Nais Ipahiya ng Dalaga ang Manliligaw dahil sa Panloloko Umano Nito sa Kaniya; Siya Pala ang Mapapahiya Kung Natuloy ang Kaniyang Plano
Hindi magkamayaw ang kilig at saya na nararamdaman ni Noreen nang malamang napupusuan din pala siya ng binatang si Jerry. Matagal na kasing may lihim na pagtingin itong si Noreen sa binata at ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi siya magkakaroon ng nobyo kung hindi lang si Jerry.
Iba kasi ang dating nitong si Jerry kaya maraming babae rin ang nahuhumaling sa kaniya. Mula ito sa isang prominenteng pamilya. Bukod pa sa kagwapuhan nito ay mabait din ito at matalino. Lahat na yata ng hinahanap mo sa lalaki ay nasa kaniya na. Kaya hindi mapigilan talaga ng mga babae na mahulog sa binata.
Nagpaalam si Jerry sa mga magulang ni Noreen na manliligaw ito. Hindi kasi pinapahalata ni Noreen ang pagtingin niya sa binata at nais niyang malaman kung tunay at tapat ba ang hangarin nito sa kaniya.
Nang malaman ng mga kaibigan ni Noreen ang ginagawang panliligaw ni Jerry ay kinilig din ang mga ito.
“Kung susundin ko lang talaga ang puso ko ay sasagutin ko na agad si Jerry. Pero ayaw ko namang isipin niyang mabilis lang niya akong makukuha. Gusto ko munang magpakipot ng konti para mahirapan siya,” saad ni Noreen sa mga kaibigan.
“Huwag mo namang pahirapan masyado, Noreen, at baka magsawa. Baka mamaya ay makakita ng ibang babaeng mas ibibigay ang pagmamahal sa kaniya. Ikaw rin! Nasa iyo na baka mawala pa,” sulsol naman ni Karmi, isa sa mga kaibigan ni Noreen.
“Gusto kong patunayan niya sa akin na maganda ang hangarin niya. Kahit naman may gusto ako sa kaniya ay hindi niya pa rin ako madaling mabibihag. Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga magulang ko? Saka kung magkakaroon ako ng kasintahan ay gusto ko ‘yung pangmatagalan na talaga!” sambit pa ng dalaga.
Nagpatuloy ang panliligaw ni Jerry kay Noreen. Maraming babae ang naiinggit sa dalaga. Ang iba nga ay sinisiraan pa si Jerry kay Noreen para hindi sila magkatuluyan. Minsan ay naaapektuhan na si Noreen dito. Ngunit hindi na niya maitanggi ang pagdududa sa binata nang ang mismong si Karmi na ang nagsabi kay Noreen ng kaniyang nakita.
“Sigurado akong si Jerry ‘yun! Dikit na dikit nga sila ng kasama niyang babae kanina sa mall. Gusto ko nga sanang tawagin pero biglang may isang babaeng lumapit sa kaniya. Niyakap pa nga siya nito at hinalikan sa pisngi. Kung makita mo lang sila kanina. Hindi mo mapagkakaila na malapit sila sa isa’t isa,” kwento ni Karmi sa kaibigan.
“Baka naman kaibigan lang niya ‘yun o hindi kaya ay pinsan. Ano kaya ang motibo nitong si Jerry para ligawan ako? Nagpaalam pa nga siya sa mga magulang ko, hindi ba? Noong isang araw nga ay pinagpaalam niya pa ako kina Mommy at Daddy. Isasama raw nila ako sa family dinner nila. Doon ko pa naman siya balak sagutin,” pahayag naman ni Noreen.
“Baka totoo ang sinasabi ng iba nating kaklase. Ang sabi kasi nila ay talagang parang naging hamon kay Jerry ang hindi mo pagpansin sa kaniya. Sa lahat kasi ng babae dito sa unibersidad ay ikaw lang ang bukod tanging hindi nagpakita ng pagkagusto sa kaniya. Baka nakipagpustahan sa mga kaibigan para mapaibig ka,” saad pa ni Karmi.
Isang araw habang nasa mall ang dalaga ay nakita niya mismo si Jerry na may kasamang iba. Labis na nasaktan ang kalooban ni Noreen. Hindi rin niya alam kung paano kokomprontahin ang binata.
