ang post na ito mula sa maraming tao. Mabuti na lamang ay tinakpan ng pamangkin ni Grace ang tunay na pangalan at larawan ng nagpadala. Ngunit labis na tinamaan sa post na ito si Tina.
Bandang huli ay wala ring gaanong regalong natatanggap ang anak na si Dahlia sa mga tinuturing ni Tina na bigating mga ninong at ninang ng anak. Dito niya napagtanto ang noon pang sinasabi ng mister. Hindi dapat sa katayuan sa buhay lamang nakabase ang papili ng magiging ninong at ninang ng anak. Sa isang banda, ang layunin naman ng pagiging ninong at ninang ay maging pangalawang magulang para sa kanilang inaanak.