Inday TrendingInday Trending
Buong Araw na Namamalimos ang Lalaking Pulubi sa Labas ng Eskwelahan; May Paggagamitan Pala Siya Nito

Buong Araw na Namamalimos ang Lalaking Pulubi sa Labas ng Eskwelahan; May Paggagamitan Pala Siya Nito

Sa labas ng isang eskwelahan ay nakaupo ang isang lalaking pulubi. Tahimik lang ito at hindi tipong nagmamakaawa para bigyan ng limos.

“O, manong, pagpasensiyahan niyo na po itong nakayanan ko ha?” wika ng isang babae saka iniabot sa pulubi ang limangpung pisong papel.

“Maraming salamat, hija! Ingat ka kung saan ka man patutungo!” sagot ng pulubi.

Ang lalaking pulubi ay si Mang Esteban. Siya ang kilalang pulubi sa kalyeng ‘yon kung saan naroon din ang mababang paaralan ng San Roque. Ilang taon nang nakatayo sa lugar na iyon ang eskwelahan at marami na rin itong napagtapos na mga estudyante. Bukod sa de kalidad na pagtuturo ay ipinagmamalaki rin ng eskwelahan ang mga matatagumpay na mag-aaral na nagsipagtapos dito ngunit kilala rin ang lugar na iyon dahil sa pulubing si Mang Esteban.

“Ito po ang limos namin sa inyo, manong, sa araw na ito!” wika ng isang binatilyo.

“Salamat, hijo! Mag-aral kang mabuti ha?” tugon ng pulubi.

Ang kinagigiliwan ng mga esudyante at ibang taong napapadaan sa labas ng eskwelahan ay ang hindi tuwirang panghihingi ng lalaki ng limos. Hindi ito nananaghoy gaya ng ibang pulubing nakikita sa kalsada. Basta uupo lang ito roon at maghihintay ng mga manlilimos.

Dahil sa paraan niya ng panlilimos ay marami ang nagbibigay sa kaniya.

“Hi, manong! Ito po ang bigay namin ngayon!” sabi ng isang dalagita na may mga kasamang kapwa estudyante.

“Salamat sa inyo! Pagpalain nawa kayo ng Diyos!” sagot ni Mang Esteban.

At nang makalayo ang mga kabataan…

“Malinis ang pulubing iyon ‘no! Kaya palagi ko siyang binibigyan sa tuwing uwian, eh!” wika ng dalagita sa mga kasama.

“Oo nga, eh! Hindi siya nakakadiri gaya ng ibang pulubi! Araw-araw ko na rin siyang lilimusan!” tugon ng kausap.

Isa iyon sa dahilan kaya paborito siyang bigyan ng mga naglilimos sa kanya, dahil hindi siya gusgusin at mukhang taong grasa. Maayos ang kanyang pananamit kahit pa may kapansanan siya. Putol ang kanang paa ni Mang Esteban kaya marami ang nahahabag sa kalagayan niya.

“Mama, ito po ang limos ko! Sa inyo na rin po itong dala kong tinapay!” sambit ng isang binatilyong estudyante sabay abot sa kanya ng barya.

“Naku, maraming salamat! Ingat ka sa pag-uwi!” sagot ni Mang Esteban.

Sa pagsapit ng dilim ay saka lamang aalis ang lalaking pulubi sa labas ng eskwelahan at biglang nawawala sa kung saan.

Kinaumagahan ay babalik ito sa dating puwesto at sisimulan nang umupo at mag-iintay ng manlilimos.

Samantala, kinahapunan sa loob ng eskwelahan ay may pagpupulong na nagaganap.

“Ipinatawag ko kayong mga guro dahil nais kong ibalita sa inyo na gaya ng dati, ang pinakamalaking donasyon na nakuha ng ating paaralan ay nagmula na naman kay Mr. Francisco,” hayag ng principal.

“Nakakatuwa naman! Kahit kailan ay hindi nakakalimot si Mr. Francisco sa pagbibigay ng donasyon sa ating eskwelahan,” sagot ng gurong si Mrs. Esteves.

“Halos buwan-buwan siyang nagbibigay ng tulong. Kaya tayo nakapagpatayo ng mga karagdagang silid-aralan at nagkaroon din tayo ng mga bagong mga suplay rito sa paaralan at mga bagong aklat para sa mga estudyante ay dahil sa malaking donasyon niya,” sabad ng gurong si Mr. Nepomuceno.