Kinagabihan ay dumalaw si Jerry sa bahay nila Noreen. May dala itong mga bulaklak at pagkain para sa dalaga. Halata naman ni Jerry ang malamig na pakikitungo sa kaniya ni Noreen.
“Ayaw mo ba ng mga bulaklak, Noreen?” tanong ng binata.
“Hindi, magaganda nga ang mga bulaklak. Salamat. Wala lang talaga ako sa mood ngayon para makipag-usap. Kung gusto mo ay bumalik ka na lang bukas. Pasensya ka na,” tugon naman ng dalaga.
“Kung may problema ka ay p’wede mo namang sabihin sa akin. Narito lang din ako para ipaalala sa iyo ‘yung family dinner namin. Lahat kasi ay inaasahan ang pagdalo mo. Hindi na ako makapaghintay na makilala ka ng pamilya ko,” masayang sambit naman ng binata.
Nais nang sabihin ni Noreen ang bigat na kaniyang nararamdaman hinggil sa panloloko sa kaniya ni Jerry. Ngunit nakaisip siya ng paraan para makaganti.
“Sige, dadalo ako sa family dinner n’yo, Jerry. Asahan kamo nila ang pagdating ko,” muling wika ni Noreen.
Nang gabing din iyon ay mariing pinagplanuhan ni Noreen ang gagawing pamamahiya kay Jerry.
“Ang kapal ng mukha mo na paglaruan ang damdamin ko, Jerry. Mabuti na lang habang maaga ay nakita ko na ang tunay na kulay mo! May iba ka naman palang napupusuan kailangan mo pang paibigin ako! Dinamay mo pa ang mga magulang ko! Humanda ka talaga sa akin sapagkat ibubunyag ko sa pamilya mo ang katotohanan!” sambit ni Noreen sa kaniyang sarili.
Kinabukasan, hapon pa lamang ay sinundo na ni Jerry si Noreen. Magalang nitong ipinagpaalam ang dalaga sa mga magulang nito.
Nakahanda naman na si Noreen sa balak niyang gawin kay Jerry.
Nang makarating sa salu-salo ang dalawa ay magiliw silang tinanggap ng mga kamag-anak ni Jerry.
Nagsisimula na ang kainan. Humahanap na lamang ng tiyempo itong si Noreen para ipahiya ang binata nang biglang may isang magandang dilag ang biglang dumating.
Labis na kinabahan itong si Noreen. Ito kasi ang babae na kasama ni Jerry sa mall. Inis na inis ang dalaga dahil pakiramdam niya ay pinapahiya talaga siya ni Jerry.
Nilapitan ni Jerry ang magandang dilag at sinalubong niya ito ng yakap at halik sa pisngi.
Labis na selos naman ang naramdaman ni Noreen.
“Kanina ka pa namin hinihintay, mommy! Kasama ko ngayon si Noreen at nakilala na siya ng buong pamilya,” sambit ni Jerry sa babae.
“S-siya ang mommy mo, Jerry? P-pero wala sa itsura niya na nanay mo siya. Para lang kayong magkasing edad,” labis na pagkagulat ni Noreen.
“Lagi ngang napagkakamalan na boyfriend ko itong anak ko. Hindi nila alam ay mas gwapo ang tatay niya kaysa dito kay Jerry!” natatawang sambit naman ng ginang.
Ngayon ay naunawaan na ni Noreen. Kaya maraming nagsasabi na may ibang babae itong si Jerry ay dahil madalas itong makitang kasama ng kaniyang ina. Maganda kasi ang pakikitungo ng mag-ina sa isa’t isa at hindi mo talaga mahahalata sa itsura ng ginang ang edad nito.
Mabuti na lamang at hindi naituloy ni Noreen ang kaniyang masamang balak kay Jerry kung hindi ay siya pa ang mapapahiya. Dahil napatunayan ni Noreen na tapat ang pagmamahal sa kaniya ni Jerry ay sinagot na niya ang binata noong gabing iyon.
Walang mapaglagyan ng kaligayahan ang dalawa ngayong ganap na silang magkasintahan.
“Pangako ko sa iyo na kayong dalawa lang ng mommy ko ang bukod tanging babae dito sa buhay ko!” saad ni Jerry sa kasintahan.