“Bakit ‘di natin kumbidahin si Mr. Francisco sa darating na Foundation Day?” suhestyon ni Mrs. Esteves.

“Oo nga naman, sir, para naman mapasalamatan natin siya nang personal,” giit pa ni Mr. Nepomuceno.

“Gustung-gusto kong gawin iyon para personal natin siyang mapasalamatan sa lahat ng naitulong niya sa paaralang ito pati na rin sa atin, sa iba pang empleyado rito at mga estudyante, pero hindi ko alam kung saan siya nakatira. Hindi ko rin alam kung ano ang contact number niya. Ang totoo, walang nakakakilala sa kanya. Basta may nagpapadala sa opisina ko ng sobreng naglalaman ng mga perang donasyon niya para sa eskwelahan,” tugon ng principal na si Mr. De Leon.

“Sayang naman!” wika naman ng mga guro sa pagpupulong na iyon.

Gabi na nang matapos ang pagpupulong ng mga guro, paalis na rin ang pulubi sa puwesto nito sa labas ng eskwelahan.

“Makakauwi na ako,” bulong ng lalaki.

Naglakad ng ilang hakbang ang pulubi gamit ang bitbit na saklay at pagdating sa kanto ay luminga-linga muna ito bago tuluyang sumakay sa isang magarang kotse. Maya maya ay kinausap siya ng kaniyang asawa na nakasakay sa kotseng iyon.

“Esteban… hanggang kailan ba ang panata mong maging pulubi?” tanong ng misis niyang si Genoveva.

“Malaki ang utang na loob ko sa eskwelahan ng San Roque dahil ang eskwelahang ‘yon ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapag-aral noong aking kabataan kahit na ako’y isang hamak na pulubi at may kapansanan pa. Tinulungan ako ng dating principal at may-ari ng eskwelahan na si Mr. Felimon De Leon na ama ng kasalukuyang principal na si Mr. Felix De Leon. Pinag-aral niya ako nang libre hanggang sa makapagtapos ako sa elementarya hanggang sa kolehiyo. Ang akala ko noon ay wala nang patutunguhan ang buhay ko nang maagang mawala ang aking mga magulang ngunit nang dahil sa kabutihan ni Mr. De Leon ay nagkaroon ng liwanag ang madilim kong hinaharap. Ngayong nakakaangat na ako sa buhay ay ako naman ang tutulong sa eskwelahan, sa mga taong nangangasiwa at nagtatrabaho roon para mabahaginan din nila ng tulong ang mga mahihirap na kabataan para makapag-aral. Kung tutuusin ay maaaring sa aking sariling bulsa na lamang manggaling ang perang ibibigay ko sa eskwelahan pero mas gusto kong magmula iyon sa maghapon kong pamamalimos gaya ng ginagawa ko noong bata pa ako. Saka ang ipinanlilimos naman sa akin ng mga may kayang estudyanteng nagbibigay sa akin ng pera ay bumabalik din sa kanila at nakakatulong pa sa ibang estudyante na kapos sa pera, para magkaroon sila ng mga bagong aklat, silid-aralan at para na rin sa magandang pamamalakad ng eskwelahang iyon. Hanggang malakas pa ang aking katawan ay hindi ako titigil sa pagiging pulubi at sa pagtulong sa eskwelahan ng San Roque at sa mga estudyante nito,” wika ni Esteban sa asawa.

Isa palang mayamang negosyante si Esteban Francisco Maglinaw at may dalawa silang anak ng kanyang asawang doktora na si Genoveva na pawang mga matatagumpay na rin sa mga piniling larangan. Sinadya niyang ilihim ang tunay na pagkatao para patuloy na tumulong sa eskwelahan na pinagkakautangan niya ng narating niya sa buhay. Siya pala ang tinutukoy ng principal na si Mr. De Leon na si Mr. Francisco na palaging nagbibigay ng malaking donasyon sa eskwelahan na mula pala sa kanyang araw-araw na panlilimos. Mas pinili niya ang gayong paraan ng pagtulong dahil para sa kanya ay mas magandang tumulong kapag pinaghihirapan. Mr. Francisco ang ginamit niyang pakilala na apelyido pala ng kanyang namayapang ina.

Advertisement